SCITECH | Muling Paghilom: Pag-alala sa Montreal Protocol
SEPTEMBER 7, 2024Crisjan Magaddatu
Crisjan Magaddatu
Maluwag na paghinga para sa inang kalikasan ang patuloy na pagliit ng butas sa ating Ozone layer. Mula 27.5 million kilometers noong 2006, ito ay naging 23.2 million kilometers noong 2022. Ito ay base sa report na inilabas ng United Nations Environment Program (UNEP) nitong Enero.
Resulta ito ng halos apat na dekadang tuloy-tuloy na pagtutulungan ng mga bansa sa ilalim ng United Nations (UN). Simula ito nang lagdaan ang kasunduan na tinawag na Montreal Protocol noong ika-16 ng Setyembre, taong 1987.
Ayon sa UNEP, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan kung saan sumang-ayon at pumirma sa iisang kasunduan ang lahat ng bansa sa mundo.
"The impact the Montreal Protocol has had on climate change mitigation cannot be overstressed," pahayag ni Meg Seki, ang executive secretary ng Ozone Secretariat ng UNEP.
Matagal nang nakaukit sa isipan ng marami ang halaga ng ozone layer ng mundo. Batay sa National Geographic Society, ito ay isang parte ng ating atmospera na nagtataglay ng manipis na hanay ng Ozone gas. Ito ang nagsisilbing kalasag ng mundo laban sa Ultraviolet (UV) Radiation mula sa araw. Ito ay maaaring makapinsala sa mga bagay na maaaring tamaan nito, kabilang na ang mga tao.
Dagdag pa ng isang ulat ng Department of Health (DOH), ilan sa mga maaaring maging epekto ng direktang exposure sa UV radiation ay ang pagkakaroon ng skin cancer, problema sa mata, at iba pang mga sakit. Lubha umano itong napaka-delikado lalo na para sa mga taong babad sa ilalim ng araw. Kabilang dito ang mga kawani ng pamahalaang nagtatrabaho sa kalsada.
Subalit sa kabila nito ay naglipana pa rin ang iba't ibang gawain na sumisira sa ozone layer. Kagaya nito ang pagtangkilik sa mga produktong mayroong Ozone Depleting Substances (ODS) o ang mga kemikal na direktang sumisira Ozone molecules gaya ng Chlorofluorocarbons (CFS) na karaniwang makikita sa hair sprays, air conditioning units, at refrigerator.
Kaya naman, sa mga nakalipas na taon ay paulit-ulit na nagbibigay-babala ang mga eksperto ukol sa pagkakaroon nito ng butas dahil sa mga gawain ng tao.
"Ozone action sets a precedent for climate action," saad ni Secretary-General Petteri Taalas ng World Meteorological Organization.
Sanhi ng lumalaking problemang ito ay pormal na pumirma ang humigit-kumulang 198 na mga bansa upang itatag ang Montreal Protocol. Dito ay naipasa ang iba't ibang programa kabilang na ang pagbabawal sa mga produktong naglalabas ng ODS at pagkakaroon ng multilateral fund upang tulungan ang developing countries gaya ng Pilipinas.
Sa inilabas nilang Quadrennial Scientific Report on Ozone Depletion, sinabi rin ng UNEP na kung magtutuloy-tuloy ang kooperasyon ng bawat bansa ay inaasahan nilang tuluyan nang babalik sa normal na lagay ang Ozone layer sa taong 2060.
Samantala, ilan sa mga paraang maaaring gawin ay ang pagsali sa mga tree planting activities, pagtangkilik sa pampublikong transportasyon, at pagpapalaganap pa lalo ng kaalaman ukol sa usapin ng Ozone Depletion. Ang maliliit na bagay na ito, kapag pinagsama-sama, ay nagiging malaking ambag sa pagprotekta sa ating kalikasan.