SCITECH | Bagong species ng palaka, nadiskubre sa Luzon
October 20, 2024Xylyn Nopre
Xylyn Nopre
Natuklasan ng isang grupo ng mananaliksik sa University of Kansas ang panibagong species ng palaka na tinawag na Limnonected cassiopeia sa bulubundukin ng Luzon matapos ang dalawampung taong pagsusuri. Ito ay ayon sa pag-aaral na kanilang inilathala sa Journal of Ichthyology & Herpetology nitong ika-23 ng Hulyo 2024.
Ayon kay Mark Herr, isang post-graduate student sa Biodiversity Institute ng UoK, noong una ay inakala nila na ang palakang ito ay isa lamang uri ng Luzon Giant Fanged Frog o Limnonectes macrocephalus na matagal nang natagpuan sa Pilipinas.
Dahil dito, nagtungo siya sa mga koleksyon sa museo upang matukoy ang mga pagkakaiba ng pisikal na anyo ng dalawang uri ng nasabing palaka. Matapos ang ilang linggo, nalaman niya na bagamat halos magkapareho ang dalawang species, ang Limnonected cassiopeia ay mas maliit, puti, at walang pigmented na mga pad ng paa, samantalang ang Limnonected macrocephalus naman ay may mas malaki at mas madilim.
Kaya naman, binigyan niya ng pangalan ang bagong species ayon sa konstelasyon na Cassiopeia na sumasagisag sa mga natatanging puting toepad nito.
“I ran comparisons among the populations, began to suspect they might represent different species, and then I delved further with detailed comparisons of different characters against each other,” pahayag ni Herr.
Ibinahagi rin niya ang kanyang plano na lalo pang pag-aaralan ang nasabing uri ng palaka upang matukoy ang kanilang mga gawi at kilos sa natural nilang habitat.
“Now that we know they're different, we can go out and watch them, and study their natural history and detail. Maybe they're doing something totally different in the wild, you know? That's exciting for me,” dagdag pa niya.
Patunay ang pagkatuklas na ito kung gaano pa karaming bagay sa mundo ang nananatiling nakakubli sa mata ng mga tao. Sa bawat bagong uri ng hayop na natutuklasan, muling nabubuhay ang ating responsibilidad na pangalagaan ang kalikasan.