SCITECH | Bagong ‘Hearing Aid’ feature ng Airpods, ipinakilala ng Apple
October 27, 2024Tasya Arabela Palon
Tasya Arabela Palon
Maaari nang ma-access ng ilang may-ari ng Apple AirPods ang bagong “Hearing Aid Feature” na nagpapalakas ng tunog para sa mga taong may mahina hanggang katamtamang kapansanan sa pandinig sa pamamagitan ng pag-click ng software update matapos itong aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) noong Setyembre 10.
Ayon sa National Council of Aging, mahigit 30 milyong Amerikanong may edad mula 20 hanggang 69 taong gulang ang may problema sa pandinig. Sa kabila nito, isa lamang sa anim na Amerikanong may problema sa pandinig ang aktwal na gumagamit ng mga hearing aid dahil sa mataas na presyo, kawalan ng mapagkukunan, at kakulangan sa kaalaman.
Pinatunayan din ng nasabing pananaliksik na kung hindi ito bibibigyan ng agarang lunas, maaaring magdulot ng pagtaas ng social isolation, depresyon, at pagbaba ng kumpiyansa sa sarili.
Dagdag pa rito, base rin sa pag-aaral, ang paggamit ng hearing aid ay nakatutulong na maiwasan ang paglubha ng problema sa kalusugan at posible pang humantong sa mas mahabang buhay.
Sa inilabas na launch presentation ni Sumbul Desai, Bise Presidente ng Apple Health, maaari nang masuri ang sariling pandinig sa sariling bahay sa pamamagitan ng limang minutong hearing test. Mula rito ay maaari nang makuha ng Airpods ang mga tunog sa paligid gamit ang Transparency Mode at palakasin ito nang naaayon sa resulta ng hearing test.
Binigyang-diin din ng kasalukuyang Chief Executive Officer (CEO) ng Apple na si Tim Cook na ang mga nasabing device ay ang pinakamahalagang kontribusyon ng kumpanya sa sangkatauhan.
Bukod pa rito, ang AirPods Pro 2 ay isang epektibong alternatibo sa nakasanayang mas mahal na medical device, ngunit ang mga interesado rito ay kailangang gumamit ng Apple devices upang ma-i-connect ang kanilang AirPods.
Simula 2020, ang Apple ay nakatuon na sa kalusugan ng mga gumagamit ng Apple devices tulad ng pagbibigay-abiso tuwing hindi regular ang tibok ng puso, isang atrial fibrillation reader, at isang electrocardiogram reader sa Apple Watch, ayon sa mga filling ng FDA.
Sa patuloy na pag-usbong ng teknolohiya, mas dumarami ang mga paraan ng pagbibigay-tulong at lunas sa mga tao. Nawa’y mapanatili ang paggamit ng teknolohiya sa pawang kabutihan lamang.