Pampinid na programa ng Buwan ng Wika 2024, isinagawa ng Letran SHS
AUGUST 30, 2024Hanz Hayden Vinuya
Hanz Hayden Vinuya
Matagumpay na idinaos ng Letran Senior High School ang Buwan ng Wika 2024, na may temang, "Wikang Filipino: Wikang Mapagpalaya" sa pamamagitan ng seminar workshop at pagpresenta ng bawat pangkat sa baitang 11 ng samu't saring pista ng Pilipinas, ngayong Agosto 30, sa SC Auditorium.
Pinangunahan ni G. Ron Matthew Solar, isang miyembro ng Kapisanang Diwa at Panitik, Sangay Pilantik at kapwa may akda ng antolohiyang “Sa ‘ming Pasilyo,” ang unang workshop, na may titulong "Palihan sa Pagsulat ng Baybayin,” kung saan tinalakay niya ang kasaysayan at paraan sa pagsulat ng sinaunang alpabetong Pilipino.
“Kailangan natin pag-aralan ang baybayin kasi, bilang isang mamamayan ng bansa, tayo ang inaasahan na maging ahente ng pagpapalakas ng adbokasiyang ito," wika ni G. Solar.
Dagdag pa niya, layon ng adbokasiyang ito na mapaunlad at mabigyang-halaga ang kulturang mayroon tayo.
Sa pagpapatuloy ng programa, nagkaroon ng pampasiglang bilang ang Danza En Ritmo sa pamamagitan ng kanilang maikling pagtatanghal ng folk dance na pandanggo sa ilaw at pagsayaw ng modernong OPM.
Samantala, pinangunahan naman ni Prop. Joselito D. Delos Reyes, ang ikalawang workshop, na may paksang, "Paggamit ng Pambansang Wika sa Social Media."
Si G. Delos Reyes ang kasalukuyang Chairperson ng University of Santo Tomas Department of Creative Writing program at may akda ng mga aklat na Paubaya, iStatus Nation, Titser Pangkalawakan, at iba pa.
Matapos ang nasabing mga workshop, kinilala si Franz Jomari Cacdac, mula HE11A, bilang natatanging mag-aaral na nagwagi sa nagdaang patimpalak na Pagsulat ng Tula, sa pangunguna ni Bb. Samaniego.
Sa kabilang banda, nagpakitang gilas naman ang bawat pangkat ng baitang 11 matapos ipresenta ang iba't ibang pistang pinoy, gaya ng mga sumusunod; Pista ng Flores De Mayo para sa ABM11A; Pista ng Bangus para sa ABM11B; Pista ng Itim na Nazareno para sa HE11A; Pista ng Lechon para sa ICT11A; Pista ng La Hermosa para sa STEM11A; Pistang Ati-atihan para sa STEM11B; Pista ng Panagbenga para sa STEM11C; Pista ng Masskara para sa STEM11D; Pista ng Pahiyas para sa STEM11E; at Pista ng Sinulog para sa STEM11F.
Ipinamalas din nila ang pagkakaisa sa pamamagitan ng paghahanda ng iba't ibang pagkain, maging ang kanilang pagkamalikhain sa pagdidisenyo ng kani-kanilang mga silid ayon sa pistang kanilang pinili.
Sa kabilang banda naman, nakilahok ang mga mag-aaral ng baitang 12 sa pamamagitan ng Facebook Live sa opisyal na page ng The Templar.