Manibela, inanunsyo ang 3 araw na tigil-pasada
AUGUST 12, 2024Alyssa Gael Aquino
Alyssa Gael Aquino
MANILA, Philippines — Inanunsyo ng grupong Manibela sa isang press conference na muli silang magkakasa ng tatlong araw na malawakang tigil-pasada sa Metro Manila at mga karatig probinsya mula ika-14 hanggang ika-16 ng Agosto.
Ayon kay Mar Valbuena, presidente ng grupo, ito ay bilang protesta matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, ang kanyang suporta sa Public Transport Modernization Program (PTMP) at pagbasura sa resolusyon mula sa senado para isuspinde ang Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP).
Matatandaang sinabi ni Pangulong Marcos na dapat ay matuloy na ang PUVMP sa kabila ng panawagan ng maraming drivers at operators na muli itong suspindihin.
“How can the 20% decide the fate of the 100%?,” tahasang wika ni Pangulong Marcos ukol sa natitirang maliit na porsyento ng unconsolidated jeepney.
Mariin naman itong kinondena ng Manibela kung saan ayon sa kanila ay dapat magbigay ng konsiderasyon ang pangulo para sa natitirang mga jeep na hindi pa rin consolidated.
Dagdag pa niya, dapat ay magkaroon ng patas na pagtingin ang Malacañang sa minorya na hindi nabibilang sa malalaking transport operators.
“Dapat hindi po tayo namimili ng kakampihan, dapat gumitna po tayo mahal na pangulo,” pahayag ni Valbuena.
Saad pa niya, hinihintay na lamang nila ang direktiba mula sa Malacañang, Department of Transportation (DOTr), o Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kung anong mangyayari sa natitirang unconsolidated jeepney na inaasahang lalabas sa Miyerkules.
"Sa susunod na linggo, magkakasa kami ng mga kilos-protesta o kung hindi man, mga transport strike simula sa Miyerkules, Huwebes, at Biyernes sa susunod na linggo," aniya.
Base sa pinakahuling datos na inilabas ng DOTr, mayroon pa ring 36,217 jeepneys ang hindi pa rin consolidated hanggang sa kasalukuyan.