Iba't ibang pananaliksik, tinalakay sa ikaapat na Arriba Employee Research Symposium
AUGUST 18, 2024Zhuzhane Magnifico
Zhuzhane Magnifico
Humarap sa panel of reactors ang mga piling empleyado ng Colegio de San Juan de Letran upang ibahagi ang resulta ng kanilang mga pananaliksik sa iba’t ibang aspeto. Ang mga ito ay nagtataglay ng inobasyon sa pangangalap at pagbuo ng panibagong ideya sa nagdaang ‘4th Arriba Employee Research Symposium’ sa Balagtas Hall, Biyernes, Agosto 14, 2024.
Sa pambungad na pananalita, ipinakilala ni Prof. Danilo K. Villena, Ph.D. ang Bise Presidente ng Academic Affairs, ang panel of reactors na binubuo nina Assoc. Prof. Eric N. Awi, PH.D., Asst. Prof. Joy D. Chavez, MAT, at Bb. Cathlea N. Tongco, LPT.
Ayon kay Ginoong Villena, ang research symposium ay isang plataporma na bubuo ng natatanging oportunidad at koneksyon na magpapaunlad ng kakayahan sa pananaliksik ng mga faculty members ng Kolehiyo.
Matapos nito ay agad na sumalang sina Mr. Thomas Eric Paulin, Mr. Enrico Lopez, at Mr. Ernesto Dondriano sa pagpresenta ng kanilang pananaliksik na “A Discourse Analysis on Jargons in Research Outputs as Basis for Syllabus Development” na isinusulong ang pagbibilang ng jargons ng mga mag-aaral sa kanilang kursong Research in Daily Life.
Sinundan naman ito nina Asst. Prof. Franz Jude Abelgas, Instr. Ryan Justine Bautista, at BB. Abigail Pedrigal na tinalakay ang “Correlates of Gender-Fair Language Use in Letran Manila” kung saan hinalimbawa ang paggamit ng salitang “chairperson” sa halip na “chairman” upang kilalanin ang mga babaeng nasa parehong posisyon.
Samantala, ibinahagi naman ng ikatlong grupo ang pag-aaral na “Examining Viewer’s Emotional Valence in Posted Southeast Asian Food Vlogs: A Manifest Content Analysis” sa panulat nina Assoc. Prof. Jinky P. Batiduan, Inst. Terrence Gil R. Vicencio, at Inst. Gayzelle-Rain C. Ariate-Bartilet kung saan pinag-aralan nila ang epekto ng food vlogging sa emosyon ng mga manonood.
Sumunod na pinag-usapan nina Inst. John Renzo M. Espinosa, Inst. April Joy B. Dar, at Inst. Jess Christian M. Beronio ang pagtaas ng mga nailalagay sa rehabilitasyon na mga kabataan at pagpapakilala ng kahalagahan ng ‘Bahay pag-asa’, pinamagatan itong “Rehabilitation and Juvenile Delinquency: A Study on Youth Rehabilitation Centers in Metro Manila.”
Ikalima namang sumalang sa entablado ang pananaliksik na “Lived Experiences of Non-catholic Students Studying at Colegio de San Juan de Letran; A Basis for the promotion on Inter-religious Dialogue and Ecunism” isinulat nina G. Jose Christian Basa, G. Mark Angelo Galaura, at Bb. Rosmalen Rosell na pinag-usapan ang kalalabasan ng pag-aaral sa isang katolikong paaralan bilang kasapi sa ibang relihiyon.
Pinag-usapan din ang pagiging epektibo ng Hyflex learning sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa pananaliksik nina nina Ms. Monique Molina, Ms. Audrey Joyce Marcelo, at Ms. Ruth Manding na pinamagatang “The Assessment of Hyflex Modality in Learning Science of Grade 12 Students.”
Tinalakay naman ng panghuling grupo ang pagtanggap ng mga manonood sa mga pamamaraang itinuturo online ukol sa usapin ng self-help sa kanilang pag-aaral na “A Qualitative Sentiment Analysis of Youtube Viewers’ Receptiveness Towards Online Guided Self-help Techniques.”
Bilang pampinid na gawain, pinangaralan ang mga kalahok kung saan ay nakatanggap sila ng mga sertipiko na inihandog ng paaralan bilang pagkilala.