Ginintuang Talon ng Bagong Kampeon
AUGUST 17, 2024Iya Beatriz Perez
Iya Beatriz Perez
Sa pagpikit ng mga mata, daan-daang pangamba ang naghari sa isipan na tila nagsisilbing tanikalang pumipigil sa pag-abante. Gayunpaman, ang kadena ay unti-unting kinalas kasabay ng pagbuwelo ng katawan upang makatungtong sa ere nang walang pagkakamali. Nang maitapak naman ang mga paa sa lupa, isang malalim na hininga ang pinakawalan, simbolo ng tagumpay na nakamtan. Ito ang representasyon ng paglalakbay ni Carlos "Caloy" Yulo patungo sa pag-abot ng gintong medalya kung saan dugo't pawis ang kaniyang puhunan.
Buwelo sa pagtindig
Isang tingin sa mukha at mapapansin sa kaniyang mga mata ang determinasyon na makapagbigay ng karangalan sa bansa. Sa murang edad, ang batang Caloy na lumaki sa Malate, Manila ay unti-unting natutuhang ibigin ang gymnastics. Noong pitong taong gulang pa lamang siya, nagsimula na siyang mag-ensayo sa pampublikong gymnasium sa Rizal Memorial Coliseum. Pormal naman na nagsimula ang kaniyang karera sa pampalakasan nang ipinasok siya ng kaniyang lolo, na si Rodrigo Frisco, sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP), ayon sa ulat ng Inquirer.
Sa puntong iyon, nagsimula ang kaniyang karera sa larangan ng pampalakasan. Sa bawat pagtulo ng pawis, isang hakbang paabante ang kaniyang nagagawa tungo sa tagumpay. Una itong nakita noong taong 2009 nang siya ay sumali sa kaniyang unang Palarong Pambansa sa Tacloban. Si Caloy ay bahagi ng koponan na nanalo ng ginto, habang pilak naman sa floor exercise, at panglima sa individual all-around. Batay sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Yulo na ang mga tagumpay na ito ay higit na nagpasigla sa kanyang pagnanais na magsanay nang mas mabuti.
Pagbabanat-buto tungong tagumpay
Noon pa lamang ay umaalab na ang determinasyon sa kaniyang puso. Patunay rito ang kaniyang panayam sa Rappler noong taong 2012 kung saan 12 taong gulang pa lamang si Caloy nangangarap na siya na makatungtong sa Southeast Asian (SEA) Games.
Sa paglipas ng ilang araw at gabing pag-aalay ng dugo at pawis sa pag-eensayo, unti-unti nang natatanaw ni Caloy ang liwanag na matagal niya nang inaasam. Nagkamit siya ng iba't ibang panalo sa mga internasyonal na kompetisyon na mas nagpatunog ng kaniyang pangalan. Sa Melbourne World Cup, Baku World Cup, at Doha World Cup kung saan nakakuha siya ng mga medalya. Sumabak din siya sa World Artistic Gymnastics Championships 2018 at tinaguriang kauna-unahang Pilipino at unang lalaking Southeast Asian gymnast na makakuha ng medalya rito.
Pagkabigo bilang unang hakbang
Gayunpaman, tunay ngang ang buhay ay hindi lamang puro saya at ginhawa, sapagkat darating din ang karimlan na magpapahirap sa ating umabante muli. Naranasan ito ni Caloy nang mabigo siyang makakuha ng medalya sa Tokyo Olympics 2020. Isang kabiguan na hindi niya hinayaang magpabagsak sa kaniya, bagkus ay nagsilbing inspirasyon upang muling bumangon.
Pilit niyang hinanap ang liwanag sa gitna ng dilim. Sa pamamagitan ng walang katapusang pagsasanay at pakikibaka, ito ang naging sandata niya upang makamtan ang rurok ng tagumpay. Sa kabila ng mga nakahihingal na pag-eensayo at mga luhang pumapatak dahil sa mga pagsubok, hindi siya nagpatalo sa mga negatibong bagay na sumusubok sa kaniyang katatagan.
Medalyon sa mala-agilang talon
Bitbit ang kaniyang determinasyon at talento bilang sandata, siya ay buong tapang na humarap sa Paris Olympics 2024. Ang suporta ng mga Pinoy sa iba't ibang dako ng mundo ay mauulinagan na nagpaalab sa kaniyang hangarin na masungkit ang tagumpay. Maliksing galaw at husay sa pagbalanse ang ipinamalas ni Caloy sa kompetisyon na naging daan sa pagtungtong niya sa rurok ng tagumpay.
Naghasik siya ng bagsik sa naturang kompetisyon matapos makamit ang gintong medalya at makakuha ng perfect score na 15.000 sa Floor Exercises Finals. Ang buong Pilipinas ay sumabog sa kasiyahan dahil sa karangalang iniuwi ni Caloy sa bansa. Hindi pa riyan nagtatapos ang selebrasyon dahil muling sumiklab ang pangalan ni Caloy nang muli itong makasungkit ng gintong medalya sa Men's Vault 2024 Paris Olympics na may 15.116 puntos.
Tunay ngang ang talentong ipinakita ni Caloy ang naging daan upang muling umabante ang Pilipinas sa larangan ng pampalakasan. Tila ba isa itong pagwagayway sa ating watawat dahil sa karangalang inihandog niya sa bayan. Samantala, higit niya namang pinasalamatan ang Panginoon sa pagdinig ng kaniyang mga panalangin. “I showed that I can back up the things that I wished for. They were not just wishes. It was also my responsibility to train diligently, sleep early, and eat properly,” pahayag ni Caloy sa isang interview mula sa Rappler.
Para sa susunod na pag-ere
Sa muling pag-abante ng mga paa at pagbuwelo ng katawan, daan-daang pangamba ang naghari sa sistema. Gayunpaman, sa mabilis na pagtakbo at pagtungtong sa ere, biglang naglaho ang mga negatibong bagay. Ang sigaw ng pagsuporta ng mga tao ay mauulinagan sa iba't ibang anggulo. Naging panatag din ang kalooban nang matanaw ang mga rubber mats o sapin na nakalatag sa sahig na animo'y isang haplos sa puso na nagsasabing sa buhay ay maaaring magkamali at bumagsak. Kailangan lamang ng katatagan ng loob at paniniwala na sa bawat dulo ng karimlan ay kasunod ang kaliwanagan. Masasalamin ito ng ilang beses na pagbagsak ni Caloy sa rubber mats sa gitna ng kaniyang paglalakbay, ngunit hindi ito naging balakid. Paulit-ulit siyang sumusubok hanggang sa muling pag-ikot at pagbalanse sa ere ay maitapak niya ang dalawang paa nang pirmi at taas ang noo.
Nagsimula bilang isang simpleng batang nangangarap na marating ang rurok ng tagumpay hanggang sa maging isang ganap na "Golden Boy ng Philippine Gymnastic." Sa kabila ng karalitaan at karimlan, pinilit niyang kumawala sa tanikala upang matahak ang daan tungo sa magandang kinabukasan. Ang kaniyang dugo't pawis ay nagbunga sa kumukuti-kutitap na mga gintong medalya na nagawa niyang sungkitin gamit ang sariling mga kamay. Gamit ang kaniyang talento at determinasyon, nagningning ang kaniyang pangalan at maging ang bansang Pilipinas sa daigdig. Para sa susunod na pag-ere, Caloy.