Letran SHS Cyber Squires, Wagi sa Youth Pitch Presentation, Makikilahok sa National Competition
AUGUST 19, 2024Sophia Joshuaine G. Gonzales
Sophia Joshuaine G. Gonzales
MANILA, Philippines — Nagwagi ang Cyber Squires ng Letran Senior High School bilang Most Outstanding Service Innovation sa presentasyon ng "DoseRx Medivance" sa ImagineGovPH: Citizen Innovators for Better Public Service na ginanap sa Tagaytay noong Sabado, Agosto 17.
Sila ang nagtatanging kalahok mula sa Senior High School na nagkamit ng gantimpala laban sa mga pangkat na binubuo ng mga estudyante sa kolehiyo.
Binubuo ang grupo na ito ng mga mag-aaral mula sa Science, Technology, Engineering, at Mathematics (STEM) strand, na sina Paulo Benedict Mendoza, John Marcel Estillore, Alyssa Gael Aquino, at Veronica Flores ng STEM12C na sinamahan ng STEM Area Coordinator at Club Adviser, Ms. Maria Eliza Bello .
Sumailalim sila sa tatlong araw na workshop na isinagawa ng Development Academy of the Philippines (DAP) upang himukin ang mga kabataan na lumikha ng mga modernong solusyon para sa serbisyong pampubliko.
Sa isang panayam kay John Estillore, miyembro ng Cyber Squires, ipinaliwanag niya na ang DoseRx Medivance ay isang medical apparatus na makatutulong upang gabayan ang mga pasyente, lalo na ang mga matatanda, sa pag-inom nila ng kanilang gamot.
Ayon pa sa kanya, ito ay maituturing bilang isang "smart medicine box" na naka-programa sa isang app at konektado sa database ng ospital upang magbigay ng alerto sa user sa oras na kailangan niya nang inumin ang kanyang gamot.
May kakayahan din itong i-notify ang mga kamag-anak ng pasyente sa oras na mainom na niya ang gamot.
Bukod dito ay bumuo rin ang kanilang grupo ng isang app kung saan ang reseta ng doktor ay awtomatiko nang ipinapasa sa botika upang maihanda at maihatid mismo sa bahay ng pasente.
“Ito ay upang mabawasan ang mahabang pila sa mga ospital upang mapanatili ang kaligtasan ng mga matatanda habang naghihintay ng paghahatid ng mga gamot sa kanilang tahanan,” dagdag ni Estillore.
Samantala, sa hiwalay namang pahayag ay sinabi ni Alyssa Gael Aquino, isa ring miyembro ng naturang grupo, na ang kanilang layunin ay umiikot lamang sa serbisyo publiko.
“Serving a purpose greater than myself, onto a better public service. We’re almost there!” saad ni
Aquino.
Kasunod ng panalong ito, ang Cyber Squires ay nakatakdang makilahok sa isang national pitching competition sa Nobyembre.