2024 Paris Olympics: Pilipinas, Nag-Ukit ng Kasaysayan, Umariba sa Ika-37 Pwesto
AUGUST 17, 2024Charlie Oranza
Charlie Oranza
Namayagpag at bumuo ng bagong kasaysayan ang mga Pilipinong atleta sa nagdaang 2024 Paris Olympics matapos masungkit ang ika-37 na pwesto at may kabuuang apat na medalya sa pagtatapos ng palaro noong Agosto 12, 2024 sa Paris, France.
Maituturing ang naiuwing dalawang gintong at dalawang tansong medalya ng Pilipinas ngayong taon bilang pinakamataas na pwesto sa mga bansa sa Timog Silangang Asya at pinakamataas na ranggo ng bansa mula noong sumali sa Olympics, 100 taon na ang nakalipas.
Binubuo ang mga medalyang ito ng dalawang gintong medalya mula kay Carlos Yulo at tig-isang tansong medalya ni Aira Villegas at Nesthy Petecio.
Golden Boy Yulo
Umuwing may bansag na “Golden Boy” ang Filipino gymnast na si Carlos Edriel “Caloy” Yulo, 24, matapos masungkit ang dalawang magkasunod na ginto para sa Pilipinas sa magkasunod na araw.
Matagumpay na nakamit ni Yulo ang unang ginto nang makakuha ito ng perfect 15.000 score gamit ang kaniyang mala-agilang paglipad laban kay Jake Jarman ng Great Britain sa Gymnastics - Men's Floor Exercise, Agosto 3.
Muli namang nagningning ang ngalan nito nang muli itong sumalang sa Artistic Gymnastics’ Men's Vault at manguna sa 15.116 na puntos, na sinundan ng katunggali nitong si Arthur Davtyan ng Armenia, Agosto 4.
“It’s really part of the deal that a lot of people will notice me. It’s still a blessing in my life, so I’m still very thankful and grateful,” aniya sa interbyu ng Olympics.
Ito ang ikalawa at ikatlong gintong medalya ng Pilipinas sa buong kasaysayan matapos ang unang gintong naiuwi ni Hidilyn Diaz para sa Women’s 55kg Weightlifting Category noong 2020 Tokyo Olympics.
Ikalawang medalya para kay Petecio
Samantala, nagtapos ang karera ni Nesthy Petecio na may tansong medalya sa kanyang ikalawang pagsabak sa Olympics sa 57kg Women's Boxing Semifinals laban kay Julia Szeremeta ng Poland noong Agosto 8.
Siya ang unang Pilipinong boksingero na nakapag-uwi ng dalawang magkasunod na medalya sa Olympics matapos din itong makapag-uwi ng pilak na ginto sa 2020 Tokyo Olympics.
“I’m just chilling. The pressure’s there but I’m used to it so what I’m doing now is just making myself chill. I’m not thinking about our fights because they’re near. If I keep thinking about it, I’ll have a harder time,” wika nito sa isang kumperensya ng Inquirer.
Namumungang boksingero
Agad na tumatak ang pangalan ng 29-anyos na boksingerong si Aira Villegas sa unang pagsabak niya sa Olympics matapos itong makapag-uwi ng tansong medalya, Agosto 7.
Ito ay matapos niyang mahulog sa kamay ng silver medalist na si Buse Naz Çakıroğlu ng Turkey para sa Women's 50kg Semifinals
Sinabi ni Villegas sa Inquirer, “I have a dream that, before I retire, I hear the national anthem of our country in the Olympics itself.”
Dugong Pilipino
Sa kabilang dako, umalab din ang dugong Pilipino ng atletang si EJ Obiena, 28, matapos tumalon mula sa ika-11 na pwesto noong 2020 Tokyo Olympics palipad sa ika-apat na pwesto sa 5.90 meters clearance men's pole vault final, 2024 Paris Olympics.
Bumuo rin ng bagong kasaysayan si Bianca Pagdanganan sa larangan ng golf nang tumaas ang ranggo nito mula sa ika-43 noong Tokyo Games patungong ika-apat sa women's individual stroke play ng Olympics ngayong taon.
Matagumpay namang nasungkit muli ni Elreen Ando ang kaniyang national record matapos mag-uwi ng parehas na ika-apat na pwesto sa magkasunod na edisyon ng Olympics.
Hindi pa tapos ang laban
Nagtapos ang 2024 Paris Olympics sa pamamagitan ng pagpapasa ng bandila sa Los Angeles, California bilang Olympic host sa susunod na palaro sa 2028.
Samantala, nagkaroon din ng pagsalubong at parada para sa mga atletang Pilipino upang magpasalamat sa kanilang kontribusyon at mga pagkilalang natamo para sa bansa. Naganap ang paradang may temang, “Pagbibigay Dangal: A Heroes’ Welcome for the Philippines’ 2024 Paris Olympians noong Agosto 14 sa Manila.
Ito ay para sa tagumpay ng 22 atletang dumalo sa patimpalak at para sa mga susunod pang mga atletang sasabak sa mga Olympics sa hinaharap.