SALINDUNONG 2022

Ika-14 Pambansang Kumperensiya sa Filipino at Pananaliksik

SALINDUNONG 2022

Bilang isa sa nangungunang Institusyon sa buong Pilipinas, kinikilala ang kahusayan ng MSU-IIT sa pananaliksik, ekstensyon at mga gawaing kapaki-pakinabang sa lipunan. Kaagapay nito ang Kolehiyo ng mga Sining at Agham Panlipunan sa paghubog sa mga iskolar na kapaki-pakinabang sa iba’t ibang disiplina. Marapat lamang na bilang Sentro ng Pagpapahusay sa Filipino ng CHEd, kaisa ang Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika sa pagsasakatuparan ng mga adhikain ng kolehiyo at ng Institusyon.

Taon-taong nag-oorganisa ng Pambansang Kumperensiya ang Departamento ng Filipino simula pa noong 2008. Taong 2018, unang ginamit ang terminong SALINDUNONG, mula sa dalawang salitang ‘salin’ at ‘dunong’ na nangangahulugang “transfer of knowledge”. Pangunahing layunin nito ang makapaglaan ng espasyo at pagkakataong makapagbahaginan ng mga kaalaman at matugunan ang mga hamon tungkol sa wika, panitikan, kultura at multidisiplinaryong pananaliksik. Naglalayon din itong palawakin ang kaalaman ng mga guro at estudyante sa pananaliksik sa pamamagitan ng paglalahad ng kanilang mga papel-pananaliksik sa iba't ibang disiplinang may kaugnayan sa wika at panitikan.

Sa kabila ng pandemya, magdaraos pa rin ang Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika ng Salindunong 2022 sa Abril 20-22, 2022 sa pamamagitan ng online platform, na may temang Ang Pananaliksik at Publikasyon sa “New Normal”: Pagharap sa mga Hamon, Paglalatag ng Solusyon. Hangarin nitong matalakay ang kinakaharap na mga hamon ng mga guro at estudyante sa pagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa wika, Literatura, at kultura sa panahon ng bagong normal. Nilalayon din ng kumperensiyang maihain at matalakay ang mga solusyon upang maipagpatuloy ang pananaliksik at publikasyon sa kabila ng pandemya.


Mga anunsyo

Huwag kalimutang magparehistro sa link na: https://bit.ly/salindunong2022rehistrasyon at huwag kalimutang i-follow at i-like ang Official Facebook Page ng Salindunong 2022 para updated ka sa lahat ng mga anunsyo!

https://www.facebook.com/Salindunong.dfiw


tagapagsalita

Pakinggan ang lektyur ni Dr. Rosario Torres-Yu sa SALINDUNONG 2022: Ika-14 Pambansang Kumperensiya sa Filipino at Pananaliksik.

Nais mo bang makilala ang iba pang tagapagsalita sa Salindunong 2022? I-follow lamang ang facebook page ng kumperensiya para sa iba pang updates.

https://www.facebook.com/Salindunong.dfiw

SALINDUNONG 2020

Bago ang pandemya, idinaos ng Departamento ang Salindunong 2020 : Ika-13 Pambansang Kumperensiya sa Filipino noong Pebrero 26-28 sa CASSalida Theater, CASS, MSU-IIT. Sa loob ng tatlong araw, naging hamon sa lahat na tingnan ang “Mga Hamon at Bisyon sa Posisyon ng Wikang Filipino at Panitikan sa Ika-21 Siglong Edukasyon”. Layunin ng Pambansang Kumperensiya na mabigyan ng espasyo ang mga guro at mananaliksik upang talakayin ang iba’t ibang papel-pananaliksik sa pamamagitan ng mga sesyong paralel. Ang mga isyu sa wikang Filipino at panitikan sa kasalukuyang panahon ay natugunan sa pamamagitan ng mga paksang tinalakay ng mga dalubhasang tagapanayam.

SALINDUNONG 2019

Mula 2007, iba’t ibang paksa na ang naihain ng Departamento ng Filipino at Ibang mga Wika na may kaugnayan sa wika at panitikan. Bawat taon, isang kaabang-abang na paksa ang inihahanda ng Departamento at sa taong 2019, nakatuon ang kumperensiya sa “Glokalisasyon at Kalakaran sa Filipino: Kasalukuyang Isyu sa Wika, Panitikan at Pananaliksik”. Naglalayon ang gawaing ito na matalakay ang konteksto ng wika at kulturang Pilipino mula sa mga usaping lokal tungo sa global at global tungo sa lokal na espasyo. Inilahad dito ang iba’t ibang isyu, kagawian (practices), estratehiya at/o karanasan sa pananaliksik at pagtuturo ng wika at panitikang Filipino sa mga titser, instraktor, propesor at mag-aaral sa Filipino. Ginanap ito noong Marso 27-29, 2019 sa MSU-IIT Gymnasium. Dinaluhan ito ng lokal at nasyunal na kaguruan at mga mananaliksik. Masasabing matagumpay itong naidaos sa pagtutulungan ng mga fakulti mula sa Departamento at sa suporta na ibinibigay ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham Panlipunan at higit sa lahat, ng Pamanatasang MSU-IIT.

SALINDUNONG 2018

Taong 2018, unang ginamit ang Salindunong para sa kauna-unahang Internasyunal na Kumperensiya. Naging kasama sa pag-organisa ng gawain ang Departamento ng Filipino ng Xavier University – Ateneo de Cagayan (Cagayan de Oro City), Department of Language Education ng Central Mindanao University (Bukidnon) at Department of Humanities ng Airlangga University (Indonesia). Ginanap ang Internasyunal na Kumperensiya noong Abril 02-04 sa Grand Caprice Restaurant and Convention Center Lim Ket Kai Center, Cagayan de Oro City. Dinaluhan ito ng mga kaguruan na mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas at mga mananaliksik sa ibang bansa. Tema ng gawain ang Language, Literature, and Multidisciplinary Research Towards Cultural Integration (Wika, Panitikan at Multidisiplinaryong Pananaliksik Tungo sa Integrasyong Kultural). Pangunahing layunin nito ang makapagbahagi ng kaalaman at impormasyon na may kaugnayan sa mga hamon ng wika at panitikan sa akademikong larang. Sa pamamagitan ng mga dalubhasang tagapanayam, instrumento sila sa pagbubukas ng mga pagkakataon upang makabuo ng mga pananaliksik na may relasyon sa integrasyong kultural tungo sa Asya at buong mundo.