iLAND: ElekSolusyon

Pagtindig: Mayabong na kaalaman ng Malalayang Sining para sa Bayan

Chloe Uy, Tricia Garillo, at Asti Orencia

Mahalagang layunin ang patuloy na pagtindig upang marating ang direksyon na sinasaklaw ang kapakanan ng lahat ng Pilipino, sa labas man o loob ng bansa. Ngunit habang lumalaki ang tensyong dulot ng pagkakaiba ng opinyon, hindi pagkakapantay-pantay, at pagkalat ng pekeng balita, tila napapabayaan na ng lahat ang maliwanag at lohikal na paraan ng paglutas sa sandamakmak na suliraning kinahaharap ng bansang Pilipinas. Kaya naman mas lumaki ang impluwensya ng mga mapanlinlang, may kinikilingan, at mapang-aping mga tugon. Ngunit kinakailangan ng puksain ang nakalalason at kinagawiang asal at pakikipagkapwa. Kaya sa darating na halalan 2022 makabuluhang mas maliwanagan at matuto na ang taong-bayan upang muling mabuo ang lipunang nanganganib nang bumagsak. 

Bilang hakbang tungo sa mas maaliwalas at matiwasay na lipunan, kumuha ng samu’t saring kaalaman na may kaugnayan sa mga larangan sa loob ng Kolehiyo ng Malalayang Sining ang Arts College Government (ACG) upang magkaroon ng ambag sa pagpapalawak ng kamalayan sa buong madla. Nakapanayam ng ACG ang siyam na mag-aaral na galing sa iba-ibang kurso na sina Maria Angelita Santos (AB-HIM), Michael Edan (AB-PSM / BS-PSYC), Marc Henry F. Ele (AB-POM), Paolo Angel (AB-OSDM), Bianca Marika V. Gozon (AB-PLM), Rebekah Bombarda (AB-DSM), Jezah Mae Bagsit (AB-LIM), Angeline De La Fuente (AB-OCM), at Marife Villalon (AB-PHM). Tiyak na may dambuhalang papel ang bawat pananaw na mayroon ang mga mag-aaral sa kolehiyo. Kaya halina’t kapit-bisig na buksan ang mata at utak sa inisyatibong may pakay na magbigay-kaalaman—isang patnubay upang makapili ng maayos na lider para sa buong bayan.

Kasaysayan bilang kalasag sa misimpormasyon

Binigyang-diin ni Maria Angelita Santos ang importansya ng kasaysayan ngayong darating na halalan, at ang pagbabalik-tanaw at pagmumuni sa nakaraang anim na taon. Kadalasang natutunan ang kasaysayan sa mga eskwelahan ngunit kung patuloy na pababayaan ang edukasyon sa bansa maaaring patuloy din ang paglaganap ng pagbabago sa kasaysayan at misimpormasyon. Upang malutas ito: “I believe that the government should first give importance to history as a subject and as a cultural background of its citizens as well as its teachers as the representatives of this program,” ani Santos. Sa kabilang dako, para sa mga propesyonal, hinihimok niyang ipagpatuloy nila ang laban ukol sa mga historical inaccuracy na kadalasang kinakalat sa social media. Bilang estudyante naman sa ilalim ng kursong nag-aaral ng kasaysayan, ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip at ang paggamit ng lehitimong datos at sanggunian pagdating sa pananaliksik tungkol sa isang kandidato. Sa huli, nag-iwan si Santos ng isang paalala para sa mga tulad niyang mag-aaral. “We should also keep in mind that not all facts are quickly accepted as this also needs to undergo criticisms that would ensure that it is indeed true,” handog niyang mensahe.

Pagbuwag sa mga balikong pananaw 

Isinalaysay ni Michael Edan ang kaniyang paniniwala na isang mahalagang isyu ang mental na kalusugan. Marahil nasa kulturang Pilipino na ang pagsasara ng isipan pagdating sa pagkikipagtalakayan ukol sa mental na kalusugan. Dagdag din niya na sanhi din ito ng pagkakaroon ng toxic positivity sa gitna ng mga hamong gaya ng pandemya. Kaya naman, sinaad niyang tiyak na kailangan na itong tugunan. Aniya, “The next governing leaders can aim to improve the quality of the services and facilities of mental health institutions [and] provide accessible physical and mental healthcare for everyone.” Suhestiyon din niyang magagamit ang pagpapatupad ng karagdagang edukasyon at pagtaas ng kamalayan sa ilalim ng Mental Health Law. Sa paraang kaniyang sinabi, maaaring makamtan na ang nais niyang adbokasiya na makahalal ng lider na laging uunahin ang kapakanan ng lahat. Sa gayon, pinaniniwalaan niyang sa tulong na maibabahagi nilang mga mag-aaral sa ilalim ng kursong sikolohiya, mabibigyan nila ng abilidad ang publiko na mag-isip ng kritikal at maingat na makapagpasya: “[It would] touch on two values from Sikolohiyang Pilipino: pakikipagkapwa and pakikiramdam,” pagpapalawak niya. Bilang wakas, nais niyang ihayag sa mga propesyonal na may malaki silang tungkulin na lumahok sa pagtugon sa negatibong pananaw ng lipunan ukol sa mental na kalusugan. “I hope for them to push for the need to be inclusive in addressing mental health issues,” ani Edan.

Pagsupil sa misimpormasyon

Ibinahagi ni Marc Henry F. Ele na nasa kamay ng mga botanteng Pilipino at pangulong kanilang ihahalal ang lagay ng susunod na anim na taon. Magdudulot ang lahat ng kibo at kilos na kanilang gagawin ng pagbabago sa mga sangay ng gobyerno at lipunan. Dagdag pa niya, kailangan ding pagtuunan ng pansin ang problemang turncoatism o ang pagiging balimbing ng mga politiko. Marahil mas mahalaga sa kanila ang pansariling kapakanan at interes upang masiguradong makakukuha sila ng upuan sa gobyerno. Iba ang paninindigan dito ni Ele dahil naniniwala siyang mas maiging unahin ang kanilang mga adbokasiya kumpara sa sariling mga interes. Inilahad din ni Ele na ‘wag itigil ng mga propersyonal ang kanilang tinig pagdating sa pagkakalat ng katotohanan sa publiko. Aniya, “Knowledge should be spread out in a way it is accessible to everyone so we would see how important it is that everyone is informed and help discern for the upcoming elections.” 

Tanikala ng pag-unlad

Sa darating na halalan, isinaad ni Paolo Angel ang kahalagahan ng pagiging responsableng botante sapagkat nangangailangan ang mga Pilipino ng isang mas malinis at epektibong pamahalaan na makapupuksa sa walang tigil na problema ng katiwalian at kahirapan. Binanggit din ni Angel na political dynasty at kahirapan ang pinaka-kritikal na mga isyung nakikita niya sa bansa. Aniya, “Political Dynasties are a problem because they limit political competition, increase the potential for corruption, and encourage abuse of power.” Upang malutas ang problema, nagmungkahi siya na nararapat na kumbinsihin at suportahan ng taong bayan at mga opisyal ng gobyerno ang panukalang Anti-Dynasty law. Nanawagan din si Angel sa mga propesyonal sa larangan ng Behavioral Sciences na hikayatin ang kritikal na pag-iisip at diskurso sa pagitan ng mga botante sapagkat mahalaga ito sa pagbuo ng makatwirang kaalaman at matalinong desisyon sa pagpili ng isang epektibo at maaasahang pinuno.

Pagtamo ng katotohanan

Sa pagbabahagi ni Bianca Marika Gozon, naniniwala siyang mahalagang pumili ng lider na laging uunahin ang kapakanan ng mga Pilipino. Nararapat ding taglay niya ang mga katangiang nasa loob ng konsepto ni Socrates nang philosopher ruler. Nais niya ring magpokus ang susunod na pangulo kakulangan ng maayos na edukasyon ng mga Pilipinong nasa laylayan at ang mga ‘di pinalad. Sa gayon, upang mahasa ang kakayahan ng mga Pilipino maging kritikal, naglahad siya ng tatlong solusyon na makatutulong dito. Giit niya, “the future leaders may address the problem. . . by increasing the budget for education. . . [changing] the education system and revising the curriculum. . . and [creating] subjects that may enhance the students’ logic, critical thinking, and fact-checking skills.” Sa huli, hangarin niyang iparating sa mga propesyonal na dapat gabayan nila ang sambayanang Pilipino na makita ang katotohanan ukol sa mga kandidato. “[Their] knowledge. . . about philosophy and logic may be of help to others when they impart it. . . in such a way that the information is easily digested,” ani Gozon.

Matuwid na gamit sa utang

Ibinahagi ni Rebekah Bombarda na daan ang halalan 2022 upang makapili ng administrasyong may mga platapormang umiikot sa pang-ekonomiya, panlipunan, at pag-unlad ng tao at bayan. Bilang mag-aaral sa kursong Development Studies, namataan ni Bombarda na dapat siguraduhing ginagamit ang mga utang para sa paglalakbay tungo sa kaunlaran. Kinakailangang nakalaan ito sa ekonomiya at pagbibigay ng pondo sa mga proyektong magpapaunlad sa lipunan. Nararapat na laging sipatin ang GDP ng bansa upang matukoy ang mga sektor na nahuhuli at ang mga usapin o pangyayaring binibigyan ng halaga o priyoridad. Hindi lang dapat nakalaan ito sa ekonomiya, kailangan ding makita ang tagumpay nito sa pagtugon sa pangangailangan ng mga working sector pati na ang epekto nito sa kalidad ng buhay ng lahat. “While productivity is something we should strive for, social development should go hand in hand with it.” ani Bombarda. 

Tinta ng kaalaman 

Ayon kay Jezah Bagsit, walang katiyakan ang kasukdulan sa darating na halalan. “The upcoming election is the Philippines’ turning point for its dynamic and rich story,” aniya. Sa panahon ng kampanya, mas lalong lumalaganap ang isyu ng fake news. Iginiit niya na maaaring baguhin ng maling impormasyon ang salaysay, kaisipan, at kasaysayan para lamang isulong ang isang kandidato. Nakasisira ito hindi lamang sa reputasyon o kasaysayan ng isang tao kundi pati na rin sa pag-usad ng ating lipunan. Kinakailangang labanan ito sa pamamagitan ng paghikayat na magsagawa ng masusing pagsasaliksik at pagpapalawak sa pagtuturo sa kanila upang mapuksa ang fake news. Bilang isang manunulat, nais niyang ibahagi sa mga propesyonal sa larangan ng literatura na tiyaking mabigyang inspirasyon ang mga tao na bumuo ng tamang desisyon hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa lahat ngayong darating na halalan. Dagdag pa niya, hayaang manaig ang katotohanan sa lahat ng oras. Paalala niya, “Let us not be blinded by money or prestige as it will blind all those who will read your works, instead, be the beacon that will open their eyes and minds and their light towards the truth.”

Daloy ng komunikasyon

Ibinahagi ni Angeline De La Fuente na binibigyang liwanag niya na bilang mga susunod na propesyonal sa larangan ng komunikasyon, tungkulin nilang magbahagi ng tamang impormasyon tungkol sa eleksyon at iba pang isyung pambansa gamit ang iba’t ibang communicative strategies. Ayon kay De La Fuente, malaki rin ang problema ng press freedom sa bansa dahil nadadamay dito ang karapatan pangtao kaya dapat masupil ito ng susunod na pangulo ng bansa. Nag-iwan din ng munting paalala si De La Fuente tungkol sa impormasyong ating nakukuha sa araw-araw, “no matter the scale, the production and consumption of everyday information present in numerous media platforms pave a way to how we, the Filipino people, act and respond to the state of our nation.”

Pakikisangkot sa lipunan

Isinalaysay ni Marife Villalon na kinakailangang sipatin at himayin ang bawat puwersang nasa likod ng eleksyon. Bilang talamak ang disimpormasyon at rebisyon ng kasaysayan, binigyang-diin niya rin ang pagkakaroon ng krisis pang-edukasyon dahil sa malabnaw na pagkakaunawa ng mga makasaysayang pangyayari tulad ng Martial Law. Bagamat labis na hirap man ang darating upang masupil ang ito, naniniwala si Villalon na makatutulong sa pagsulong ng makabansa, makamasa, at siyentipikong oryentasyon ng edukasyon ang pagkitil dito. Ipinunto niya rin ang saloobin na, “pinakamahalagang mapigilan ang alyansang Marcos-Duterte. . . at komprehensibong matutugunan ang krisis sa edukasyon. . . isyu ng pandemya, trabaho, kalikasan, at marami pang iba.” Sa kabilang banda, naglabas siya ng mensahe sa mga propesyonal—na gamitin ang pagkabihasa sa wika ng masa/bayan tungo sa pagbabago sa darating na eleksyon. Nararapat na gawin pa ring sentro and masang Pilipino sa lahat ng tatahaking aksyon. 

Hakbang tungo sa kinabukasan

Sari-saring isyu at solusyon ang naibahagi ng mga estudyante ng Kolehiyo ng Malalayang Sining. Lubos na naisalaysay nila ang kaalamang kanilang nakalap bilang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga kurso. Kalakip ng pagpapakalat ng mahahalagang impormasyon ang pagsasagawa ng mga inisyatibong lubos na makatutulong sa pagpuksa sa mga lasong patuloy na dumadaloy sa bansa. 

Talamak na ang awayan sa pagitan ng mga mamamayang dahil sa pagkakaiba ngunit dapat na magpunyagi at magtagumpay ang mithiin ng lahat bilang Pilipino—ang pagkakaroon ng pamahalaang mag-aangat ng kalidad ng buhay at magiging dahilan ng pagkakaisa. Alalahanin na hindi lang ito labanan ng mga isa o dalawang kandidato. Laban natin itong lahat! Buksan at alamin natin ang impormasyong nakabatay sa katotohanan at katotohanan lamang—para sa ikabubuti ng lipunang kinatatayuan.