BALITA NGAYON
Mga guro, masayang namimili ng aklat mula sa Lampara Book Caravan bilang paghahanda sa mas makulay na aralin para sa kanilang mga mag-aaral
Masayang nagbubuklat at pumipili ng babasahin ang mga mag-aaral at magulang sa makukulay na aklat na tampok sa Lampara Book Caravan.
LAMPARA BOOK FAIR, PATULOY NA DINARAOS SA PASONG KAWAYAN II WEST ELEMENTARY SCHOOL
Ni Darlene G. Espinola, PK2WEST LR Coordinator
Inilathala noong Agosto 13, 2025, 5:22 n.h. PHT
Patuloy na dinaraos sa Pasong Kawayan II West Elementary School ang makulay at makabuluhang Lampara Book Fair na bukas para sa lahat ng mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6, kasama ang kanilang mga guro at magulang.
Sa loob ng school grounds, makikita ang iba’t ibang stall na puno ng makukulay at kapana-panabik na aklat mula sa Lampara Publishing House—mula sa mga kuwentong pambata, edukasyonal na babasahin, hanggang sa mga aklat na puno ng inspirasyon at mahahalagang aral.
Masayang namimili ang mga bata, samantalang gabay naman ang kanilang mga guro at magulang sa pagpili ng aklat na naaayon sa kanilang edad at hilig. Marami sa kanila ang agad na nagbubuklat at nagbabasa sa gilid ng booth, tanda ng kanilang pagkasabik sa bagong kaalaman at kwento.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, ang patuloy na pagdaraos ng book fair ay bahagi ng kanilang adbokasiyang palakasin ang kultura ng pagbabasa at hikayatin ang mga kabataan na tangkilikin ang m maging masigasig na mambabasa.
Inaanyayahan ang lahat ng mag-aaral at magulang na samantalahin ang pagkakataong ito upang makabili ng de-kalidad na aklat at maging bahagi ng masayang selebrasyon ng pagbabasa sa paaralan. Magpapatuloy ang nasabing book fair hanggang sa Biyernes, ika- 15 ng Agosto, 2025.
Lampara Book Caravan, Pinaghahandaan na ng Paaralan
Ni Darlene G. Espinola, PK2WEST LR Coordinator
Inilathala noong Agosto 11, 2025, 11:00 n.u. PHT
Sa layuning maging maayos at matagumpay ang nalalapit na Lampara Book Caravan, nagsagawa ng pagpupulong sina Darlene G. Espinola, Learning Resource (LR) Coordinator; Wenyveve F. Hernandez, Key Teacher sa Filipino; at Sionyver A. Miguel, School Librarian, kasama ang mga Grade Chairman ng paaralan ngayong ika-11 ng Agosto sa Pasong Kawayan II West Elementary School.
Tinalakay sa pagpupulong ang mahahalagang detalye tulad ng iskedyul ng mga aktibidad, paghahanda ng lugar para sa eksibisyon ng mga aklat, at koordinasyon ng bawat baitang sa mga gawain sa araw ng kaganapan. Pinag-usapan din ang mga paraan upang mahikayat ang mga mag-aaral, guro, at magulang na makibahagi at makinabang sa Book Caravan.
Ayon sa mga proponents, layon ng programa na maghatid ng iba’t ibang aklat na angkop sa iba’t ibang antas ng mambabasa at magbigay inspirasyon sa mga mag-aaral upang paigtingin ang kanilang kultura ng pagbabasa.
Nagpahayag ng buong suporta ang mga Grade Chairman at tiniyak na magiging organisado at masigla ang partisipasyon ng bawat baitang. Inaasahan na ang nasabing programa ay magsisilbing makabuluhang oportunidad para sa mga mag-aaral upang higit pang mapaunlad ang kanilang kasanayan sa pagbasa at pagpapahalaga sa panitikan.
Mga Grade Chairman at proponents ng Lampara Book Caravan, masigasig na tinatalakay ang mga plano at paghahanda para sa nalalapit na book fair.