Ang lindol, o earthquake, ay isang biglaang pagyanig ng lupa na dulot ng paggalaw ng mga tectonic plate sa ilalim ng lupa. Ang mga paggalaw na ito ay nagdudulot ng stress at enerhiya na naiipon hanggang sa makawala ito sa anyo ng lindol.
Ang mga lindol ay maaaring magdulot ng malaking pinsala sa mga gusali, imprastruktura, at magdulot ng sakuna sa mga tao at kalikasan.
Ano ang mga sanhi ng lindol?
Paggalaw ng Tectonic Plates
Ang mundo ay binubuo ng iba't ibang malalaking tipak ng bato na tinatawag na tectonic plates. Ang paggalaw, pagkabanggaan, at pag-usod ng mga plate na ito ang pangunahing sanhi ng lindol.
Pagputok ng Bulkan
Ang mga aktibong bulkan ay maaaring magdulot ng lindol sa pamamagitan ng paggalaw ng magma sa ilalim ng lupa.
Human-induced Earthquakes
Ang mga gawaing pang-industriya, tulad ng pagmimina at pagsasagawa ng mga malalalim na hukay para sa langis, ay maaaring magdulot ng mga maliliit na lindol.
Ano ang epekto ng lindol?
Pagkawasak ng mga gusali, tulay, kalsada, at iba pang imprastruktura.
Pagkasugat o pagkasawi ng mga tao na naiipit o nadadaganan ng mga gumuhong gusali.
Pag-trigger ng sekondaryang sakuna tulad ng andslide, sunog, tsunami, at iba
Pagkawala ng Kabuhayan dahil sa pinsala sa mga negosyo at lugar ng trabaho.
Maging handa sa banta ng lindol!
Bago Maganap ang Lindol:
Siguraduhing matibay ang pagkakagawa ng bahay at gusali.
Maghanda ng emergency kit na naglalaman ng pagkain, tubig, gamot, at mga flashlight.
Magkaroon ng plano para sa pamilya kung saan magkikita sa oras ng sakuna.
Habang Nagaganap ang Lindol:
Magtago sa ilalim ng matibay na mesa o anumang pwedeng magbigay ng proteksyon mula sa mga bumabagsak na bagay.
Lumayo sa mga bintana, salamin, at mabibigat na muwebles.
Kung nasa labas, lumayo sa mga gusali, puno, at poste ng kuryente.
Pagkatapos ng Lindol:
Mag-ingat sa mga aftershocks o maliliit na pagyanig na maaaring sumunod sa pangunahing lindol.
Suriin ang sarili at mga kasama kung may sugat at magbigay ng paunang lunas kung kinakailangan.
Makinig sa mga balita at sundin ang mga alituntunin mula sa mga awtoridad.
Makilahok sa National Simultaneous Earthquake Drill (NSED)!
Ang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ay isang regular na isinasagawang aktibidad sa buong Pilipinas na pinangungunahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang itaas ang kamalayan at kahandaan ng publiko sa posibleng lindol. Ang layunin ng NSED ay sanayin ang mga tao kung paano tama at ligtas na magresponde sa oras ng lindol at masiguro na ang bawat isa ay may sapat na kaalaman at kakayahan upang protektahan ang kanilang sarili at pamilya.
3rd Quarter NSED Highlights.mp4
1st Quarter NSED Highlights.mp4
Mag-Duck, Cover, and Hold!
Duck: Yumuko upang hindi matumba.
Cover: Magtago sa ilalim ng matibay na mesa o anumang bagay na makakapagbigay ng proteksyon mula sa mga bumabagsak na debris.
Hold: Kumapit nang mahigpit sa pinagtaguan hanggang matapos ang pagyanig.
Resources
Maaaring i-download at i-print ang mga sumusunod na resources para may kopya ka nito sa bahay o sa eskwelahan.