ANG BALIWAG NORTH CENTRAL SCHOOL

  

Taong 1913, ang konkretong Baliwag Central School ay naitayo sa pamamagitan ng isang milyong pondong laan ng Mababang Kapulungan sa pagtatayo ng mga gusaling pampaaralan sa buong kapuluan.  Tinawag ang mga gusaling ito na “Gabaldon Buildings” dahil ang kinatawang si Isauro Gabaldon ang nagpanukala ng pagpopondo ng mga gusaling pampaaralan.  Naitayo ang paaralan  sa isang parsela ng lupa na may kabuuang sukat na 13,000 sq.m.  Malaking bahagi ng lupa ay binili at ang iba ay nakuha mula sa donasyon.  Mula 1913 hanggang 1946, primary grades (Grade 1-4) lamang ang itinuturo sa Sentral.

 

Mula ‘peacetime’ hanggang ‘postliberation’ noong 1947, ang bayang Baliwag ay mayroon lamang iisang kumpletong paaralang pang-elementarya—ito nga ay ang Baliwag Elementary School na matatagpuan sa barrio Sto. Cristo.  Ito lamang ang tanging paaralan sa probinsya ng Bulacan na binigyan ng Principal III na kategorya. 

 

Gaya nang nabanggit na, unang naitayo ang Baliwag Central School (1913) para sa primary level at lumilipat lamang sa Baliwag Intermediate School pagtungtong ng mag-aaral ng Baitang V. 

 

Dahil sa sobrang laki ng enrolment, noong taong pampaaralan 1968-1969, pinaghati ang dalawang paaralan sa dalawa, upang maging dalawang kumpletong paaralang elementarya.  Ang ‘intermediate school’ ay nakilala sa pangalang Baliuag Elementary Regional Pilot School for Science and Mathematics na ngayon ay Baliwag South Central School.  Tinawag naman ang dating primary school na Baliuag Division Special Educational Center, kasalukuyan ay Baliwag North Central School.


Hindi lamang ito ang pagbabagong naganap sa kasaysayan ng mga elementaryang pag-aaral.  Hinati o ‘nagdiborsyo’ ang dalawa sa magkaibang distrito:  ang Baliwag North District ay pinamahalaan ng District Supervisor (Tagamasid Pampurok) Gng. Julia Bognot at ang Baliwag South District ay sa ilalim ng panunungkulan ng District Supervisor G. Ramonato J. Cruz.

 

Patuloy na ginampanan ng dalawang distrito ang kani-kanilang tungkulin, ang mahubog ang mag-aaral ng Baliwag.  Halimbawa na lamang, sa ‘special education center’ (Baliwag North), ang mga mag-aaral na may kapansanan sa pagsasalita at sa tainga ay tinuturuan ng “sign language’.  Ang guro na nag-organisa ng ‘special education class’ ay si Gng. Estefania Samaniego-De Guzman, nagawaran ng iskolarship sa School for the Deaf and Blind.

 

Sa kabilang dako, ang lahat ng seminar at pagsasanay na pangsangay at pangrehiyonal ay ginaganap sa ‘pilot school for science’ (Baliwag South).  At sa kadahilanang ang Baliwag ay ginawaran ng batas na maging sentro ng gawaing pangpamahalaan para sa pag-unlad ng mamamayan, lahat ng pagsasanay o ‘trainings’ ay dito idinaraos.

 

Mula Mayo hanggang Disyembre taong 1969, sa magkakasunod na tatlong termino, nakapagpatapos ang pilot school for science ng 522 ‘trainees’ sa iba’t ibang kurso.  Kabilang sa mga kurso dito ay dressmaking, tailoring, radio ang electronics, cosmetology at machine embroidery.  Mga kwalipikadong guro at mga ‘propesyunal’ sa ganitong gawain ang nagsisilbing guro dito.  Ang punong guro ay tumatayong superbisor sa pagsasanay at ang tagamasid pampurok (noon ay si Gng. Isabel de Borja) ang director ng proyekto. 

 

Si Gng. De Borja ay nagsilbi bilang guro (20 taon), punong guro (13 tao) at District Supervisor (11 taon).  Lahat ng ito ay ginugol niya sa pagsisilbi sa Baliwag.  Nagretiro siya noong April 25, 1970.  Ayon sa pananaliksik, naging Tagamasid Pampurok din ng Baliwag sina G. Esteban Samaniego at G. Mariano Bognot, wala nang nakababatid o nakatatanda (ayon sa mga napagtanungang mga guro noong panahon nila, na sa awa ng Diyos ay buhay pa!) kung sa anong mga taon sila nagsilbi bilang superbisor dahil na rin sa katagalan.

 

 

1970-2010….. SA LOOB NG APAT NA DEKADA

 

Matapos ang 4 na dekada bilang isang kumpletong paaralang elementarya, maituturing ang Baliwag North Central School na isang ‘seasoned’ na paaralan.  Bukod dito, may limang dekada at pitong taong pundasyon pa itong maipagmamalaki, simula 1913 hanggang 1969.  Hindi biro ang 97 taon…..

 

Sa loob ng apat na dekada ng pagpapagal ng mga tunay na bayani…ang mga GURO, nag-iwan ng marka ng kagalinan ang Baliwag North Central School (BNCS) sa lahat ng aspeto ng pagtuturo.  Hindi nabigo nang magsarili at subukang ibuka ang pakpak sa pakikipagsapalaran.  Hindi natakot na kumawala sa saya ng inang nag-aruga, at nang bumalik ay taas-noong ibinalita ang tamis ng tagumpay.