Takot Me
Aklatan
August 29th, 2009
MATALINO ka ba? Mahilig mag-aral o dili kaya ay laging nasa silid aklatan upang mag research? Paniguradong maeengganyo kang siyasatin ang lihim ng kubling silid na ito sa aklatan ng isang paaralan sa gawi ng Intramuros.
Hindi naman umano lahat ng nagtutungo sa silid aklatan ay nag-aaral. May mga naglili-gawan, mga natutulog, may ibat ibang transaksyon at may isang halimaw na nagtatago sa isang kubling silid at nag-aabang ng inosenteng masisila.
Noong una, hindi ako agad naniwala, dahil baka may layunin lang itong si Larry na nag kuwento sa akin ng pangyayaring ito na siraan ang kanyang paaralan.Ngunit napag-alaman kong hindi naman pala siya nag-aaral sa paaralang iyon kundi ang syota niyang si Rochelle.
Hindi naman mahigpit sa paaralang iyon. Sa katunayan, malimit mag punta roon si Larry upang maki-research. Ayon sa kanya, kulang ang pasilidad ng kanilang paaralan bukod pa sa marami talagang magagandang babae sa paaralang iyon.
Mas marami ang populasyon ng babae kaysa lalaki sa paaralang ito. Pati ang mga kurso ay tailor made sa babae at kaunti lang ang masasabing para sa lalaki. Sa pagkaka-describe ni Larry sa hitsura ng aklatan, napakaluwang nito at iba’t ibang aklat at mga babasahin ang matatagpuan.
Iba rin umano ang lokasyon ng silid para sa mga computer bagamat nasa loob din ito ng aklatan. May takdang oras ang pag re-research at ito ay hanggang alas siyete lamang ng gabi.
Nang araw na iyon, inabot silang dalawa ni Rochelle ng ganoong oras sa loob ng aklatan. Halos magkatulad ang uniporme ng pinapasukan niyang paaralan at ang uniporme ng lalaki sa paaralang iyon kaya hindi siya gaanong napapansin ng mga guwardiya.
May nakatakdang pagsusulit noon si Larry kinabukasan kaya subsob ulo siya sa pagri-research. Nang namimili siya ng mga aklat ay napansin niya ang isang tila bumukas na nakakubling maliit na lagusan sa gawing kaliwa ng aklatan.
Ipinakita niya iyon kay Rochelle at napagpasiyahan nilang buksan ang pinto at pumasok doon. Inakyat nila ang isang makipot na hagdan pataas, “Saan kaya ito papunta?” bulong ni Rochelle kay Larry. “Ewan natin, teka ikaw ang taga-rito ikaw ang dapat nakakaalam.”
Nang malapit na sila sa isang magkaharap na silid, natiyak nilang nasa ika-apat na palapag sila. Nakarinig sila ng tunog ng kadena at ingay na tila ba may bumangon sa pagkakahiga. Nagulat silang dalawa at upang hindi mapatili ang nobya ay tinakpan ni Larry ang bibig nito. Ipinasya nilang dahan-dahang bumaba.
Habang bumababa si Rochelle pabalik sa aklatan ay nasa likuran niya si Larry. Nakita ni Larry na tila may lumalabas sa nakapinid kanina ng pinto.Sumasayad ang kadena sa sahig at lumilikha ito ng ingay.
Agad silang bumaba at agad ipininid ang pintuan ng nasabing kubling silid. Madilim na sa aklatan. Akala marahil ng librarian o ng guwardiya ay wala ng tao kaya isinara na ito. Sino nga naman ang mag-iisip na may tao palang naiwan sa loob ng aklatan.
Habang pinipilit ni Larry na buksan ang pintuan upang sila ay makalabas, ang ipininid nilang kubling silid ay unti-unting bumubukas. Naririnig na nila ang tunog ng kadena na nalalaglag sa bawat baytang ng makipot na hagdan.
Pilit binubuksan ni Larry ang pintuan gamit ang isang maliit na alambre buhat sa kanyang spiral notebook. Nagtagumpay siya at nakatakbo sila ng palabas ng aklatan habang kasunod nila ang hindi maaninag at hindi nila mawari kung anong klaseng nilikha na may kadenang hinihila.
Madilim ang mga corridor at tila walang guwardiyang nagroronda ng mga oras na iyon. Napadaan ang dalawa sa may terasa kung saan mamamataan ang maliit na kalsada sa labas. Kakatwa namang walang sinumang tao o sasakyang nagdaraan ng mga oras na iyon.
Sa salaysay na iyon ni Larry, isang bagong kuwento ang narinig ko.Hindi ko akalaing may ganoong pangyayari o may ganoong nilikha sa nasabing paaralan. Napakataas kasi ng tingin ko sa pamantasang iyon.
Naalala ko ang kuwento ng isa sa mga dati kong nobya na nag-aral din sa pamantasang iyon. Ang kuwento niya ay maihahalintulad sa naranasang pangyayari ni Larry. Ngunit hindi niya tinumbok na halimaw, o maaaring hindi lang niya nakita talaga kung ano ang nilalang na nakatago sa kubling silid. Ang tiniyak lang niya sa akin, may itinatago sa nasabing kubling silid at nakakadena ito.
Baka aso lang ang nakita niya, ang wika ko noon at biniro ko pa siyang masyadong naglalaro ang kanyang imahinasyon at guni-guni. Ngunit sa kuwento ni Larry, muli ay napapaisip ako.
Kamakailan lang ay nagkaroon ng party sa bahay ng isa naming kapitbahay na may pinag-aaral din sa nasabing paaralan. Nagkukuwentuhan ang mga magkakamag-aral sa veranda ng bahay.
Tungkol pa rin doon sa pangyayaring iyon ang kanilang usapan. Ayon sa isang dalagita, hindi na nakauwi ang isa nilang kamag-aral na ginabi sa aklatan. Maaari kayang tuwing gabi ay naghahanap ng masisila ang halimaw na iyon? At natiyempuhan ang dalagitang naiwan?
Pagkatapos ng insidente, tila naglubay ang dalawa sa pagkukuwento tungkol sa bagay na iyon lalo sa mga kamag aral nila sa nasabing paaralan. Nanahimik na rin si Larry ngunit ayon sa kanya, sa tuwing maaalala niya ang pangyayaring iyon, hindi niya mapigilang mangilabot
Hindi kaya ang nilalang na nagtatago sa kubling silid ay kaanak ng may-ari na doon itinago dahil may diprensiya sa pag-iisip o may kakaibang sakit na sa halip na ipasok sa pagamutan ay doon na lamang itinago upang iligtas ang kanilang pangalan sa kahihiyan?
Ito ay ilan lamang sa naglalaro sa aking isipan upang bigyan linaw at interpretasyon ang kakaiba kong naranasan.
Kayo? Ano sa palagay n’yo?
Ang Wakas…
Alulong
May 19th, 2009
SABI ng iba, tanging ang mga tao lang umano ang may kaluluwa dahil siguro iniisip nilang tayo lamang ang nilalang na nakapag iisip. Totoo man ito o hindi, isang kakatwang pang yayari ang malimit maganap sa aming lugar dito sa Caloocan kung saan sa tuwing may aalulong na asong nakatakdang katayin, kasunod rin ay taong mamamatay.
“Man’s best friend” wika nga ng ilan o di kaya ay itinuturing na “kapamilya” o di kaya ay “kapuso” na ng iba sa atin ang ating mga aso. Sa iba naman ay inaalagaan lamang ito upang talagang gawing panlaman tiyan.
Talamak sa katakawan sa karne ng aso ang mga manginginom dito sa aming lugar, bagaman napakalayo nito sa Baguio at siguradong hindi naman mga Ifugao ang mga kapitbahay kong buwakaw sa alak e, talagang sarap na sarap sila sa karne ni “bantay”
“May kakatayin na namang aso bukas,” ang naglalaway na tema ng usapan ng mga manginginom saamin nung isang araw. Nakatali na sa tabing daan ang isang kulay puti na aso. “Alaga yan pare, walang rabis he he,” bahagi ng usapan sa umpukan habang lumalaklak ng ginebra bilog.
Hanggang isang malakas na sigaw ang umalingawngaw sa kabilang pasilyo. May nag-aamok sa maliit na iskinita. Wala pang dumarating na pulis at ayon sa ibang usiserong galing sa lugar, isang lalaki ang sinaksak sa tagiliran ng nag-amok na adik.
Dead on the spot “Hindi ko akalaing si Berong ang madadali, hu hu,” ang hikbi ng asawa ng napatay. Ipinagkibit-balikat lamang ng ilan ang mga pangyayaring iyon o talagang wala lamang nakakapansin sa alulong.
Halos gabi-gabi ay may umaalulong na mga aso sa lugar naming iyon, at kinaumagahan ay isang tao ang nagiging kapalit.Tila araw-araw ay may kinakatay rin ditong aso. Talagang walang pangil ang batas patungkol sa Animal Welfare Act dahil binabalewala lang sila ng mga tao dito.
Umalulong na naman kagabi ang isang aso, sabi ng may ari, natural lamang daw na umalulong ito minsan, pero bakit sa tuwing aalulong ang aso lalo yung kakatayin na kinaumagahan, kasunod ay buhay ng taong mauutas.
Hindi kaya nakikita ng mga asong ito ang kanilang kamatayan kayat bago pa man sila bawian ng buhay ng tao, mauuna na nilang bawian ng buhay ang mga ito? Hindi rin naman kasi mga karaniwang inosenteng tao ang kadalasang sumusunod na pinaglalamayan sa tuwing may aalulong.
Madalas sa hindi ay mga manginginom rin na minsan nang nagpasasa sa karne ng itinuturing ng marami sa ating,..man’s best friend ang binabawian ng buhay.
Ang Wakas!…
Ang Tulay
August 14th, 2010
Napasigaw siya nang makita sa hulihan ng kanyang sasakyan ang hindi niya mabilang na kaluluwang nakaharang sa tulay. Matatalim ang mga mata ng mga ito habang nakatitig sa kanya.
NABALITAAN ni Alex mula sa kanyang mga pinsan na may gaganaping street dance party sa kabilang bayan. Iyon daw ang unang pagkakataong magkakaroon ng ganoong event doon bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan sa taong iyon.
“Cool, guys,” masiglang sabi niya sa apat na pinsan. “Join tayo sa street party na `yon. Tiyak na masaya `yon. Maraming beses na akong naka-experience ng ganoong gimmick sa Manila at nag-enjoy talaga ako.”
Tikom ang mga labing nagtinginan ang kanyang mga pinsan. Napakunot ang kanyang noo. Ramdam niyang walang balak ang apat na pumunta sa street dance party na iyon. Ni hindi man lang niya kinabakasan ng excitement ang mga ito.
“Come on, guys. Don’t tell me na wala kayong balak sumama sa akin sa pagpunta roon?”
Sabay-sabay na umiling ang mga ito.
“Kuya Alex,” ani Karla, ang pinakabata sa kanila. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang bahagyang takot sa mukha nito. “Gusto sana naming pumunta roon kaya lang ay natatakot kami.”
“Kailangan kasi nating tumawid sa isang tulay para makapunta roon,” dagdag ni Ferdie at nagpakawala pa ng buntong-hininga. “Wala naman kasing ibang daan para makarating tayo sa street party kundi ‘yong tulay.”
“Ano naman kung dadaan tayo sa isang tulay?”
“Maraming kababalaghang nangyayari sa tulay, Alex,” sabi ni Dina na tila kinikilabutang nayakap pa ang sarili. “Walang tagarito ang hindi natatakot doon at talagang umiiwas na tumawid doon kapag gabi.”
“Maraming nangyaring aksidente sa tulay na `yon,” maagap namang dugtong ni Dindo. “Karamihang sangkot ay mga dayo o motoristang napapadaan doon kapag dis-oras ng gabi. At iisa ang kanilang sinasabing dahilan nakaranas daw sila ng kababalaghan sa tulay.”
Tumawa siya. Hindi siya naniniwala sa mga sinabi ng kanyang mga pinsan.
“Tigilan n’yo nga ako,” sabi niyang tinapik pa ang mga balikat nina Ferdie at Dindo. “Malayo na ang narating ng siyensiya at hindi na uso ang mga ganyang kuwento. Alam n’yo, pagtatawanan at mapapahiya lang kayo sa mga barkada ko sa Manila kapag narinig ang pinagsasasabi ninyo.”
“Hindi ka namin pipiliting maniwala, Kuya Alex,” nakangusong sabi ni Karla. “Pero nagsasabi kami ng totoo.”
“Kung kami ang masusunod, hindi ka namin papayagang pumunta sa party,” seryoso pa ring sabi ni Dindo. “Pero kung talagang gusto mo ay hindi ka naman namin mapipigilan. Ikaw ang may katawan, eh.”
“Hindi kita masasamahan, pinsan,” ani Ferdie. “Isipin mo nang duwag ako pero wala akong pakialam. Ayokong makipagsapalaran at baka `yon Pa ang maging mitsa ng buhay ko.”
“Labas din ako riyan,” segunda naman ni Dina. “Hindi ako sasama sa iyo, Alex, kahit gustung-gusto kong mag-joyride sa wheels mo. Hindi ko type makakita ng lumulutang na kabaong sa gitna ng Kalawang Bridge. O kaya naman ay makakita ng mga marahas na multong nagbabarikada sa gitna ng tulay para lang huwag kang makadaan o makalampas doon.”
Humalakhak siya. “Kung ayaw n’yong sumama, kaya kong mag-isa. And I assure you, mami-miss n’yo ang kalahati ng buhay n’yo.”
AMINADO si Alex na nakadama siya ng kakaiba kanina habang nagmamaneho ng kanyang kotse at dumaan sa tulay na kinatatakutan ng kanyang mga pinsan. Nang sandaling iyon ay wala naman sa isip niya ang tungkol sa naging paalala ng mga ito ngunit nakaranas talaga siya ng ganoong pakiramdam.
Hindi tuloy siya masyadong nakapag-enjoy sa dinaluhang street dance party dahil kahit ano ang gawin niya ay hindi niya maiwaksi ang pangamba.
Halos isang oras lamang siyang nakipagsayaw sa mga bagong kakilala at nagpasya na siyang umuwi. Nang magpaalam siya sa mga ito ay lalong nadagdagan ang kaba sa kanyang dibdib dahil seryosong nagbabala ang mga ito.
“Pati ba naman kayo?” aniyang sinikap huwag mahalata ng mga ito na natatakot na rin siya. “Wala bang ibang nasa isip ang mga tagarito kundi ang mga kababalaghang nagaganap sa Kalawang Bridge? Guys, tinatakot n’yo lang ang sarili ninyo.”
Tulad din ng mga pinsan niya ay seryoso ang mga ito at totoong nagmamalasakit sa kanya. Kaya nilisan niya ang lugar na iyon na abut-abot ang dasal na sana ay huwag siyang makaranas ng anumang kababalaghan sa tulay na kanyang daraanan.
“Oh, my God!” naibulalas niya nang malapit na siya sa Kalawang Bridge. Minsan pa kasing naghari sa kanya ang kakaibang pakiramdam. Pinagpawisan siya nang malamig. Napahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela ng kotse. “Ano’ng ibig sabihin ng pakiramdam na ito? Makikita ko na ba ang mga multo?”
Nang nasa bukana na siya ng tulay ay nanlaki ang kanyang mga mata dahil nasinagan ng headlights ng kanyang kotse ang nakahilerang mga ataul na nasa gitna niyon. May tig-iisang kandila sa ibabaw niyon. Biglang natapakan niya ang preno sa tindi ng takot. Kumurap-kurap siya at isiniksik niya sa kanyang isip na pinaglalaruan lang siya ng paningin niya. Subalit nabatid niyang totoo iyon nang manatili ang mga ataul sa harap niya. Napasigaw siya nang makitang unti-unting lumulutang ang mga iyon. Nanginig ang kanyang buong katawan. Tila ibig sumabog ng kanyang ulo. Nataranta siya at hindi niya malaman ang gagawin.
Nang papalapit na sa kanyang kotse ang mga ataul na lumulutang sa hangin ay bigla siyang napalingon sa likuran upang umatras sana. At minsan pa siyang napasigaw nang makita sa hulihan ng kanyang sasakyan ang hindi niya mabilang na kaluluwang nakaharang doon. Matatalim ang mga mata ng mga ito habang nakatitig sa kanya. Halos mapugto na ang kanyang hininga sa labis na takot.
Ginamit niya ang kanyang nalalabing lakas ng loob at pinaharurot ang sasakyan palayo ng lugar na iyon. Pikit-matang sinagasaan niya ang mga ataul na nakalutang katapat ng bumper ng kanyang kotse. Nang wala siyang naramdamang impact ay napadilat siya. Kapagkuwa’y tinapakan niya ang preno at humihingal na lumingon. Wala na ang mga ataul at mga multong naghatid sa kanya ng labis na takot.
“Lord, salamat at hindi ako napahamak. Totoo pala ang lahat…”
DAHIL naniniwala na si Alex sa nagaganap na kababalaghan sa tulay ay nag-usisa siya sa kanyang Lolo Tasyo tungkol sa bagay na iyon. Nalaman niya mula rito na noong panahon ng digmaan ay doon pinatay ng mga Hapon ang maraming Pilipinong ibig lisanin ang bayang iyon upang makalayo sa kalupitan ng mga ito. Kamatayan ang tinamo ng mga ito kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang mga kaluluwa ng mga ito.
Wakas.
Ilog
June 20th, 2009
Likas sa magkaeskwela na sina Rolan at Benjie ang pagiging pasaway at makulit, mga grade IV student kung kaya palaging napapagalitan ng kanilang guro na si Mrs. Adela Manlapaz. At kalimitan ay nadadamay sa kanilang kalokohan si Jean, kaya kapag pinapagalitan ng guro ang dalawang bata ay nakakasama si Jean.
“All of you three! Go to the right side of this room… dapat kayong parusahan sa kakulitan ninyo!” galit na sabi ni Mrs. Adela nang sitahin sina Jean, Rolan at Benjie.
“Hayan! Ang kukulit ninyo kasi kaya pati ako ay nadadamay sa inyo!” inis na sabi ni Jean.
“Halika na! Huwag ka ng magreklamo! Tumayo na tayo!” yaya naman ni Benjie.
“Oo nga! Baka lalong magalit si ma’am!” sang-ayon naman ni Rolan.
Kahit masama ang loob ay napilitang tumayo si Jean sa isang sulok ng kuwarto kasama ang dalawang kaibigan. Nanatili silang nakatayo roon hanggang sa matapos ang klase. Panay ang angal ni Jean sa dalawang kaibigan habang naglalakad pauwi ng bahay. Hanggang sa makarating ang magkakaibigan sa tulay kung saan tumigil sila sa gitna ng lugar na iyon. Pinagmasdan ng mga ito ang ilog.
“Rolan! Parang ang sarap maligo sa ilog ‘no!” sabi ni Benjie.
“Oo nga!”
Napansin ni Jean ang dalawa. “Hoy! Ano ba naman kayong dalawa, ano pang ginagawa ninyo diyan! Umuwi na tayo..hapon na! Malapit ng kumalat ang dilim.”
“Benjie! Tingnan mo… may mga batang naliligo sa ilog!” Natutuwang sigaw ni Rolan nang makita ang dalawang bata.
“Oo nga ‘no! Maligo din tayo!” naeengganyong sagot naman ni Benjie.
“Huwag na kayong gumaya sa kanila! Tayo ng umuwi!” muling yaya ni Jean.
Nagulat ang tatlo nang mula sa kung saan ay lumapit sa kanila ang isa pang batang lalake na kasing-edad din nila. Nakasuot din iyon ng uniporme ng estudyante.
“Parang masarap maligo ano! Halikayo… sumali tayo sa kanila!” sabi ng bata. “Siyanga pala, ako si Miguel!”
“Sige! Tayo na!” halos magkasabay na sagot nina Rolan at Benjie.
“Ikaw!” baling ni Miguel kay Jean. “Gusto mo bang suniama sa amin!”
“Hindi ah! Ayaw ko nga! Babae ako! Hindi ako pwedeng maligo ng nakahubad!” tanggi ni Jean.
“Ikaw ang bahala! Magsisisi ka dahil hindi masaya ang nag-iisa!”
Di nga nagtagal ay umalis na sa tulay sina Rolan at Benjie. Inilagay ng mga ito sa pampang ang bag at naghubad ng mga damit. Tanging ang mga brief lamang ang itinira sa katawan. Matapos ay nagsimulang lumusong sa ilog ang dalawa, lumapit sila sa mga batang naroon na naliligo na rin. Tuwang-tuwa sina Rolan at Benjie. Sumang-ayon pa nga sila sa suhestiyon ni Miguel na maghabulan sila sa tubig habang naglalangoy.
Panay naman ang sigaw ni Jean na hanggang ngayon ay nasa ibabaw pa rin ng tulay.Pilit na pinapaahon ang mga kaibigan sa ilog. Pero waring bingi na ang mga iyon. Patuloy lang ang ginagawang paglangoy sa tubig. Hanggang sa magulat sina Rolan at Benjie nang hawakan sila ni Miguel sa kanilang mga paa at hatakin sa ilalim ng tubig.
“Miguel, bitiwan mo kami! Malulunod kami. AAAAHH!” sigaw ni Rolan habang nagpupumiglas.
“Mas masarap dito! Kaya hindi ko na kayo papayagan pang makaalis dito. Makakasama na namin kayo dito sa paglalaro sa ilog,” natutuwang sinabi ni Miguel.
Ang lalo pang ikinagulat nina Rolan at Benjie ay nang lumapit ang dalawa pang bata na naroon at tulungan si Miguel na ilublob sila sa tubig. Kaya naman pilit na nagpumiglas sina Rolan at Benjie. Sa tuwing mailulutang nila ang kanilang mga ulo ay sinisigawan nila si Jean.
“Jean! Tulungan mo kami! Malulunod kami!” sigaw ni Rolan.
“Humingi ka ng saklolo.. .dali!” sigaw din ni Benjie.
Kinabahan si Jean. Nalito. Hindi niya mawari kung bakit ang kasiyahan ng mga kaibigan ay napalitan ng sindak. Ganuon pa man ay nagsisigaw siya upang makakuha ng atensiyon.
“Tulong! Tulungan ninyo ang aking mga kaibigan! Nalulunod sila!” sigaw ni Jean.
Nagkagulo naman ang mga kalalakihan nang marinig ang sigaw ni Jean, lalo na ang mga nagdaraan sa tulay ng pagkakataong iyon. Nagmamadali ang mga ito na sumisid sa ilog at sa awa naman ng Diyos ay nasagip ang dalawang bata. Naiahon sina Benjie at Rolan bago pa man tuluyang malunod. Nagmamadaling nilapitan ni Jean ang mga kaibigan na ng mga sandaling iyon ay umiiyak na sa takot.
“Manong! Mayroon pang tatlong bata na kasama sila kanina! Tulungan ninyo rin sila baka sila malunod!” nalilitong sabi ni Jean.
“Wala na silang kasamang bata! Dalawa lang silang nalulunod kanina. Pinulikat lang silang dalawa,” paliwanag ng isang lalaking sumagip.
“Pero manong, lima sila kanina!” ulit ni Jean. Binalingan ang mga kaibigan. “Hindi ba mayroon kayong mga kasama kanina!”
“Oo, pero silang tatlo ay mga multo na. Nanghihikayat sila ng mga batang maliligo dito para lunurin nila, para makasama na nila dito sa ilog!” natatakot na paliwanag ni Benjie.
“Kung nagkataon pala ay kayo ang sumunod na nalunod kay Miguel! Noong nakaraang taon, ganitong petsa rin ng malunod dito ang batang iyon. Nangyari iyon dahil sa sobrang kakulitan niya. Kaya minsan ay mahirap sa bata ang sobrang tigas ng ulo!” sabi ni Mrs. Adela Manlapaz nang lumapit sa dalawa.
Napaiyak nang malakas sina Rolan at Benjie nang makita ang guro. Walang tigil sa pagtulo ang luha nila habang nangangako sa guro na magbabago na sila at hindi na magiging makulit at pasaway. Si Jean naman ay puno pa rin ng kilabot ang buong katawan. Hindi makapaniwalang nakakita siya ng.. .MULTO!!!
Ang Wakas…
Si Kuya
August 16th, 2009
Wala ng hahanapin pa si Marie sa pagdating ng kanyang ika 21st birthday. Successful siya sa naging trabaho niya bilang secretary sa isang malaking opisina at natagpuan niya ang lalaking nag mamahal sa kanya ng totoo. Si Elmer. Matanda sa kanya ng dalawang taon ang kanyang boyfriend. At ngayon nga’ng ipinagdiriwang niya ang kanyang kaarawan ay kapiling niya ang mga kaibigan at ang kanyang katipan.
“Happy Birthday mahal!” Bati ni Elmer. Hinagkan ng bahagya sa pisngi ang dalaga.. “gift ko para sa iyo!.”
“Salamat Elmer!”
Nakilala ni Elmer ang iba pang kaibigan at kamag-anak ni Marie. Pero nang kalagitnaan na ng kasiyahan nila ay saka napansin ni Elmer ang malaking picture ng lalaking sundalo na naka-laminate doon. Hindi napigilan ni Elmer ang sarili na hindi mag-usisa.
“Sino ang lalaking ito?” tanong niya.
“A, si Kuya Gimo! Siya ang panganay sa aming magkakapatid!” paliwanag ni Marie..
Iyon lang at hindi na nagtanong pa si Elmer. Iisa lang ang nasa isipan niya. Nasa destino si Gimo kung kaya wala sa pagkakataong iyon. Muli nitong itinuon sa mga naroon ang pansin, nakipag-inuman at nakipag-videoke.
Subalit sabi nga, hindi sa lahat ng pagkakataon ay maganda ang takbo ng relasyon ng magkatipan. Dumarating ang mga pagsubok at rebelasyon. Nagkaroon ng tampuhan sina Elmer at Marie. Ilang araw at ilang gabi na hindi sinundo ni Elmer sa trabaho ang katipan. Isang bagay na lalong ikinainis ni Marie.
“Talagang ang damuho na iyon! Hindi man lang ako naalalang sunduin! Ang gusto pa yata ay ako ang manunuyo sa kanya gayong siya naman ang may kasalanan!”
“Bestfriend, huwag kang masyadong highblood, siyempre nag-iisip pa iyon, baka kumukuha pa ng magandang tayming. Pasasaan ba’t magkakabati rin kayo!”
“A, basta…kapag hindi niya ako pinuntahan bukas ng umaga, hindi ko na siya tatanggapin pa!”
Nang mga pagkakataon namang iyon ay kalalabas lang din ng pabrikang pinapasukan ni Elmer. Alas-otso na iyon ng gabi. Sakay ng motorsiklo ang binata kung kaya kaagad nakarating sa kanilang bahay. Pero bago siya makapasok ay nakita niya sa labas ng kanilang bakod ang isang sundalong nakatayo na sadyang siya ang hinihintay. Nang makita siya ng sundalo ay kaagad iyong lumapit sa kanya. Nakilala naman iyon ni Elmer.
“K-Kuya Gimo!” nangangambang tawag ni Elmer.
“Ako nga Elmer, narito ako para tiyakin sa iyo ang isang bagay!”
“Ano iyon kuya!”
“Mahal mo ba ang kapatid kong si Marie?”
“Oo naman!”
“Kung gayon ay bakit pinapayagan mong unti-unting masira ang inyong relasyon. Kailangan mong kumilos at gumawa ng paraan dahil kung hindi ay malalagot ka sa akin!”
Kinabahan si Elmer. “Kasi Kuya…….!”
“Huwag ka ng mag-isip ng ano pa man, ang mahalaga ay ikaw ang boyfriend ng kapatid ko. Mahal ka niya at ayaw kong umiiyak siya ng dahil sa iyo. Kaya ayusin ninyo ang problema ninyo habang maaga, kung hindi ay magagalit ako sa iyo!”
“Sige Kuya Gimo, ngayon din ay kikilos na ako sir.. .makikipagbati ako kay Marie.”
Noon din ay muling sumakay sa kanyang motorsiklo si Elmer at pinaandar iyon. Pero bago siya umalis ay nilingon pa si Gimo subalit wala na iyon sa kinatatayuan kanina.
Nagulat pa si Marie nang makitang nasa harapan ng pintuan ng kanilang bahay ang katipan. Hindi na iyon pinaabot pa ng umaga.
“Mahal! Alam kong nahihirapan ka rin sa pag-aaway natin, pero tama si Kuya.. .huwag nating payagan na unti-unting masira ang ating relasyon! Sorry na!”
“Sorry din! Ang totoo ay naiinip na talaga akong Makita ka!”
“Hay salamat! Ngayon ay hindi na ako mangangambang magalit sa akin si Kuya Gimo!” sabi ni Elmer nang yakapin ang katipan.
“Sino..?”Gulat si Marie.
“Si Kuya Gimo! Pinuntahan ako sa bahay kanina at pinagsabihan. Kaya narito ako ngayon. Nakausap ko siya. Maya-maya lang ay pabalik na iyon dito. Kelan pa ba siya umuwi galing destino!”
Kinilabutan si Marie, hindi makapaniwala sa mga narinig sa katipan dahil ang totoo ay isang taon ng patay ang Kuya Gimo niya. Nakasama ito sa isang truck ng sundalo na inambush sa Basilan. Hindi naging madali para kay Marie na ikuwento kay Elmer ang buong pangyayari.
Kinilabutan si Elmer. Hindi niya inisip na kaluluwa na lang pala ni Kuya Gimo ang kumausap sa kanya. Naisip niya na napakalaki ng pagmamahal ni Kuya Gimo kay Marie kaya mas dapat niya itong mahalin at ingatang huwag masaktan dahil ibang klase ang tagabantay nito.
Napaiyak si Marie sa ikinuwento ng katipan at malaki ang naging pasalamat niya kay Kuya Gimo dahil kahit nasa kabilang buhay na ang Kuya niya ay nagagawa pa rin siyang proteksiyunan kahit sa anong paraan.
Ang Wakas…
Gitnang Kalsada
July 9th, 2010
Dahan-dahang nag-iba ang anyo ng mga bata. Nakapanghihilakbot ang transpormasyon ng mga ito. Nangitim ang mga ito at nawarak ang mga suot na damit.
PINUNIT ng malakas na sigaw ng isang batang babae ang katahimikan ng gabi. Mayamaya ay tumatakbong lumabas ito mula sa nakabukas at sira-sirang tarangkahan ng pulang bahay na matatagpuan sa dulong bahagi ng gitnang kalsada. Pinagpapawisan ito at nasa mukha ang labis na takot. isang tsinelas na lamang ang nakasuot sa paa nito. Tinanong ito ng mga matandang sumalubong dito. At sa nanginginig na boses ay ikinuwento ng bata ang tatlong duguang bangkay na nakita raw nitong nakahandusay sa loob ng bahay kung saan ito palaging nakikipanood ng telebisyon.
PAGKALIPAS ng halos kinse minutos na paglalakad mula sa kanilang bahay ay narating ni Mylene ang bahay ng kaopisina at kaibigan niyang si Maricris. Ikatlong gabi nang nakaburol ang nanay nito na si Aling Ester at noon lamang siya makakadalaw para makiramay sa mga naiwan nito.
Natanaw niya ang nakahimpil na karo ng patay sa harap ng luma at sira-sirang bahay nina Maricris. Mayroong ilang mesa na puno ng mga nagsusugal na kalalakihan. Mayroon ding mahabang mesa na inookupa ng mga kababaihan na abala naman sa paglalaro ng bingo. Paroo’t parito ang mga kaanak nina Maricris na nagdudulot sa mga nakikiramay ng iba’t ibang mga kukutin at tasa ng mainit at umuusok pang sopas.
Nilagpasan niya ang mga ito at umakyat siya sa mataas na hagdan na nasa harap ng bahay. Nang makarating siya sa pinakahulingbaitang niyon ay nakita niyang puno ng tao ang malaking sala at lahat ay nakatunghay sa ataul.
May tatlong lalaking nakatayo sa harap ng puting ataul na napapalibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak at ilaw na tumatanglaw sa maluwang na sala. Nakatalikod sa kanya ang tatlong lalaki na sa pakiwari niya ay may kung anong sinusuri habang nakasilip sa salamin ng ataul. Kapagkuwan ay itinaas nang dahan-dahan ng isa sa mga ito ang takip na salamin. Sumingaw ang amoy ng formalin na ginamit sa pag-eembalsamo kay Aling Ester. Nadaig niyon ang ibinibigay na mabangong amoy ng sampaguita na nakasabit sa palibot ng ataul.
Umalis ang pinakamaliit sa tatlong lalaki. Sinundan niya ito ng tingin at noon lamang niya napansin ang isa pang puting ataul na nasa isang gilid ng sala. Di-hamak na mas maganda at mamahalin ang materyales niyon kaysa sa kasalukuyang pinaglalagyan kay Aling Ester.
Diyata’t papalitan ang ataul nito?
Ibinalik niya ang tingin sa harap niya. Sinisimulan nang buhatin ng dalawang lalaki kapwa may suot na guwantes ang mga ito mula sa kinahihimlayan niyon ang bangkay ni Aling Ester. Waring bigat na bigat ang mga ito habang hawak ang matigas nang bangkay. Natambad din sa kanya ang puting saya ni Aling Ester. Pero hindi niya makita ang mukha nito dahil natatabingan iyon ng malapad na likod ng isa sa dalawang lalaki.
Hustong ililipat na sa bagong ataul ang bangkay nang biglang namatay ang ilaw sa buong kabahayan. Nilamon ng dilim ang buong paligid. Nawala ang atensiyon niya sa ataul. Maging siya ay hindi napigilang mapasigaw gaya ng ibang mga naroroon. Napalundag siya sa magkahalong takot at kilabot lalo na nang may narinig siyang kung anong bagay na bumagsak sa sahig. At kasabay niyon ay may biglang humawak sa kamay niya na nakahawak sa barandilya ng hagdan.
Akmang tatalikod na siya para bumaba ng hagdan nang biglang lumiwanag ang paligid. Nakahinga siya nang maluwag nang bumalik ang kuryente. Kaharap na rin niya si Maricris. Tumingin siya sa ataul. Bago pa man tuluyang maihimlay ang katawan ni Aling Ester sa bagong ataul nito ay kitang-kita niyang tila nangitim ang puting saya nito na animo nakulapulan ng dumi. At ganoon na lamang ang kilabot na nadama niya nang mahagip ng tingin niya ang krusipihong pabaligtad na nahulog sa sahig.
Lumapit kay Maricris ang tiyahin nito na si Aling Belen. Nag-antanda pa ito bago nagsalita.
“May kasabihan ang matatanda na dapat ay binabantayang mabuti ang bangkay ng isang namayapa para hindi maagaw o mapasukan ng ibang kaluluwa ang katawan nito. Hindi raw dapat hinihiwalayan ng tingin ito para hindi masalisihan ng demonyo o ma-possess ang bangkay. Kailangan ding tutukan ng tingin ng sinumang tao ang bangkay bilang proteksiyon sa sarili niya. Para hindi rin siya buligligin at habulin ng iba pang kaluluwang pa gala-gala.”
“Pero nakatingin naman ho kay Aling Ester ang lahat noong buksan ang ataul niya at ilipat siya sa ibang ataul,” sabi niya.
Tiningnan siya nito. “Nawalan ng ilaw, di ba? Maaaring may ibang nawala ang atensiyon sa bangkay. Huwag nating kalilimutan kung gaano katuso at katalino ang kampon ng kadiliman. Maaaring mayroong kababalaghang nangyari na hindi natin natatalos. Ayokong sabihin pero puwedeng nalukuban ng ibang kaluluwa ang bangkay ni Ester. Dapat ay ibayong pag-iingat ang gawin ng kung sinumang hindi tumingin sa kanya dahil maaaring siya ang bantayan o habulin ng kaluluwang hindi niya nakikilala…”
GABI nang nakauwi sina Mylene at Maricris mula sa isang birthday party. Nakasakay sila sa jeep na maghahatid sa kanila sa Barrio Libis kung saan sila kapwa nakatira. Pinakahuling baryo iyon. Pasado alas-onse na ng gabi at laking pasasalamat nila dahil nakahabol pa sila sa last trip. Pagsapit kasi ng alas-nuwebe ng gabi ay wala nang namamasada sa kanilang lugar.
Silang magkaibigan lamang ang sakay ng jeep. Mayamaya ay huminto iyon. Naamoy pa niya ang mga dama de noche na marahil ay nakatanim sa kung saan. Sumakay sa jeep ang dalawang bata isang babae at isang lalaki at magkatapat na umupo ang mga ito sa tabi ng estribo. Sumakay rin ang isang matandang lalaki na umupo naman sa tapat nilang magkaibigan.
Napatingin siya sa matanda. May kung anong emosyon sa mga mata nito na nagdudulot sa kanya ng kakaibang kilabot. At gaya ng dalawang bata ay waring estatwa ito habang tuwid na tuwid at naninigas sa pagkakaupo.
Pilit na iwinaksi niya ang iba’t ibang isipin. Bumaling siya sa labas ng bintana. Isang baryo na lamang at nasa Barrio Libis na sila nang biglang nagsalita ang matanda. Hindi niya alam kung inutusan nito ang driver na idaan sa gitnang kalsada ang sinasakyan nila.
Nagkatinginan silang magkaibigan. Hindi na lamang siya tumutol kahit gusto sana niyang sila ang unahing ihatid ng driver. Pagpasok kasi nila sa baryo ng Liko ito ang baryo bago ang Barrio Libis ay magsasanga sa tatlo ang mga kalsada roon na lahat ay tumutumbok sa susunod na baryo. “Balagtas” ang tawag sa kaliwang kalsada. “Tabing-ilog” naman ang kanang kalsada. At ang gitna ay tinatawag na “Gitnang Kalsada.”
Ngunit laking pagtataka niya nang waring paikut-ikot lamang sila at kay tagal bago sila makapasok sa Gitnang Kalsada gayong noong huling sumilip siya sa labas ng bintana ng jeep ay nasa bukana na sila niyon.
Sinagilahan siya ng matinding takot. Pilit na nilabanan niya iyon sa pamamagitan ng pagkukuwento kay Maricris namumutla na rin ito sa takot ng tungkol sa mga sinabi ni Aling Belen.
“Totoo nga kayang napalitan ng masamang kaluluwa ang kata—”
Naputol ang pagsasalita niya nang biglang humalakhak ang matanda. Nakakikilabot ang dating niyon. Biglang naglaho ito at nang muling lumitaw ay nasa tabi na ito ng batang babae.
Nagyakap sila ni Maricris. Kapwa naiiyak na sila sa takot. Napasiksik sila sa likod ng driver habang titig na titig sa kanila ang dalawang bata. Posible bang nagkatotoo at nagaganap na ang paniniwala ni Aling Belen? Pero hindi naman niya hiniwalayan ng tingin ang bangkay ni Aling Ester. Bigla ay naisip din niyang hindi nga pala niya nakita ang mukha nito at nang mawalan ng ilaw ay nabaling sa iba ang pansin niya.
Dahan-dahang nag-iba ang anyo ng mga bata. Nakapanghihilakbot ang transpormasyon ng mga ito. Nangitim ang mga ito at nawarak ang mga suot na damit. Napuno ng ma lalaking pasa ang mga mukha at buong katawan ng mga bata na waring sanhi ng matinding pananakit sa mga ito at nagkaguhit ang mga leeg na animo ginilitan ang mga iyon gamit ang matalim na patalim. Nakulapulan ng dugo ang buong katawan ng mga ito at parang gripong tumagas ang sariwang dugo mula sa mga bibig at dibdib ng mga ito.
“Tama na! Tigilan n’yo na kami!” paulit-ulit na pakiusap niya. Nanginginig na siya sa sobrang takot.
Hindi niya mapaniwalaan ang mga nasasaksihan. Kung isa mang masamang panaginip iyon ay nais na niyang magising. Sa labis na pagkagulat ay hinawakan siya nang mahigpit ng lalaki at pilit siyang hinahatak palabas ng jeep. Pero nanlaban siya habang pilit paring kinukumbinsi ang sarili na hindi totoo ang lahat.
Sadyang malakas ang malamig at naaagnas nang kamay na nakahawak sa kanya pero nagawa niyang kumawala roon. Paulit-ulit na tinatawag niya si Maricris pero waring hindi siya naririnig nito. Tulala ito at hindi na kumikilos sa kinauupuan. At nang mapatingin siya sa sahig ng jeep ay nakita niyang umaagos doon ang likidong nagmumula sa gitna ng mga hita nito. Dahil sa matinding takot ay naihi ito.
Gulung-gulo siya. Ngalingaling bumigay ang kanyang katinuan. Napahagulhol siya habang palinga-linga. Pabalik-balik pa rin ang jeep sa pinanggalingan nila kahit biglang naglaho ang tsuper na kanina ay nagmamaneho niyon. Wala siyang alam sa pagmamaneho pero pinakialaman niya ang manibela.
Sa minsang paglingon niya ay laking pagtataka pa niya nang hindi na niya makita ang mga multong umaatake sa kanya. Nang tumingin uli siya sa unahan ay naiharang niya sa kanyang mukha ang mga braso niya. Nasilaw siya sa liwanag na nagmumula sa malaking spotlight na tumatama sa jeep na sinasakyan niya. At kapagdaka ay unti-unting luminaw sa kanyang paningin ang lumang simbahan na may malaking krusipiho sa unahan at matatagpuan sa bungad ng kalyeng kasunod ng Gitnang Kalsada.
Nakahinga siya nang maluwag. Kung anuman ang kahulugan ng mga kababalaghang nangyari sa kanya ay saka na lang niya iisipin. Ang mahalaga sa kanya ay nakalagpas na sila sa kalsadang iyon.
Wakas
Dugo Ng Mangkukulam
July 2nd, 2010
Hindi siya makahuma sa matinding pagkatakot, lalo na nang magsimulang maglabas-masok sa bibig nito ang mahaba at napakatulis na dila nito.
HALOS kalahating oras na yata sa embalming table ang bangkay ng isang matandang babae pero hindi pa rin ginagalaw ni Nestor. Nakatingin lang siya rito habang may hindi maipaliwanag na kabang nararamdaman. Pitumpung taong gulang na ito at atake sa puso ang ikinamatay. Kaninang umaga pa ito namatay pero nang mahawakan niya ito mga ilang minuto pa lang ang nakararaan ay mainit at malambot pa ito.
Kasama niya sa embalming chamber ang kapwa niya embalsamador na si Tony nang dalhin doon ang bangkay ng matanda upang ayusin. Maraming kuwento si Tony tungkol dito.
Ayon kay Tony, mangkukulam daw ang matandang babae. Mismong isa raw sa mga naging biktima nito isang kuwarenta anyos na babae na ang asawa ay namatay sa mahiwagang sakit ang nagpunta sa punerarya kanina upang alamin kung talagang patay na ang matanda. Galit na galit daw sa matanda ang naturang babae pati na ang mga kasama nitong kamag-anak. Kung ang mga ito raw ang masusunod, susunugin na lang ng mga ito ang bangkay ng matandang babae upang matiyak na hindi na uli ito mabubuhay at makakapaghasik ng lagim. Naawat lang daw sa panggagalaiti ang mga ito nang dumating ang ilang kamag-anak ng patay.
Hindi raw mangkukulam ang matandang babae, ayon sa mga kamag-anak nito. Kung totoo raw na mangkukulam ito, bakit hanggang ngayon ay buhay pa raw ang mga kaalitan nito? Kung may kapangyarihan daw talagang pumatay ang matanda nang hindi ito nag-iiwan ng ebidensiya, hindi ba dapat ay patay na ang lahat ng kagalit nito at lahat ng may atraso rito?
Na lohikal lang naman para sa kanya. Kung totoong may mga mangkukulam nga na kayang pumatay nang walang iniiwang ebidensiya, hindi ba dapat ay kabi-kabila na ang mga taong bigla na lang nabubuwal at namamatay o bigla na lang dinadapuan ng mga nakamamatay na karamdamang kahit ang pinakamagaling na doktor sa buong mundo ay hindi kayang tukuyin at gamutin?
“Hindi gano’n “yon,” naiiling at nangingiting wika ni Tony sa kanya kaninang kausap niya ito. “Totoo ang mangkukulam, pare. Pero hindi nila kayang mambiktima o pumatay maya’t maya. Sa mga pelikula at komiks lang nangyayari yong may mangkukulam na araw-araw ay may pinapatay o pinahihirapan.”
Ayon pa rin kay Tony, sa totoong buhay, ang mga mangkukulam daw, pagkatapos ng isang seremonya ng pangkukulam ay nasasaid ang lakas at kapangyarihan. Isang taon daw ang kailangang palipasin bago nito mabawi ang lakas at kapangyarihan nito. Saka lang daw uli nito kayang magsagawa ng ritwal ng pangkukulam o pambabarang. Kapag tinangka raw ng isang mangkukulam na pumatay ng dalawang katao o higit pa sa isang taon ay ikamamatay raw nito iyon.
Hindi nakapagtataka na interesado si Tony sa bangkay ng matandang babae, na may mga alam ito tungkol sa kulam. Galing ito sa isang lalawigan kung saan napapabalitang naglipana ang mga mangkukulam. May ilan na nga rin daw itong kamag-anak sa probinsiya nanabiktima ng mga mangkukulam. Pinalad lang na hindi mangamatay. Hindi naman daw lahat ng mangkukulam ay kayang pumatay. Ang iba raw ay kaya lang magbigay ng sakit o karamdaman na tumatagal lang nang ilang araw.
“Pero “yan daw,” ani Tony na nakaturo kanina sa matandang babae na hubad na nakahiga ngayon sa harap niya. “Mabagsik daw na mangkukulam yan. “Pag gusto mo raw mamatay ang taong ipakukulam mo sa loob lang ng dalawa o tatlong araw, “yan daw ang puntahan mo.”
Sinimulan na niyang paliguan ang bangkay ng matandang babae. Marami na siyang nalinis na bangkay ng matatandang tao ngunit kakaiba ang katawan ng “mangkukulam” na ito. Kulubot na kulubot at tuyung-tuyo na ang halos buto’t balat na katawan nito. Parang dalawandaang taon na ang edad nito sa sobrang pagkakulubot ng katawan nito.
Dahil sa nakita ay muli niyang naalala ang ikinuwento ni Tony. Hindi rin daw gumagamit ng manyika ang mangkukulam na ito. Sariling dugo raw ang ginagamit nito sa pangkukulam. “Bibigyan ka niya ng ilang patak ng dugo niya at ihahalo mo “yon sa pagkain ng gusto mong kulamin. Sa sandaling inakain iyon, dadapuan na ito ng isang mahiwagang sakit. Iba-iba ang klase ng karamdamang ibinibigay ng mga mangkukulam sa kanilang mga biktima upang hindi raw agad matukoy ng mga tao kung sino ang bumiktima rito,” sabi pa nito kanina sa kanya.
Minsan daw, inuuod ang loob ng katawan ng isang biktima kahit buhay pa.
May dahilan din daw kaya gusto ng mga taong biktima ng pangkukulam na sunugin hanggang sa maging abo na talaga ang mga bangkay ng mangkukulam. May mga mangkukulam daw na kapag namatay ay hindi nawawalan ng kapangyarihan. May roon pa raw na lalong tumitindi ang kapangyarihan.
“Gaya ng mangkukulam na “yan,” sabi pa ni Tony sa kanya kanina na ang matandang babae pa rin ang tinutukoy. “May bagsik pa rin ang dugo niyan.”
Kaya dapat daw na maging maingat siya sa pagtatanggal ng dugo ng matandang babae sa katawan nito. Hindi raw nila alam, baka madikit lang daw sa balat niya ang dugo ng naturang mangkukulam ay may masama nang mangyari sa kanya.
Hindi pa rin siya naniniwala na mangkukulam ang matandang babae na nang mga sandaling iyon ay nililinis at pinepreserba niya ang katawan kahit kailan naman ay hindi siya naniwala na totoo ang kulam at kahit pa araw-araw siyang kuwentuhan ni Tony ng tungkol sa mga mangkukulam ay hindi pa rin siya maniniwala rito. pero naging maingat nga siya habang inaalisan ng dugo ang bangkay ng matandang babae. Iniiwasan niyang matuluan o matilamsikan siya ng kahit gapatak na dugo nito.
Nasaid na niya ang dugo sa katawan ng matanda nang may mapansin siya sa sahig.
May malaking patak ng dugo.
Napakamot siya sa ulo. Ang akala niya ay naging maingat na siya nang husto. Sinipat pa niya ang mga braso niya dahil baka sa kanya galing ang dugo, pero wala naman siyang sugat. Sumulyap siya sa matanda. Walang dudang ito ang nagmamay-ari ng dugong nasa sahig.
Naghahanap siya ng basahang puwedeng ipunas sa dugo kahit nakaguwantes siya ay ayaw pa rin niyang hawakan ang dugo nang may mapansin siya roon.
Gumagalaw-galaw at pumipintig-pintig iyon.
Napaatras siya sa matinding pagkagulat. Muntik pa niyang matabig at maitumba ang sisidlang pinaglagyan niya sa dugo ng matanda.
Pero agad ding huminto sa paggalaw ang dugo.
Sinipat uli niya iyon, sinigurong hindi na talaga gumagalaw. Hindi na nga. Pero hindi agad niya inalis ang kanyang tingin doon. Inabangan niya kung muling pipintig iyon. Pero hindi na uli nangyari iyon. Gumalaw ba talaga ang nasabing patak ng dugo? May kapangyarihan ba talaga ang dugo ng matandang babaeng ito? O namalikmata lang siya dahil ayaw niyang alisin sa kanyang isip ang mga kuwento ni Tony? Napaglaruan nga lang siguro siya ng kanyang mga mata.
Nang ibalik niya ang kanyang tingin sa matanda, lalo lang siyang nayanig dahil nakita niyang nakadilat ang dalawang mata nito. Kung naiba-iba siya, baka kumaripas na siya ng takbo palabas. Pero embalsamador siya. Marami na siyang karanasan pagdating sa mga bangkay. May mga bangkay talaga na nakapikit na dinadala sa kanya pero habang nililinis niya ay biglang dumidilat. Ang isa sa mga iniisip niyang dahilan niyon ay dahil baka natagtag ang katawan nito kasama na ang ulo nito habang tinatanggalan niya ng dugo o habang nililinis niya kaya napuwersang dumilat ang mga mata nito. May kalabuan ang senaryong iyon pero posible pa ring mangyari.
Isinara agad niya ang mga mata nito.
Nang ibalik niya ang kanyang tingin sa dugo, halos mapatalon siya sa pagkagulantang.
Dahil nakita niyang pumipintig-pintig na naman iyon.
Huminto uli iyon nang matirigan niya. Pinag-lalaruan na naman ba siya ng mga mata niya o talagang nakita niyang gumagalaw ang patak ng dugo? Sinulyapan uli niya ang matanda. Imahinasyon lang ba niya iyon o talagang may nakaguhit na matipid na ngiti sa mga labi nito nang mga sandaling iyon?
Naghagilap siya ng botelya. Maingat at bahagyang may nginig ang mga daliri na isinilid niya roon ang kimpal ng dugo na iyon. Kung totoong mangkukulam ang matandang ito, may mapaggagamitan siya ng dugo nito. May kinamumuhian siyang ilang tao na ikasisiya niya kung mamamatay at mabubura sa ibabaw ng lupa.
Ngunit kaya nga ba niyang pumatay?
Kahit minsan ay sobrang hirap ng buhay niya at ng pamilya niya, hindi pa niya naisip gumawa ng kasalanan. Kahit simpleng pandaraya lang sa kapwa. May sa demonya yata talaga ‘tong matandang ‘to. Pati ako dinedemonyo, iiling-iling na sabi niya sa isip. Itinago niya ang botelyang kinaroroonan ng dugo at ipinagpatuloy ang pagpeprepara sa bangkay.
Pag-uwi niya, pasimpleng ibinulsa niya ang botelyang may dugo.
Itinago niya iyon sa isang lugar sa bahay na sigurado siyang hindi makikita ng mga kasama niya roon. Patulog na siya ay nagdadalawang-isip pa siya kung gagamitin ang dugo o ididispatsa na lang.
Hanggang sa makatulog siya ay wala siyang nabuong desisyon.
NANG bandang madaling-araw, naramdaman na lang ni Nestor na may nakakubabaw na matandang babae sa kanya.
Ang matandang mangkukulam!
“Tutulungan kitang magdesisyon,” wika nito sa boses na tila galing sa isang napakalalim na hukay. Nakangisi ito. Halos nakadikit na sa mukha niya ang tadtad ng kulubot na mukha nito. Amoy-napakalansang dugo ang hininga nito. Wala ito ni anumang saplot sa katawan. Dahil noon lang niya ito nakitang ngumanga, noon lang niya napansin na matutulis palang lahat ang mga ngipin nito.
Buto’t balat na lang ang matanda pero napakabigat nito habang nakadagan sa kanya. Pinasisikip nito ang dibdib niya kaya halos hindi siya makahinga. Nais niyang tabigin ito paalis sa pagkakadagan sa kanya ngunit hindi niya maigalaw ang alinman sa mga braso niya.
“Gamitin mo ang dugo ko,’ payo nito. “Patayin mo lahat ng taong kinamumuhian mo. Patayin mo lahat ng taong nagpapahirap at nagpapalungkot sa buhay mo. Madali mong magagawa iyon. Walang makakaalam na ikaw ang salarin. Maniwala ka sa `kin. Napakasarap sa pakiramdam ang pumatay nang alam mong hindi ka mahuhuli, nang alam mong hindi mo pagbabayaran ang kasalanang iyon.”
Hindi siya makahuma sa matinding pagkatakot, lalo na nang magsimulang maglabas-masok sa bibig nito ang mahaba at napakatulis na dila nito. Kung magagawa man niyang maibuka ang bibig niya nang mga sandaling iyon, ang humiyaw at humingi ng saklolo ang gagawin niya.
“Kailangan nga lang na palitan mo ang tulong na ipagkakaloob ko sa `yo,” patuloy nito. Kumikiskis ang dila nito sa leeg niya, dinidilaan ang tumatagaktak na pawis niya roon. “Dugo ang kinuha mo sa “kin, kaya dugo rin ang ipapalit mo sa “kin. Ang dugo mo.” Kasunod niyon ay naramdaman niya ang pagtusok at pagbaon ng dila nito sa leeg niya.
Pagkatapos ay sinimulan nitong higupin ang dugo niya.
NAGSISISIGAW na nagising si Nestor.
Lukob ng matinding takot ang buong pagkatao na bumalikwas siya ng bangon mula sa kanyang higaan. Nag-iisa lang siya sa kuwarto. Binuksan niya ang ilaw. Sinalat niya ang leeg niya, walang sugat doon. Sinapo niya ng palad ang kanyang mukha. Lintik na matanda ‘yon, sinamahan ako hanggang sa panaginip, nangingilabot pa ring sabi niya sa sarili.
Para sa kanya, kinumpirma ng panaginip niyang iyon na alagad nga ng diyablo ang naturang matanda. Pinunasan niya ang tumatagaktak na pawis sa katawan niya bago tinungo ang kinaroroonan ng botelyang pinagsidlan niya sa kimpal ng dugong galing sa matanda.
Gumawa siya ng malalim na hukay sa likod-bahay nila at ibinaon doon ang botelyang may dugo. Titiyakin niya na walang makakagalaw roon. Pababasbasan at padadasalan niya iyon mamaya sa pari. Hihilingin niya sa may-ari ng punerarya na ganoon din ang gawin sa dugong kinuha niya mula sa matanda.
Wakas
Killer Bridge
August 16th, 2009
Sa kahabaan ng expressway patungong norte ay nagkalat ang patrol car na ang trabaho ay upang pangalagaan ang mga motoristang dumadaan sa nasabing lansangan sa bahaging iyon.
Continuous monitoring ang ginagawa ng mga patrol officers upang ipaalam sa isa’t isa ang kalagayan ng trapiko. Isa sa mga traffic officer na ito si June. Sa patrol car, sparring partner niya si Oliver.
Isang hapon ay natimbrehan sina June at Oliver na may aberya sa isang tulay na sakop ng kanilang sona. Agad silang sumakay ng patrol car at nagresponde.
Naabutan nila sa punong tulay ang isang kotse. Dalawang lalaki ang nasa labas at sinisipat ang ilalim na bahagi ng sasakyan. Ilang hakbang mula sa nakatigil na kotse nila inihinto ang patrol car. Pagbaba nina June at Oliver ay agad nila itong kinausap.
“Ano’ng problema rito?” si June.
“Boss, sumabog ang gulong, e.”
“Hindi n’yo ba tsinek bago n’yo ginamit?”
“Iyon nga ang ipinagtataka ko, e. Kagagaling lang nito sa talyer. Ang sumabog na gulong iyong bagong palit pa. Bago iyong gulong na nadale. Mukhang may nagulungang matulis na bagay kaya nabutas.”
“Pare, kailangan ng back up. Mayamaya lang mag ko-cause ito ng traffic kapag hindi pa ito naalis dito. Bago pa magkaroon na naman ng aksidente rito.”
“Boss, saan ba ang pinakamalapit na talyer dito?”
Nagbalik si Oliver sa patrol car upang humingi ng back up. Alin sa dalawa, hihila sa kotse o kokontak sa pinakamalapit na talyer upang siyang gumawa sa sumabog na gulong.
Mukhang may kaya ang may-ari ng kotse. Kaya marahil mas gugustuhin nito ang umupa ng gagawa sa sasakyan kaysa ito mismo ang magpalit ng gulong na sumabog.
Sa loob ng patrol car, napakunot-noo si Oliver nang matuklasang hindi gumagana ang gadget na ginagamit nila upang kumontak sa headquarter. Sinubukang ayusin ni Oliver ang gadget ngunit bigo itong mapagana iyon. Saka lang nalaman nito ang dahilan nang sipatin ang koneksyon.
“Pag mamalasin ka nga naman, oo.”
Muling bumaba ng patrol car si Oliver. Lumapit sa noo’y nag-uusap na si June at ang lalaking may ari ng kotse.
“Pare, hindi ako nakakontak. Na-disconnect tayo.”
“Paano nangyari ‘yon?” kunut-noong tanong ni June. “Kanina lang nakatanggap tayo ng mensahe, ‘di ba?”
“Ewan ko. Disconnected, e.”
Iniwan ni June ang kausap at tinungo ang patrol car. Kasunod nito si Oliver.
Samantala, nang mga sandaling iyon ay iritado ang isa pang highway patrol officer. Dahil ilang minuto na nitong sinusubukang kontakin sina June at Oliver.
Naitimbre sa quarter na mayroong isang cargo truck a few kilometers away sa tulay na mukhang nawalan ng preno. Ito ang kasalukuyang sinusundan ng dalawang patrol car.
Tinimbrehan ang iba pang patrol car upang bigyang babala. Maliban kina June at Oliver na hindi nga makontak-kontak.
“Pambihira! Naglakwatsa ‘ata ang dalawang ‘yon. Ayaw sagutin.”
Ang totoo, may connecting tone na naririnig mula sa Head Quarters. Ngunit sa mismong patrol car nina June at Oliver ay disconnected ang gadget.
“Paano naman na-disconnect…”
Hindi na natapos pa ni June ang sinasabi. Napalingon sa likurang direksyon dahil sa narinig na kakaibang tunog. At ang sumunod pa doon ay ang pag-ilanlang ng nakangingilong tunog. Tunog na nilikha ng nagsalpukang bakal.
Nakapangingilabot na eksena ang natambad sa ilang saksing motorista na nagawang maihinto ang minamanehong sasakyan.
Ang rumaragasang cargo truck ay sumalpok sa patrol car na kinalululanan nina June at Oliver. Sumalpok din ang patrol car sa nakahintong kotse na pumutok ang gulong.
Nagmistulang accordion ang tatlong behikulo na pasadsad na bumalandra sa isang bahagi ng tulay. Halos mayanig ang buong tulay sapagkat nabasag ang isang konkretong bahagi nito sa lakas ng impact.
Saglit na katahimikan ang naghari. Saglit din lang at unti-unting dumami ang taong ibig mag-usyoso. Ilang patrol car na kasunod ng cargo truck ang mabilis huminto. Ang mga patrol officers ay mabilis na nagresponde.
Sa aksidenteng iyon, malubhang nasugatan ang dalawang lalaking sakay ng nasirang kotse. Tumilapon ito matapos masalpok ang kotse. Tinangkang tumakbo ng dalawa ngunit hindi pa nakalalayo’y nahagip din ng sasakyan.
Patay ang driver ng cargo truck. Ang isang kasama nito ay malubhang nasugatan. Si Oliver ay nasa fifty-fifty condition sa hospital at si June ay sinamang-palad na masawi sa mismong lugar na pinangyarihan ng aksidente, sa loob mismo ng patrol car na kinalululanan.
Minsan pang kumalat sa lugar ang iba’t ibang komento.
“Talagang killer ang tulay na ‘yon. Pang ilang aksidente na nga ba iyon sa taong ito? Hindi na mabilang. Talagang hindi titigil ang tulay hanggang walang nagbubuwis ng buhay kada taon.”
“Pinamamahayan na nga daw’ ata ni Kamatayan ang tulay na ‘yon. Sa dami na nang nagbuwis ng buhay sa aksidente ro’n.”
“Kung may daan nga lang na iba.. .totoong nakakatakot nang dumaan pa sa tulay na ‘yon.”
Makaraan ang ilang araw, lumabas ang investigative report sa naganap na sakuna Natuklasan na hindi disconnected ang patrol gadget para sa communication ng patrol car na gamit nina June at Oliver.
Siniyasat maging ang loob ng wrecked patrol car matapos sabihin ng naka-duty sa Head Quarter na hindi sinasagot ng dalawa ang tawag. Nang makausap matapos makaligtas sa panganib si Oliver, pinatotohanan nito na wala silang natatanggap na tawag dahil disconnected ang gadget Bagay na pinatunayan din mismo ng dalawang lalaking may ari ng nasirang kotse.
Sa mga nakakaalam ng katotohanang ito, ipinagkibit-balikat na lang ang kataka-takang sitwasyon. Ngunit may ilang nagsabi na sinadya iyon ng masamang ispiritu o ng diablo upang may magbuwis na naman ng buhay sa killer bridge.
Ang Wakas…
Mga Tiyanak Sa Balon
June 25th, 2010
Ang kuwento ng kababalaghang ito ay isinalaysay sa akin ng isang kaibigan na siyang personal na nakakakilala kay Rhodora, ang bida sa kuwentong ito…
NAMASUKAN ako bilang katulong kay Doktora Precy, isang matandang doktora na naninirahan sa isang barangay na sakop ng San Rafael. Bagaman luma na, malaki ang bahay para sa tatatlong tao na naninirahan doon. Stay in ako sa kanilang bahay at ako ang nakatokang magluto ng pagkain, maglaba ng damit, at maglinis ng bahay. Ang isang kasama namin sa bahay ay si Hilda, ang pamangking matandang dalaga ni Doktora Precy.
Noong una, ang alam ko ay retirado na sa pagpa-practice ng kanyang propesyon si Doktora Precy bilang isang obstetrician-gynecologist dahil seventy-five years old na siya. Hindi pa pala. May mga pasyente akong nakikita na naghahanap sa kanya na ini-entertain namin sa isang silid na nakikita kong palaging nakakandado. Nagsisilbing assistant niya rito si Hilda.
Isang araw, nagpaalam si Hilda kay Doktora Precy na uuwi muna siya sa Bacolod at dadalaw sa mga kaanak niya roon. Pinayagan naman siya ni Doktora subalit pagkalipas ng dalawang linggo ay hindi pa siya nagbabalik. Kaya ako ang pansamantalang inatasan ni Doktora na tumanggap ng mga pasyenteng nagpupunta sa kanya. Dahil doon, nagawa kong marinig ang mga pinag-uusapan ng mga ito, tulad ng lalaki at babaeng naging bisita niya isang umaga.
“Itutuloy pa ba natin ang balak mo? Natatakot ako, Dennis,” dinig kong sabi ng babae sa kasama niyang lalaki.
“Hindi pa ako handa. Patitigilin ako sa pag-aaral ng mga parents ko kapag nalaman nila ang tungkol diyan.”
May kasamang dalagita ang dalawa. Madalas ko siyang nakikita na nagpupunta roon na may kasamang mga pasyente na sa wari ko ay siya ring guide at nagtururo sa bahay ni Doktora. Nang lumabas si Doktora ay pinaalis na ako. Agad naman akong tumalima para magtungo kunwari sa kusina pero ang totoo, nagkubli lang ako sa gilid ng pinto at nakinig sa kanilang pag-uusap.
“Magkano ho ba?” dinig kong tanong ng lalaki kay Doktora.
“Kung tatlong buwan na, bale nuwebe mil.”
“Ang mahal ho pala.”
“Tatlong libo kasi ang singil ko kada buwan ng ipinagbubuntis ng babae. Nagbibigay pa ako ng porsiyento sa ahente.”
Nasilip ko na nagbayad ang lalaki kay Doktora bago pinapasok ang dalawa sa silid. Pagkalipas ng mahaba-haba ring oras, lumabas ang babae na kasama ang lalaki. Kasunod ng mga ito si Doktora. Parang wala namang nangyari sa babae.
Noong naroon pa si Hilda, siya ang nakikita kong naglilinis at nagbibitbit ng mga basura na gating sa loob ng silid na pinapasok ng mga pasyente. Itinatapon niya iyon sa isang lumang balon sa likod ng bahay. Kapag nagagawi ako roon, ni hindi ko malapitan ang balon dahil pinaninindigan ako ng balahibo kahit hindi naman ako nag-iisip ng maaari kong katakutan sa lugar na iyon. Kakatwa at iba ang pakiramdam ko sa paligid niyon na may mga nakatanim na malalaking puno. Pakiramdam ko ay hindi ako nag-iisa kapag gumagawi ako roon. Tila may mga matang nagmamasid sa akin at pinanonood ako. Maski nga galaw ng mga dahon sa sanga ng mga puno ay nakakatakot dahil gumagawa iyon ng pag-ingit kapag nahihipan ng hangin. Nakakarinig din ako ng parang sutsot sa akin kapag ako ay paalis na gayong wala namang tao sa paligid.
Nang gabing iyon, bigla akong nagising sa aking naulinigang ingay na tila tinatangay ng hangin mula sa bintana. Mga matitinis at maliliit na tinig ang mga iyon na naghahagikgikan. Parang mga bata iyon na naglalaro at nagkakatuwaan.
Bumangon ako at dumungaw sa labas ng bintana. Pinakinggan kong mabuti kung saan nagmumula ang mga tinig. Inisip kong baka may mga batang nakapasok sa aming bakuran at naglalaro. Pero ako na rin ang kumontra sa aking naisip dahil imposibleng mangyari iyon. Sinong bata ang maglalaro sa ganoong oras ng hatinggabi? Baka naman may nagaganap na children’s party sa isang kapitbahay namin sa di-kalayuan. Pero imposible ring mangyari iyon. Hindi ordinaryo na nagkakaroon ng children’s party sa hatinggabi.
Kalahating oras ko ring narinig ang mga hagikgikang iyon bago unti-unting naglaho iyon sa aking pandinig. Nakatulog naman na ako pagkatapos niyon. Kinabukasan, tinanong ko si Doktora Precy tungkol sa aking narinig nang nagdaang gabi.
“Wala akong naulinigan,” sabi niya. “Sa katunayan, masarap nga ang tulog ko kagabi.”
Kinalimutan ko na ang mga tinig na iyon na narinig ko. Pero pagkalipas ng ilang araw ay narinig ko na naman iyon. Ngayon ay mas malakas at malinaw sa aking pandinig, tila nasa loob lamang ng bahay.
Lumabas ako ng servants’ quarter at sumilip ako sa sala. Wala akong nakitang anuman doon. Hinanap ko kung saan iyon nagmumula. Dinala ako ng mga paa ko sa nakasarang silid na pinakatanggapan ng pasyente ni Doktora. Idinikit ko ang aking tainga sa pinto. Hindi ako nagkakamali, sa loob galing ang matitinis na hagikgikang naririnig ko.
Biglang lumukob ang kilabot sa aking buong katawan. Napatakbo ako pabalik sa loob ng aking silid at nagkulong doon. Nagtalukbong din ako ng kumot sa labis na pagkatakot ko.
Mayamaya, nagulat ako nang marinig ko ang boses ni Doktora Precy. “Huwag! Layuan ninyo ako!” sigaw niya. Kasabay niyon ay naulinigan ko ang mga yabag ng paa sa labas.
Biglang nawala ang takot ko. Binuksan ko ang pinto ng aking silid para alamin kung ano ang nangyayari sa amo ko. Nakita ko siyang papalabas ng pinto ng bahay.
“Doktora!” tawag ko pero tila hindi niya iyon narinig.
Sinundan ko siya sa labas. Nakita kong sa gawing likod ng bahay siya papunta. Parang wala sa sariling naglalakad siya. Nakapaa lang siya at parang bulag na kakapa-kapa sa madilim na kapaligiran. Muli kong tinawag si Doktora pero hindi niya ako pinapansin. Mistulang bingi siya.
Bumalik ako sa bahay para kumuha ng flashlight. Dinampot ko rin ang tsinelas ni Doktora para ibigay iyon sa kanya. Sumagi sa aking isip na baka may ugali na naglalakad sa kanyang pagtulog si Doktora. May mga taong ganoon kapag nananaginip.
Tumatakbo ako papunta sa kanya nang masulyapan ko siyang palapit sa lumang balon. Pero bago ako nakalapit sa amo ko, may natisod ako sa damuhan na ikinadapa ko. Inapuhap ko ang flashlight na nabitiwan ko pero sa pagkapa ko, isang maliit at matigas na bagay ang nakapa ko. Pabilog ang hugis niyon. Nang matanglawan ko iyon ng liwanag ng flashlight, nanghilakbot ako.
Bungo ng isang sanggol ang nakita ko!
Nagmamadaling bumangon ako. Naaninaw kong nasa tabi na ng bunganga ng balon si Doktora. Nakarinig na rin ako ng matitinis na hagikgikan ng mga bata. Nang itanglaw ko ang aking flashlight sa balon, napaatras ako dahil sa matinding takot. May mga tiyanak na nag-ahunan mula sa ilalim ng balon. Hindi lang isa, kundi marami sila. Patalun-talon, palukso-lukso ang mga ito. Nakita ko rin nang lundagin si Doktora Precy ng mga ito. May umukyabit sa kanyang leeg, sa kamay sa balikat at sa ulo.
Napasigaw ako nang malakas dahil sa pagkasindak pero walang lumabas na tinig sa aking bibig. Tumakbo ako palayo.
Hindi ko na alam kung ano ang nangyari kay Doktora Precy, pero nang makalabas ako ng bakuran ay may nakasalubong akong tatlong barangay tanod na nagpapatrolya sa di-kalayuan. Nakita rin nila ako kaya inusisa nila ako.
Sa paputol-putol na pagsasalita ay ikinuwento ko sa kanila ang aking nakita sa likod ng bahay ni Doktora Precy. Nagkatinginan ang tatlong tanod. Pero dahil nakita nilang nanginginig pa ako sa takot, sinamahan nila ako pabalik sa bahay.
Inabutan namin na nakahandusay sa tabi ng balon si Doktora Precy, pero wala na ang mga tiyanak na ikinuwento ko sa kanila na nakita kong sumalakay sa doktora.
Dinala namin sa ospital ang doktora pero dead on arrival na siya. Ayon sa mga sumuring doktor sa kanya, atake sa puso ang sanhi ng pagkamatay ng amo ko .Ang ibinigay kong statement sa pulisya ang naging sanhi para magsagawa sila ng imbestigasyon sa balon. Kakaiba kasi ang masangsang na amoy na nagmumula roon.
Sa ilalim ng balon natuklasan at nakuha ang napakaraming buto ng fetus. Iyon din ang matibay na ebidensiyang gumagawa ng labag sa batas si Doktora Precy ang abortion. Pero patay na si Doktora Precy. Marahil, ang mga biktima nitong fetus ang nakita kong mga tiyanak na sumalakay sa kanya. Sa kanila rin marahil nagmumula ang tinig na nauulinigan ko noong naunang gabi.
Sa ngayon, naaalala ko pa rin ang naganap na pangyayaring iyon sa akin. Nalaman ko rin na nagmistulang haunted house na ang bahay ni Doktora Precy mula nang mawalan na ng nakatira doon. May mga residente ring napaparaan doon sa gabi na nagsasabing nakakarinig sila ng maliliit na tinig na naglalaro sa loob ng bakuran kaya kinatatakutan na nilang dumaan sa bahay.
Ang Wakas
Mga batang kalye
June 10th, 2010
Pulos puti ang nakita niya sa mga mata nito nang tanggalin nito ang dalawang kamay sa mukha nito at humarap sa kanya.
SUNUD-SUNOD na bumusina si Leonard. Apat na bata marahil ay sampu hanggang labing-apat na taong gulang ang mga edad ang naglalaro sa kalye at halinhinang tumatakbo patawid ng kalsada. Tatlo ang lalaki sa mga ito at nag-iisa lang ang babae na tila pinakamatanda sa grupo. Puwede siyang lumusot pero natakot siya na baka may mabundol siya sa mga bata.
Sa wakas ay gumilid sa kalsada ang apat na bata pero iyon ay pagkatapos siyang pukulin ng matatalim na tingin ng mga ito. Gusto niyang kastiguhin ang mga magulang ng mga batang ito na hinahayaang maglaro sa kalye kahit ala-una na ng madaling-araw? Ang tanong lang ay kung may mga magulang pa ang mga musmos na iyon. Sa tantiya niya ay sa kalye na nakatira ang mga iyon.
Mabagal pa rin ang takbo niya kahit nag-iisa na lang yata siya sa kalyeng iyon. Kung hindi siguro nangyari ang trahedya noon, baka pinalipad na niya ang sasakyan niya.
Tatlong taon na ang nakararaan nang may aksidente siyang masagasaan. Lalaki ito, treinta anyos. Dahil agad na pinanaigan siya ng takot na makulong, ang unang naisip niya ay ang takbuhan ang biktima niya. Sa tingin niya, dahil madaling-araw na at malakas pa ang ulan nang mga oras na iyon, walang nakakita sa nangyari.
Pero inusig siya ng konsiyensiya niya bago pa siya ganap na nakalayo. Bumuwelta siya pabalik sa nakahandusay na lalaki. Isinugod niya ito sa ospital pero binawian din ito ng buhay habang inooperahan. Laking pasasalamat niya nang ipasya ng pamilya nito na huwag nang magdemanda at ipasagot na lang sa kanya ang mga naging gastusin ng mga ito sa ospital. Tutal naman daw ay aksidente lang ang nangyari at hindi naman niya pinabayaan ang biktima. Mahirap lang ang pamilya ng biktima kaya hindi lang panggastos sa ospital ang salaping ibinigay niya sa pamilya nito.
Pagkatapos ng malungkot na insidenteng iyon, halos dalawang taon siyang hindi humawak ng manibela. Na-trauma siya, natakot na kapag nagpatakbo uli siya ng sasakyan ay makakaaksidente uli siya at makakapatay. Ngayon na lang uli siya nakapagmaneho pero sobrang ingat naman siya. Madalas tuloy ay nabubusinahan na siya ng mga kasunod na sasakyan niya dahil minsan ay sumosobra ang bagal niya.
Mayamaya ay napakislot siya nang may marinig siyang pagsabog. Ang gulong pala niya ang sumambulat.
Inabot yata siya nang isang oras sa pagpapalit ng gulong. Pag-andar uli niya, nakarinig siya ng ingay sa bubungan ng kotse niya. Parang may tao o hayop doon na tumatalun-talon.
Inihinto niya sa isang tabi ang kotse niya. Pero nang lumabas siya ng sasakyan, wala naman siyang nakitang tao, hayop o anumang bagay sa bubungan niya. Kung anuman iyong narinig niya, baka nalaglag na iyon bago pa man siya nakahinto. At hindi naman siguro tao iyon.
Para makatiyak, tumingin siya sa direksiyong pinanggalingan niya, pero wala siyang nakitang taong nakahandusay roon.
Pumuwesto na uli siya sa harap ng manibela pero bago uli niya napaandar ang sasakyan ay napapitlag siya nang may makita siya sa backseat. Isang batang lalaki, marahil ay dose anyos ang edad.
“Pagbutihin mo ang pagmamaneho mo, ha?” sigaw nito sa kanya bago ito humalakhak nang pagkalakas-lakas. Sinipa nito pabukas ang pinto ng kotse niya at tumakbo palayo.
Hindi na niya tinangkang habulin ito ngunit lumabas siya ng sasakyan at sinundan na lang niya ito ng tingin. At sa pagkagulantang niya, unti-unting naglaho ang bata habang kumakaripas ito ng takbo. Biglang nanindig ang mga balahibo niya. Sigurado siyang hindi siya namalikmata lang. Talagang unti-unting naglaho ang bata sa paningin niya.
“Hoy!” Narinig niyang may sumigaw sa kanya mula sa likuran. “Sino yang tinitingnan mo?”
Paglingon niya ay isa pang batang lalaki, na marahil ay dose anyos din ang edad, ang nakita niyang nakatayo sa bubungan ng kotse niya.
“Ano’ng ginagawa mo riyan? Baka mahulog ka riyan,” aniya. Tinangka niyang abutin ito pero tumalon ito. At sa pagkagitla niya, hindi agad ito lumapag sa lupa. Lumutang ito nang ilang segundo sa hangin bago marahang tumuntong sa lupa. Kumaripas din ito ng takbo.
Habang tumatakbo ito palayo sa kanya ay biglang lumitaw sa tabi nito ang batang nakita niya kanina sa likurang upuan ng sasakyan niya. Sabay na tumakbo ang mga ito. Malakas na nagtatawanan ang mga ito habang sumisibad ng takbo palayo.
Hindi siya nakainom at lalong hindi siya nakadroga nang mga sandaling iyon kaya walang dahilan upang lumikot nang husto ang kanyang imahinasyon. Kung anuman ang nakita niya, nangyari talaga iyon. Ngunit paanong ang isang bata ay bigla na lang mawawala at bigla na lang uli lilitaw?
Nagmamadaling bumalik na siya sa loob ng sasakyan niya. Saka na niya hahanapan ng lohika ang mga nangyari. Ang mahalaga sa ngayon ay ligtas siyang makauwi.
Binilisan na niya nang kaunti ang pagpapatakbo. Sa isang pagliko niya, isang rumaragasang ten-wheeler truck ang nasalubong niya. Huli na para umiwas siya. Ang pumikit na lang ang nagawa niya. Pero sa pagkagulat niya, walang siyang narinig na banggaan.
Pagdilat niya, walang ten-wheeler truck sa harap niya. Naiwasan ba siya niyon sa huling sandali? Lumingon siya, pero wala siyang natanaw na papalayong ten-wheeler truck.
Nanlalatang napasandal siya sa kinauupuan niya. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Kasunod niyon ay naalala niya na ang dalawang batang nagpakita sa kanya ilang minuto pa lang ang nakararaan ay kasama sa grupo ng apat na mga batang naglalaro sa gitna ng kalye. Iyong mga batang tumabi pagkatapos niyang businahan nang sunud-sunod pero pinukol naman siya ng galit na tingin.
Paano nangyaring nasundan siya ng mga ito? Marahil ay nakahabol ang mga ito nang huminto siya at magpalit ng gulong.
May kaunting paliwanag na siya sa mga bata pero iyong ten-wheeler truck na parang multong sumalubong sa kanya, ano iyon?
Bago siya nakaapuhap ng puwedeng sagot sa tanong niya ay may narinig siyang umiiyak. Sumulyap siya sa rearview mirror. Pumitlag ang puso niya nang makita niya roon ang batang babae na kasama rin sa grupo ng mga batang nadaanan niya kanina. Pinapahid nito ng daliri ang mga luha nito sa magkabilang mata.
“Sino ka?” tanong niya rito.
Paghagulhol lang uli ang isinagot nito. Sinapo pa nito ng dalawang kamay ang mukha nito.
“Bakit ka umiiyak?” tanong niya.
Nagulat siya nang makita niyang pulos puti ang mga mata nito nang tanggalin nito ang dalawang kamay sa mukha nito at humarap sa kanya.
“Pagbutihin mo ang pagmamaneho mo! Hindi yong kung anu-ano ang iniintindi mo gayong nasa harap ka ng manibela. Baka makasagasa ka. Kawawa ang mapapatay mo! Hindi sila matatahimik!” pagalit na wika nito sa kanya bago biglang napatili ito. “May bata!”
Napabalik ang tingin niya sa harap pero huli na. May nabangga na siya. Malakas ang naging pagkalabog nito.
“Oh, my God!” nanghihilakbot na sambit niya nang maramdaman niyang nagulungan niya kung sinuman iyon na nabundol niya.
Nanlalamig ang buong katawan na inihinto niya ang kotse niya at bumaba. Nanginginig ang mga tuhod niya. Pero wala naman siyang nakitang tao malapit sa sasakyan niya. Sumilip siya sa ilalim ng kotse, wala rin siyang nakitang tao roon. Pagbalik ng tingin niya sa loob ng sasakyan niya, wala na roon ang batang babae, sa halip ay sa gitna na ng kalsada niya nakita ito, patakbu-takbo, sumasayaw, at tumatawa.
“Hey!” sigaw niya sa batang babae. Baka may alam ito sa mga misteryong kasalukuyang nangyayari sa kanya.
Nasa gitna lang ba siya ng isang masamang panaginip?
Tumakbo palayo ang batang babae nang makita siyang papalapit dito. Hindi niya tinangkang habulin ito. Sinundan na lang niya ng tingin ito hanggang sa lamunin ito ng dilim.
Bumalik siya sa sasakyan ngunit bago niya napaandar iyon ay nakita niyang nakatayo ang isang batang lalaki sa harap ng sasakyan niya. Kasama rin ang batang ito sa grupo ng apat na “mahihiwagang” bata. Ito ang pinakabata sa grupo. May hawak itong malaking tipak ng bato.
“Sinabi na namin sa `yo, mag-ingat ka sa pagmamaneho mo!” sigaw nito sa kanya. “Nasagasaan mo tuloy ako!”
Bago pa siya nakakilos ay naipukol na nito sa kanya ang hawak nitong bato. Naglagos iyon sa windshield niya, at humampas at bumiyak sa noo niya.
Habang nagdidilim ang paningin niya ay nakita pa niya ang pagtayo ng bata sa gitna ng kalsada. Itinaas nito ang dalawang kamay nito habang nakatingin ito sa isang paparating na ten-wheeler truck. Naririnig pa niya ang malakas na pagtawa nito at ang paghamon nito sa paparating na truck na sagasaan ito.
ANG MAAMONG mukha ng nobya ni Leonard na si Mikee ang sumalubong sa paningin niya nang magising siya.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong nito.
Sinalat niya ang benda sa noo niya. Ipinaalala agad niyon ang mga nangyari sa kanya nang nagdaang gabi.
“Accident-prone daw talaga `yong kalye kung saan ka naaksidente kagabi, sabi ng pulis na nagdala sa `yo sa ospital.”
Nagtatakang napatingin siya rito. “Aksidente?” Hindi aksidente ang pagkakabiyak ng tipak ng bato sa noo niya. Sinadyang ipukol iyon sa kanya.
May bumahid kaagad na pag-aalala sa mukha nito. “Hindi mo maalala?”
Ang naaalala niya ay ang apat na batang binulabog ang sana ay isang tahimik at ordinaryong gabi niya.
“Nawalan ka raw ng kontrol sa kotse mo. Bumangga ka sa isang poste.”
Hindi iyon ang alam niyang nangyari sa kanya.
“Sabi pa ng pulis, baka raw napagmultuhan ka rin n’ong apat na bata,” dugtong pa nito.
“Multo ng apat na bata?”
Nagkuwento ito. Halos mag-iisang taon na raw ang nakararaan kung kailan apat na batang kalye tatlong lalaki at isang babae na nasa edad na sampu hanggang labing-apat na taong gulang ang nasagasaan at napatay ng isang ten-wheeler truck habang naglalaro ang mga ito sa kalsada. Nakainom daw ang driver ng truck na namatay rin nang gabing iyon dahil tuluyan na itong nawalan ng kontrol sa dambuhalang sasakyan nito. Nagmumulto raw ang apat na bata sa kalyeng iyon at may mga gabing nagpapakita sa mga motoristang napipiling “paghigantihan” ng mga ito.
“Paghigantihan” ang terminong ginagamit ng mga pulis dahil daw lahat ng motoristang napipiling pagpakitaan ng apat na bata ay aksidenteng nakasagasa na ng tao at nakapatay.
Katulad niya.
Ang Wakas
Bantay 2
March 21st, 2010
“SIGE na Mommy, pumayag ka na please.”
“Okay. Just don’t be too late. Alam mo naman na delikado ang panahon ngayon,” paalala iyon ng Mommy ni Judith over the cellphone.
“I will, Mommy. Thank you po. Bye!” saka ipinasok ni Judith ang cellphone sa kanyang handbag.
Nakaramdam ng lungkot si Judith nang matapos ang kanilang pag-uusap ng kanyang Mommy. Sinabi kasi niya rito na may research work pa siyang dapat tapusin sa school kaya siya gagabihin. Subalit hindi iyon ang tunay niyang dahilan. Ang pagsisinungaling na iyon ang kanyang ikinalulungkot. Hindi kasi niya ugali na magsinungaling sa kanyang Mommy. Hindi iyon itinuro sa kanilang magkakapatid ng kanilang mga magulang. Lalo na ng kanyang yumaong ama. Galit na galit ito sa mga taong sinungaling.
Nasa unang taon na ng kolehiyo si Judith. Hanggang 6:00 p.m. lang ang kanyang pasok sa araw na iyon at may usapan sila ng kanyang boyfriend na si Joseph na susunduin siya nito sa waiting shed ng kanilang school sa Mandaluyong. Third ‘monthsary’ kasi nila ngayon at napagkasunduan nilang mag-celebrate.
Lihim pa rin kasi hanggang ngayon ang pakikipag-boyfriend niyang iyon sa kaniyang pamilya. Maituturing kasing makaluma ang pag-iisip ng kanyang mga magulang sa usapin ng pakikipagrelasyon. Para sa kanyang mga magulang, hangga’t nasa poder sila ng mga ito ay kailangang sundin nila ang patakarang makapagtapos ng pag-aaral bago ang pakikipagrelasyon.
Ang dalawang nakatatandang kapatid ni Judith ay matiwasay na nakapagtapos ng pag-aaral nang hindi nagkaroon ng anumang problema sa bagay na iyon. At aminado siya, wala siyang nalaman sa anumang pagkakataon na ang kapatid niyang lalaki at babae ay nagkaroon ng karelasyon habang nag-aaral pa ang mga ito. Kaya naman ganoon din ang kanyang ipinangako sa sariling gagawin.
Dangan lamang at dumating sa buhay niya si Joseph. Doon na nasira ang pangako niya sa sarili at sa mga magulang. First love niya ang lalaking bumihag ng kanyang puso. At head over heels siya sa pagmamahal dito.
“I’m sorry.. .na-late ako,” paumanhin ni Joseph nang makaharap niya ito.
“Okay lang, saantayo?” tanong ni Judith.
“Mag-dinner muna tayo. Okay na ba sa ‘yo sa Chowking?”
“Oo naman. Alam ko namang ‘yun ang favorite mong kainan. Halika na…”
Dalawang chicken lauriat with side order ng special halu-halo ang pinagsaluhan nilang dalawa sa kanilang ‘monthsary’. Bakas sa mukha ni Judith ang kasiyahan dahil going strong ang kanilang relasyon ni Joseph.
Nang makatapos silang kumain ay may iniabot sa kanya si Joseph.
“Pasensya kana d’yan. Yan ‘yung gusto mo,” nakangiting sabi nito. “Happy third month anniversary.”
“Thank you…Pero ang daya mo naman, e. Ikaw lang ang may gift ako wala kasi hindi mo sinabi kung ano ang gusto mo. Samantalang ako nabili mo itong gift para sa akin.”
Namalayan na lang ni Judith na hinawakan ni Joseph ang kanyang palad. Malambing napinisil iyon. Nang magtama ang kanilang paningin ay hindi niya mawari kung bakit kinabahan siya sa kanyang nabasa sa mga mata ng kasintahan.
Pilit niyang iwinaksi ang isiping iyon sa isipan. Subalit hindi magsisinungaling ang mga mata ni Joseph. Nababasa niya kung ano ang saloobin ng binata.
“Alam mo naman kung ano ang gusto kong regalo mula sa iyo,” seryosong banggit ni Joseph. “Anniversary naman natin.. .baka pwedeng ngayon na.. Judith.”
Bumilis ang pintig ng puso ni Judith. Hindi agad siya nakatugon sa kahilingan ng binata. Ni sa hinagap, hindi niya naisip na muli ay kukulitin siya ng kasintahan hinggil sa pagpayag niyang ipagkaloob na rito ang kanyang pagkababae, ngayon pa namang anibersaryo nila.
You ‘re so naive, Judith!
Mahal na mahal ni Judith ang kasintahan. Batid niyang hindi niya kakayanin kung sakaling magkakahiwalay sila ni Joseph dahil sa hindi niya pagpayag sa kagustuhan nito. Sa maikling panahon na mag-on sila, pinatunayan rin ng lalaki kung gaano siya kamahal nito. Ipinakita nito ang kabaitan, pagmamalasakit at pagbubuhos ng panahon sa kanya. Mga mahahalagang sangkap sa isang relasyon na sa tingin niya ay sapat na upang patunayan rito ang kanya ring lubos na pagmamahal maging ang kapalit noon ay ang pinaka-iingatang pagkababae.
“Salamat.. Judith,” ani Joseph habang magkadaop ang kanilang mga palad sa loob ng taxi.
“Love kasi kita e,” malambing na tugon ni Judith.
Ilang saglit pa ay pumapasok na ang taxi sa isang motel sa Sta. Mesa. Iginiya sila ng isang roomboy sa ikalawang palapag ng gusali sa direksyon ng kuwarto kung saan nila pagsasaluhan ang luwalhating dulot ng pagniniig.
Naroon pa rin sa dibdib ni Judith ang kaba ngunit ayaw niyang magpahalata sa kasintahan. Desidido na siyang tuparin ang ginawang desisyon kani-kanina lamang para kay Joseph.
“Nakup!.. .may nakalimutan ako,” anas ni Joseph bago pa man sila makapasok sa kuwarto.
“Sandali lang at may kukunin ako sa baba. Pumasok ka na sa loob, ha,” habilin nito sa kanya.
Atubili si Judith na pumasok sa loob. Aniya ay hihintayin na lang niya ang kasintahang makabalik at sabay na si lang papasok sa kuwarto.
Ganito pala ang hilsura ng motel. Ano kayang kukunin ni…
“Huh?!” gulat niyang wika nang mapansing may isang pusa sa kanyang tabi.
Binugaw niya ang pusa upang umalis subalit nanatiling naroon lang ang hayop at animo’y talagang pinagmamasdan siya.
Ano ba ‘tong pusang ito at kinikilabutan ako kung makatingin. Parang alam nito kung bakit ako narito. Sipain ko kaya ito para umalis.
Subalit bago pa naisagawa ni Judith ang balak ay naramdaman na lang niyang nagtayuan ang kanyang balahibo sa buong katawan.
Diyos ko! P-pusa namin ito…Hindi ako maaaring magkamali!
Kasunod noo’y ibayong sindak dahil nang matitigan niya ang mga mata ng pusa ay ang larawan ng kanyang yumaong ama ang kanyang nakita!
Nagpapalahaw sa takot na bumaba ng hagdan si Judith. Takang-takang lumapit si Joseph sa kanya.
“luwi mo na ako, please! Iuwi mo na ako.. .Joseph.. .hu hu hu!”
HINDI natuloy ang balak na mangyari ni Joseph. Subalit hindi rin iyon naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Sa maayos na paliwanagan ay nakumbinsi ni Judith ang kasintahan na ibibigay lamang nito ang kahilingan ng binata kung sila ay kasal na. At mangyayari lamang iyon kapag sila’y nakapagtapos na ng pag-aaral.
Ang pusang nakita ni Judith nang gabing iyon ay ang pusa nga nilang alaga ng kanyang yumaong ama Nang gabing iyon pala ay namatay din ang pusa dahil sa katandaan.
Sinarili na lamang ni Judith ang mga nangyari ng gabing iyon. Batid niyang sa pagmamahal sa kanya ng ama ay hindi siya nito hinayaang magkasala. At kahit sa pamamagitan ng alaga nitong pusa ay nagawa nitong iparating sa kanya ang mensahe ng pagmamahal nito sa kanya.
Ang Wakas
Ulilang Puntod
October 22nd, 2010
Maliwanag ang buwan, at mula sa aking kinaroroonan ay nakita ko iyon… isang figure nasaumpisa ay parang isang hayop na nakaluhod…
Last year, napadayo kami sa isang malayong bayan sa Marinduque. Inanyayahan kasi kami ng isang balikbayan friend.
Bale apat kaming sumama noon, dalawang babae at dalawang lalaki…
Pagdating doon, natuklasan naming pulos palaban pala ang mga tao sa kanilang village. As in… palaban talaga. Sa inuman.
At ang nakatutuwa pa, pinagsama-sama sa isang harapan ang mga babae’t lalaki. Kanya-kanya ng basong tagayan.
Nang nagkaka-sayahan na, kanya-kanya ng bidahan sa kuwentuhan. Kami naman siyempre, tahimik lang. Mga bisita lang kasi kami.
Medyo natahimik ang harapan ng isang medyo may edad ng lalaki ang nagsimulang magbida.
Tinanong niya kami kung ano raw ba ang masasabi namin sa kanilang lugar. “Maganda, masaya,” sagot naman namin.
“Ipinagmamalaki talaga namin iyan!” sagot naman ng lalaki.
“Pero hindi lahat dito pulos saya!” muli niyang sabi at hamumungay ang mga matang tumingin sa amin. Medyo tumatalab na ang kanyang nainom.
“Bakit ho naman n’yo nasabi ‘yan?” tanong ko.
“Nakuu… dito sa baryo namin may mga nagaganap na malungkot. Malungkot talaga!” at umiling-iling pa ito.
“Hoy Enteng! Magbibida ka na naman.. .bukas na lang ‘yan, tumagay ka na muna!” hagalpakan naman ng tawa ang ilang kaharap na kababaryo ng lalaki.
Sandaling tumigil ang lalaki. Kinuha ang bote ng long neck at sandaling nagsalin ng tagay sa kanyang baso. Isang babae naman ang bumulong sa isa naming kasama. Katabi lang ako at narinig ko ang kanyang sinabi.
“Mahilig kasing magbida iyang si Enteng… napakaraming kuwento niyan!” sabi ng babae.
“Aba… mas mabuti ho iyon. Mas enjoy!” sagot naman ni Edna na kasama namin.
“Kaso nga…ang mga kuwento niyan…may totoo, may hindi.. .meron pang kuwentong lasing!” at narinig kong nagtawanan uli ang mga kababaryo nila.
Pero kahit nagtatawanan, natigil muli ang lahat ng muling magsalita si Enteng. Kakaiba ang kanyang karisma kapag nagsasalita. Parang mahihikayat kang makinig.
“Excuse me… nakapasyal na ba kayo sa buong baryo?” tanong nito, na ang tinutukoy ay kaming mga bisita.
“Kalahati pa lang ng baryo ang naiikot nila, naubos na ang oras kahapon!” si Mariz ang sumagot, ang kaibigan naming taga-roon.
“Hindi mo pa sila naipapasyal sa Dulong Burol, ano?”
“Hindi pa. Next time. Bago sila bumalik,” sagot ni Mariz. Muling bumaling sa amin si Enteng.
“Makinig kayo. May ikukuwento ako senyo. Ito iyong sinasabi kong malungkot.” Napansin kong parang nagkatinginan ang mga kaharap namin. Para ba’ng gusto nilang pigilin si Enteng sa pagkukuwento. Pero lahat kaming mga bisita, nakatingin at nakikinig lahat kay Enteng. Kaya siguro tumahimik na lang sila.
Ayon kay Enteng, sa lugar na tinatawag na Dulong Burol ay may isang ulilang puntod. Puntod ng isang walong taong gulang na batang babae. Luisa ang kanyang pangalan.
Mga maliliit na bata pa lamang daw silang lahat ng mangyari ang trahedya sa buhay ni Luisa at sa pamilya nito. Trahedyang hanggang ngayon ay nakikita pa… at nararamdaman pa, ng kanyang mga kababaryo.
Doon sa lugar na iyon dati nakatayo ang kubo ng mag-anak nina Luisa. Miguel ang pangalan ng ama niya at Lolita naman ang ina. May isang kapatid si Luisa, si Manuel, na siyang bunso. Madalas maglaro sa loob ng kagubatan ang magkapatid.
Dumating ang isang pangyayaring hindi inaasahan ng pamilya. Umuwi ang magkapatid isang hapon na matamlay si Luisa. Ayon daw sa batang babae ay masama ang kanyang pakiramdam at para siyang nanghihina. Nahiga raw ito sa papag at nakatulog, Mahimbing ang naging tulog ng bata at komo alam na masama ang pakiram nito, pinabayaan na lang nila ito sa mahimbing na pagtulog.
Pero ng ginigising na nila ito kinabukasan ay ayaw nitong magising. Kahit anong yugyog at tampal ang gawin ng mag-anak ay hindi magising ang bata. Wala pa raw kahit klinika noon sa kanilang lugar,at isang manggagamot lamang ang pinupun’tahan ng mga tao kapag nagkakasakit ang mga ito. Ito ang albularyong si mang Genaro. Ayon raw sa albularyo, nakatuwaan ng engkanto ang batang babae. Gustong isama ng mga ito ang bata sa kanilang kaharian.
Noon din ay gumawa ng seremonyas si mang Genaro. Pagkalipas ng ilang oras ay sinabi nitong may nagawa raw pala si Luisa na ikinagalit ng engkanto. Makapangyarihan daw ang engkanto. Maghintay raw sila kung magpapasya ang engkanto na patawarin si Luisa.
Sabihin pa ay gano’n na lang ang pagkabahala ng mga magulang ng bata. Tinanong nila ang bunsong kapatid nito kung saan nanggaling ang mga ito at kung ano ang ginawa ng kanyang ate pero wala namang masabi ang batang lalaki. Basta naglalaro lang daw sila sa gubat. Patuloy na gumawa ng seremonyas ang albularyo, pero lumipas ang tatlong araw at tatlong gabi ay hindi pa rin gumigising si Luisa.
Nang ika-apat na araw ay napansin nilang parang humihina na ang tibok ng puso ng bata. Parang kinakapos na rin ito sa paghinga. Umiiling-iling na si mang Genaro. Ayon dito, ayaw patawarin ng engkanto ang bata. Naghisterikal na ang ina nitong si aling Lolita.
“Sabihin mo sa kanya, ‘wag niyang kukunin ang anak ko! Maawa siyaa!” Umiiyak na sabi nito.
Sa puntong ito saglit na naputol ang kuwento ni Enteng dahil lumapit si Mariz. May ibinulong sa dalawang babaeng taga-roon na kaumpukan namin. Tumayo ang mga ito at magalang na sinabing tutulong lang muna sila sa pagluluto at dumating na ang karne ng pinatay na baboy. Medyo nahihiya naman sigurong maiwan sa umpukan at hindi tumulong ang dalawang lalaking taga-roon din, kaya sabay na tumayo rin ang mga ito. Nang ituloy ni Enteng ang kuwento ni Luisa, kami na lang na mga bisita ang kaharap ni Enteng.
Ikalimang araw ay hindi na raw humihinga si Luisa. Patay na ito. Halos mabaliw ang ina nito. Hindi pinatawad ng engkanto ang bata.
Noong mga panahong iyon, hindi talaga uso ang embalsamo. Wala kasing serbisyo ng punerarya sa kanilang lugar. Ang kabaong ay tulong-tulong na ginagawa sa gabi dahil kinabukasan din ay kailangang mailibing na ang namatay upang ‘di mangamoy.
At sa ika-anim na araw nga ay inilibing na rin si Luisa. Inilibing ang kanyang labi sa lumang sementeryo matapos basbasan ng pari na sinundo pa sa bayan.
Ganoon na lang ang pagdadalamhati ng naiwang pamilya ng bata. Dati-rati ay napakasaya ng mag-anak kahit hindi masagana ang buhay nila. Parehong mabait ang mag-asawa pati ang dalawang anak nila. At si Luisa ay isang masunuring anak. Malambing din ito sa mga magulang. Kaya hindi halos sila makapaniwala na meron itong nagawa na ikinagalit ng sinasabing engkanto.
Pero ika-walong araw ay nagulantang ang mag-anak ng biglang sumulpot uli si mang Genaro at sinabi nitong sigurado siyang buhay si Luisa! Nakausap raw nitong muli ang engkantong nagalit sa bata at sinabi raw nito na pinatawad na niya ang bata. Noong ika-anim na araw pa raw pinatawid na niya sa hangganan ang espiritu ng bata. Ibig sabihin, nakabalik na ang kaluluwa nito sa kanyang katawang-lupa!
Tumakbo raw ang mga magulang nito sa kanyang libingan. Dali-daling hinukay ang puntod na katatabon lamang. Pero huli na. Nanghilakbot sila dahil sa nakitang ayos ng bangkay Nakatirik ang mga mata, nakabuka ang bibig na parang kinapos ng paghinga. At sa dalawang palad nito ay maraming hibla ng sariling buhok. May mga salubsob din ang mga kuko nito sa mga daliri at may natuyong dugo ang mga ito, Tanda ng pagkalmot nito sa takip ng kabaong, na sadyang ‘di nito mabubuksan dahil nakapako.
Nang muling makabalik ang espiritu ng bata sa katawan nito at muling magkamalay ay huli na ng matuklasan nitong nasa loob siya ng ataul at nakalibing siya sa ilalim ng lupa. Sobrang agony siguro ang naranasan nito bago tuluyang namatay.
Sobra ang muling paghihinagpis ng pamilya nito. Hindi malaman kung sino ang sisisihin. Sinisisi raw ni aling Lolita ang asawa nito kung bakit nagdesisyong ipalibing agad ang bata. At ang albularyo naman ang sinisisi ni mang Miguel. Bakit daw sinabi nitong ayaw patawarin ng engkanto ang anak at patay na ito? May pag-asa pa naman palang mabuhay uli ito. Kung sana’y naghintay muna sila bago inilibing si Luisa!
At iyon na ang Simula ng tuluyang pagkawasak ng pamilya ni Luisa. Nuong mahukay muli si Luisa, doon na ito inilibing sa malapit sa kanilang kubo sa Dulong Burol. At noon din napansin ng mga tao sa baryo ang laging pagkatulala ni aling Lolita. Palagi ito sa puntod ng anak. Pati ang bunsong anak nitong si Manuel ay halos napabayaan na nito. Si mang Miguel naman ay laging naglalasing. Noon daw minsang malasing ito ay tinangka pang tagain si mang Genaro, ang albularyo.
Pero ang hangganan ng lahat ay isang gabi na wala si mang Miguel sa kanilang bahay. May nakakita raw dito na lasing na lasing at nakatulog na sa tumpok ng dayami malapit sa burol. Magha-hatinggabi ng makarinig ng mga palahaw ang mga tao malapit sa Dulong Burol. At mula sa ibaba ng burol ay kitang-kita nila na nasusunog ang kubo nina aling Lolita. naririnig pa ng mga ito ang paghiyaw ng mag-inang nakulong na ng apoy.
Natupok ang kubo kasama si aling Lolita at Manuel. Ang naging konklusyon ng mga taga-roon ay malamang na natabig ni aling Lolita ang ilawan na naging sanhi ng apoy. Simula kasi ng mamatay si Luisa ay laging tulala ito at umiiyak.
Dahil sa isa pang trahedyang iyon, tuluyan ng bumigay ang katinuan ni mang Miguel. Naging taong grasa ito. Tumatawa habang umiiyak. Pagala-gala. Ang mga kababaryo naman na nakakaalam ng kuwento ng buhay nito ay nagtulong-tulong na bigyan ito ng pagkain at inumin.
Napabayaan na rin ang ulilang puntod ni Luisa. May ilang mga kaibigan si aling Lolita na nagmalasakit asikasuhin ang puntod. Pero sa paglipas ng panahon. nangawala na ang mga kaibigang iyon at mabuti na lang at hanggang ngayon ay may mangilan-ngilang nakakaisip maglinis doon at mag-alay ng bulaklak kapag undas.
Pero hindi pa doon nagtatapos ang kuwento. ayon kay Enteng. Kapag maliwanag ang buwan ay nakikita ang kaluluwa ng batang si Luisa sa tabi ng kanyang puntod. Hindi siguro matanggap ng bata ang nangyari sa kanyang pamilya, na ang puno’t dulo ay siya.
Habang nagkukuwento si Enteng ay tumatagay ito, kaya ng matapos ang kuwento ay parang lasing na talaga ito. Nang tumayo ito para jumingle ay kanya-kanya kami ng opinyon.
“Naniniwala ako sa kuwento niya. tungkol sa nangyari sa pamilya ni Luisa!” sabi ni Larry. “Pero iyong huli niyang sinabi duda ko ‘di totoo iyon!”
“Alin. iyong sinabi niyang nagmumulto si Luisa?” tanong ko.
“Ano pa? Kita n’yo naman, senglot na siya. ‘di ba? Meron pa siyang sinasabing kapag maliwanag ang buwan… hahaha! Ano iyon, may pinipili ba’ng gabi ang multo?”
Nagkatawanan na lang kami. Pero lahat kami aminadong malungkot talaga ang nangyari sa kanila. At hindi rin maalis sa isip ko ang tungkol dun sa nagising si Luisa na nasa loob siya ng ataul sa ilalim ng lupa! Nakapangingilabot!
Kinabukasan, ipinasyal muli kami ni Mariz at itinuro niya ang ulilang puntod. Nasa itaas ito ng burol at natatanaw mula sa main highway. Matagal na raw siyang wala sa kanilang lugar kaya hindi masabi ni Mariz kung totoo ngang nakikita roon ang multo ni Luisa kapag mga gabing maliwanag ang buwan.
Kinabukasan ng gabi kami masayang umalis sa baryo nina Mariz. Sakay ng kanyang van, masaya pa kaming nagkukuwentuhan habang tumatakbo ito. Napatingin ako sa dinaraanan at naalala kong matatanaw nga pala ang burol mula sa aming kinaroroonan. At hindi nga nagtagal ay nakita ko na ang burol kung saan naroon ang ulilang puntod ni Luisa.
Hindi kabilisan ang aming takbo at noon ko iyon nakita… maliwanag ang buwan, at mula sa aking kinaroroonan ay nakita ko iyon… isang figure nasaumpisa ay parang isang hayop na nakaluhod. Pero ng titigan ko iyon ay kitang-kita ko ang isang batang babae, malungkot na nakatingin sa kawalan. Balak ko iyong ituro sa katabi ko pero nawala na iyon sa aking paningin dahil lumampas na ang aming sasakyan.
Wakas
Kunsensiya
May 3rd, 2010
SI Aling Freda ay isang biyuda. May dalawa siyang anak na babae. Si Liza ay labimpitong taong gulang at ang limang taong gulang na si Sara. Pumasok silang mag-iina bilang tagapagluto at kasambahay ng biyudong negosyanteng si Felipe.
Isang araw ay iniwan ni Aling Freda ang mga anak para umuwi ng probinsiya.Unang taong anibersaryo kasi ng kamatayan ng asawa at ibig niyang dalawin ang puntod nito. Gusto man niyang isama ang mga anak ay hindi maaari dahil walang maiiwang magtatrabaho sa bahay.
Pero nang gabing iyon na umalis siya ay nilooban ng mga hindi kilalang tao ang bahay ni Felipe. Maliban sa cash na kinuha, tinangay din ng mga ito si Liza.
Walang saksi sa naganap maliban kay Sara. Ayon sa bata, nasa sala pa sila ng Ate Liza niya nang lumabas ng kuwarto si Felipe. Naglalakad daw ito na parang zombie at dumiretso sa main door ng bahay. Binuksan daw nito iyon. Nagulat na lang daw ang dalawa nang pumasok ang mga lalaking may takip ang mukha. Nakadamit lahat ang mga ito ng kulay puti. Sapilitang tinangay ng mga lalaki ang ate niya. Tinakpan daw ni Felipe ang kanyang bibig upang matigil siya sa kahihingi ng tulong. Matapos ang lahat, parang wala raw nangyaring bumalik uli ng kuwarto na parang zombie si Felipe.
Para namang bulang naglaho si Liza. Wala ni bakas ng anino ng dalaga. Ayaw namang maniwala si Aling Freda sa deklarasyon ng amo na baka napagtripan ng isang gang si Liza kaya ito kinidnap. Nagsampa ng kaso si Aling Freda laban kay Felipe. Kidnapping case.
Dahil sikat na abogado ng mahihirap, hinawakan ni Madel ang kaso laban sa mayamang biyudo.
“MAHIHIRAPAN kang ipanalo ang kaso ni Liza. Madz! Maimpluwensya at mapanganib na tao si Felipe! Hindi matibay na saksi ang isang limang taong gulang na si Sara! Bitawan mo na ang kaso at magpakasal na tayo!” ilang beses nang giit ni Ram, nobyo ni Madel.
“Tama si Ram, Madz!” susog ni Franklin, kaibigan nilang binatang psychotherapist.
“Listen, guys… natilit lang kay Liza ang nangyari noon sa unang kasambahay ni Felipe. Remember Conchita? Ang pagkakaiba ay nakatakas si Conchita sa mga kidnaper at nakapagsumbong sa mga alagad ng batas. Ayon sa sinumpaang salaysay noon ng dalagita, si Felipe rin daw ang nagbukas ng pintuan para makapasok ang mga kidnaper. Ibig sabihin, kakutsaba nila ang biyudo!” pakli ng matapang na abogada.
“Madel, naabsuwelto na sa kasong ‘yan si Felipe. Napatunayan ng mga doktor na mayroon siyang parasomnia o sleep disorder. Ibig sabihin, si Felipe ay naglalakad ng tulog!. Ang taong may ganitong sakit ay hindi alam kung ano ang ginagawa dahil nga tulog. Maliban na lamang kung sadya siyang gisingin!” ani Ram.
AYAW sumuko ni Madel. Pakiramdam niya ay personal niyang krusada na bigyang katarungan ang pagkawala ni Liza. May kopya siya ng naging salaysay ni Conchita. Ayon sa dalagita, dinala raw siya sa isang gubat ng mga kumidnap sa kanya. Hindi raw niya alam kung saan iyon dahil piniringan ang mga mata niya. Isa raw ang napansin ng dalagita at iyon ay ang pagkakaroon ng isang maliit na komunidad sa loob ng gubat. Mapalalaki man o mapababae ay nakadamit ng puti ang lahat.
Ayon pa sa salaysay ay iginapos daw si Conchita sa pinag-ekis na mga haligi at pinaikutan ng kahoy na panggatong. Narinig daw niya ang pag-uusap ng mga matatanda na siya ang susunod na iaalay sa panginoon ng mga ito. Magiging mabangong insenso raw ang usok na magmumula sa kanyang katawan dahil siya ay birhen pa. Sa sobrang takot ay nagwala raw ang dalagita.
Mabuti na lang daw at dahil sa ginawang pagwawala ay lumuwag ang pagkakagapos kay Conchita. Nakatakas siya bago pa sumapit ang hatinggabi.
Bukod sa pahayag ni Conchita ay nag-imbestiga rin si Madel tungkol sapagkatao ni Felipe. Natuklasan niya na isang dayo lang sa bayang iyon ang biyudo. May haka-hakang miyembro raw ang lalaki ng isang secret society ng mga businessmen sa pinanggalingang probinsiya.
Napaglimi ni Madel na maaaring ang komunidad na tinutukoy ni Conchita ay ang kinaaaniban ni Felipe na isang kultong sosyedad. May napabalita nang katulad nito noon.
NAGPASAMA si Madel kay Ram patungong Quezon. Doon kasi nakatira sina Conchita. Balak niyang himukin ang dalagita na tumestigo laban kay Felipe.
“Nagsasayang ka lang ng panahon, Madz! Binayaran na ni Felipe nang malaking halaga sina Conchita kaya nga iniurong na niya ang demanda laban sa biyudo!” ani Ram na lumingon sa nobya habang nagmamaneho.
” Watch out, Ram!” sigaw ng dalaga na awtomatikong pinag-ekis ang dalawang braso upang takpan ang mukha.
Umusok ang mga gulong ng RAV Toyota ni Ram nang sagarin nito ang preno. Malakas na sumalpok ang sasakyan sa katutumba lang na puno ng mahogany.
Mabuti na lang at naikabit ni Madel ang sariling seatbelt. Agad niya itong kinalas at mabilis na dinaluhan ang walang malay na nobyong nakasubsob sa manibela. Hindi pala naikabit ni Ram ang seatbelt kaya humampas ang noo sa manibela.
Napatili ang dalaga nang biglang may dumakma sa kanyang mga balikat at sapilitan siyang inilabas ng sasakyan. Nagpapapalag siya pero nagawa pa rin siyang mailabas ng lalaking may hawak sa kanya. Agad siyang sinikmuraan nito na nagpadilim sa kanyang paningin. Sa ikalawang suntok, tuluyan na siyang lumungayngay.
Kinaladkad ng dalawang lalaking parehong naka Long sleeve at pantalong puti ang habol-hiningang si Madel palayo sa sasakyan. Pakiramdam ni Madel ay katapusan na niya kaya gayon na lang ang dasal na may maligaw roon at makakita sa kanya. Ngunit kung magsisigaw man ay walang makakarinig dahil walang kabahay-bahay ang naturang highway. Inipon na lang ng dalaga ang natitirang lakas at dinagdagan ang lakas ng loob.
Dahan-dahan silang dumausdos sa gilid ng highway papasok sa masukal na gubat. Sa isip ni Madel ay naglalaro ang ikinuwento noon ni Conchita.
Siya ba ang susunod na iaalay sa sinasabing panginoon ng mga ito?
Hindi pa sila gaanong nakalalayo mula sa highway nang marinig nila ang alingawngaw ng sirena mula sa mga dumarating na mobile patrol. Agad siyang binitawan ng dalawang lalaki at tumakbo papasok ng gubat.
Suwerteng isang trak na vegetable dealer ang napadaan sa lugar. Nakita ng mga ito ang aksidente. Palibhasa’y tagaroon, humingi agad ng tulong ang mga ito sa pinakamalapit na police station sa pamamagitan ng cellular phone. Agad namang nagresponde ang mga alagad ng batas. Samantala, habang hindi pa dumarating ang mga pulis ay binigyan ng first aid si Ram ng mga lulan ng trak kaya mabilis na naka recover ang binata.
Ipinahalughog agad sa mga pulis ang kalapit na gubat na ani Madel ay pinasok ng mga lalaking nagtangkang tumangay sa kanya. Nang hindi makita ang mga ito ay ipina blotter na lang ni Madel ang nangyari. Nangako naman sa kanya ang hepe ng mga pulis na gagawin ang lahat para mahuli ang masasamang loob.
Hindi na muna tumuloy sa Quezon ang magnobyo. Bumalik agad sila ng Maynila para magamot ang pumutok na ulo ni Ram. Nakahinga nang maluwag ang dalaga nang maging negative ang resulta ng x-ray ng kasintahan.
PLANO nina Ram at Madel na muling pumunta ng Quezon nang mabalitaan nilang patay na si Conchita.
Nanlumo ang dalaga lalo pa at agaran din daw na ipinalibing si Conchita ng ina nito. Pagkatapos daw ng libing ay umalis agad ng bayang iyon ang babae at walang nakapagsabi kung saan ito nagtago.
Dumating din sa kanya ang balitang walang nakitang komunidad sa gubat o maging sa karatig-bundok nito ang mga kapulisang inatasan na hanapin ang mga gustong kumidnap sa kanya.
May palagay siyang may kinalaman si Felipe sa pagkamatay ni Conchita. Pati na sa nangyari sa kanila noon sa highway.
Ngunit wala siyang sapat na ebidensiya para kasuhan ng murder and attempted murder ang buhong na lalaki.
Agad nang kumilos ang dalaga. Ipinasailalaim na niya sa witness protection ang mag-inang Sara at Freda nang matiyak ang seguridad ng mga ito.
Kinondisyon na lamang nang mabuti ni Madel ang isipan ng kaisa-isang hawak na testigong si Sara. Binilinan niya ang batang pag nasa hukuman na, huwag na huwag babaguhin ang mga testimonya kahit anuman ang mangyari.
“Kinausap ko uli ang bata, Frank. Wala pa ring pagbabago sa kanyang deklarasyon. Ibig sabihin, iyon talaga ang aktuwal na nangyari ng gabing kidnapin ang Ate Liza niya,” muling giit ni Madel nang bumalik siya sa klinika ng kaibigang psychotherapist. “Ayon sa pag-aaral mo, ang taong naglalakad ng tulog ay nakadilat nga ang mga mata ngunit hindi nakaunat ang mga kamay na parang zombie!”
” Yeah, you ‘re right, ” ang sagot ni Franklin.
“Iyon ang ginawa ni Felipe! Ibig sabihin, nagkukunwari lang siyang tulog!” obserbasyon ni Madel.
Napailing ang psychotherapist. “Okey… sabihin nating totoo ang sinasabi ni Sara… ngunit paano mo matitiyak na hindi magbabago ang deklarasyon ng bata kung pasa-pasahan na ng tanong ng tusong abogado ni Felipe!”
“Kumbaga sa sugal, wala kang hawak na alas, Madz. Drop this case and marry me. Hindi ko makakaya pag may mangyaring masama sa ‘yo.” Desperado na si Ram.
“Nangako ako kay Aling Freda na bibigyan ng hustisya ang nangyari kay Liza. Pangako rin… magpapaksal tayo pagkatapos ng kasong ito, Ram.” Masuyong hinagkan sa pisngi ng dalaga ang nobyo.
HINDI na naihatid pauwi ng nobyo si Madel dahil hahabol pa raw ito ng meeting sa opisina. Naroon na sa lobby ng kanyang apartment ang dalawang detektib na inuupahang magbabantay sa kanya. Ang dagdag na isa ay siyang naatasang pansamantala niyang driver.
Pagpasok ng kuwarto ng dalaga ay agad niyang nakita ang basag na salamin ng kanyang bintana. Sa sahig ay may isang papel na ibinalot sa isang bato. Binasa niya ang nakasulat na mensahe sa papel na isinulat pa sa dugo:” Back out or you go to hell!”
Nabitawan niya ang papel nang may marinig siyang malakas na kalabugan sa labas ng apartment. Parang may mga kalaban ang tatlo niyang bodyguards.
Muling nabuhay ang samu’t saring takot sa dibdib ni Madel. Baka may pinakawalan na namang tao si Felipe na papatay sa kanya.
Nangangatal ang babang napasiksikna siya sa isang sulok ng silid. Tuluyan na siyang naghisterikal nang lumusot sa basag na salamin ng bintana ang isang kamay at dinakma siya sa buhok. Hinila siya nito pabalik sabay untog ng likod ng ulo niya sa sementadong dingding.
Bago siya nawalan ng malay ay nakita pa niyang naka long sleeve ng puti ang may-ari ng kamay.
Una niyang nasilayan ang mukha ng nobyo nang matauhan siya.
“Tinawagan ako ng isa sa tatlo mong guwardiya. May gusto raw pumasok sa apartment mo… tatlong lalaking nakadamit ng puti. Malalakas daw sila kaya nagawang makatakas. Nabaril daw nila ang isang may hawak sa iyo pero daplis lang kaya nakatakas din,” balita ng binata.
Dinagdagan na lang ng dalaga ang pag-iingat. Maliban sa kulang siya sa ebidensiya ay maimpluwensiya pang tao si Felipe. Mahihirapan lang siyang kasuhan ang lalaking utak ng lahat ng pagtatangka sa kanyang buhay.
NANGYARI ang kinatatakutan ni Madel. Nagtagumpay ang abogado ni Felipe na ma-demoralize si Sara dahil sa matapang at pasigaw na pagtatanong nito. Hindi na makapagsalita pa ng tuwid ang batang humihikbi na sa takot. Pabagu-bago na ang deklarasyon nito.
Nanlumo ang dalaga. Malinaw nang matatalo sila.
“Objection, your honor Nais sawatain ng dalaga ang kalabang abogado.
Ngunit hindi siya pinaunlakan ng hukom.
Ang panlulumo ng dalaga ay nahalinhan ng pagkagimbal nang mula sa main door ng court room ay pumasok ang isang dalagitang maputla, may bahid ng dugo sa gilid ng mga labi nito at may lubid sa leeg!
Si Conchita!
Nakaturo ang isang kamay kay Felipe.
Napatigagal ang lahat nang naroroon. Walang makahuma.
Maging ang dalawang guwardiya sa main door ay napatulala ring pabalik-balik ang tingin sa dalagita at kay Felipe.
“Patay ka na! Ipinapatay na kita!” Dumagundong sa loob ng court room ang sigaw na iyon.
Sigaw na galing sa nanghihilakbot na si Felipe!
DAHIL sa hayagang pag-amin, nakulong si Felipe sa salang pagpatay kay Conchita.. Unsolved pa ang kaso ni Liza. Pero hindi titigil si Madel hangga’t hindi niya naidadagdag sa kaso ng buhong na lalaki ang panibagong kasong murder.
Usap-usapan pa rin ang nangyaring ‘kaguluhan’ sa korte.
Pakana pala ni Ram ang pagsulpot ng dalagita sa gitna ng paglilitis. Sa hangaring matulungan si Madel, nag-imbestiga ang binata tungkol sa buhay ng yumaong si Conchita. Natuklasan niyang may identical twin pala ito at ipinaampon ng ina sa mag-asawang kababayan nito sa Bicol.
Pumunta roon ang binata. Natuklasan din niyang doon nagtago ang totoong ina ng kambal. Nakiusap siya sa mga ito na tumulong sa imbestigasyon at nang matapos na ang kasamaan ni Felipe at nang makaganti rin ang mga ito sa sinapit ni Conchita.
Naniniwala kasi ang binata sa kasabihang “Laging nahuhuli ang isda sa bibig nito. ” Ganoon din ang tao lalo pa kung ito ay guilty. Kailanman, hindi ito patatahimikin ng kanyang kunsensiya!
“Kung sakali ba ay makakasuhan ako sa ginawa kong panggugulo, Madz?” seryosong tanong ng binata. “Paano na pala’ng kasal natin kung sakaling kakasuhan nga ako?”
“Relax, ” nakangiting sagot ng dalaga sabay yakap sa nobyo. “Kung ‘yung ibang tao nga ay handa kong ipaglaban hanggang kamatayan… ikaw pa kaya?” At niyakap niya ang nobyo na ginawa ang lahat para matulungan siya.
Sa pangyayari ay Ialong napatunayan ni Madel ang kasabihan na walang makatatakas sa sariling kunsensiya. Na sa huli, ang kunsensiya ng walang pusong si Felipe ang nagbigay-katarungan sa mga biniktima nito.
Wakas
Mana
June 10th, 2009
Single by choice si Martha na sa kasalukuyang panahon, ay edad fifty five na. Ngunit hindi siya nag-iisa sa bahay. Kasama niyang namumuhay sa sariling bahay ang live-in partner na si Verna, edad beinte otso at isang lesbian.
May limang taon na rin ang hantaran nilang relasyon. Ngunit hindi ito tanggap ng pamilya ni Martha. Dahilan kung bakit ninais niyang mangibang lugar sa halip na sa sinilangang lugar manirahan.
Sa Bulacan pinadpad ng kapa-laran ang magka-relasyon. Nagsimula silang mamuhay sa tulong ng itinayo nilang munting tindahan. Na kalaunan ay lumaki nang lumaki hanggang maging isang mini grocery.
Kasabay ng pagbabago ng kalagayan sa buhay nina Martha at Verna ang pagbabago rin ng ugali ng tomboy. Masyado itong naging demanding kay Martha. Masyadong naging malupit. To the point na kung minsa’y nasasaktan nito ang matanda sa sandaling hindi nito nakuha ang gusto. Ngunit kung naibigay naman ni Martha ang nais nito, lubhang nagiging mabait at malambing si Verna sa karelasyon.
Labis na ikinatuwa ni Verna ang balitang minsa’y sinabi rito ni Martha.
“Talaga? Naipangalan mo na sa akin ang mga ari-arian mo? Walang biro?” maluwang ang ngiting paniniyak pa ni Verna.
“Oo. Tulad ng pangako ko sa iyo.”
Mabilis na niyakap nang mahigpit ni Verna si Martha.
“Ang bait talaga ng mahal ko! Hayaan mo at hindi ka magsisisi sa naging desisyon mo. Palalaguin ko pa ang pamana mo sa ‘kin.”
“Yon ang inaasahan ko. Dahil matagal ko ding pinaghirapan ang malaking halagang naipon ko. Noong hindi pa kita nakikilala.. .ang piano ko ay ipamana iyon sa isang pamangkin ko. Kaso…”
“Sino? Si Ruby? Na itinakwil ka sa halip na intindihin ka sa gusto mo?”
Isa si Ruby sa kaanak ni Martha na tutol sa pakikipagrelasyon ni Martha kay Verna. Si Ruby na naging palaki rin minsan ni Martha.
“Wag na nga nating pag-usapan ‘yon.Sumasama lang lalo ang loob ko.”
“Oo tamaka. Basta safe sa ‘kin ‘yon. At.. .mahal na mahal kita…”
Saglit tinitigan ni Verna si Martha. Pagkuwa’y muli itong niyakap nang mahigpit. Walang kamalay-malay si Martha sa tunay na laman ng isipan noon ng karelasyon. Mabilis na noong tumatakbo ang utak ni Verna. Humahabi na ng mga hakbang sa isipan ang gahamang tomboy.
Tatlong araw makalipas ang pagtatapat ni Martha, natagpuan itong naliligo sa sariling dugo sa loob ng banyo. Tadtad ng saksak ang katawan ng matanda at wala ng buhay.
Tanging ang mga kapitbahay ang nakiramay kay Verna. Hindi ito nag-abala pang ipaalam sa mga kaanak ni Martha ang pagkamatay nito.
“Sino nga kayang walang puso ang may gawa niyon sa matanda?”
Umiling lang si Verna. Bakas ang lungkot sa mukha nito.
“Wala siyang kagalit.. .h-hindi ko rin alam. Sabi ng mga pulis.. .pagnanakaw daw ang motibo.”
“Pero bakit kailangan pa nilang patayin ng gano’n ang matanda?”
“A-Ako ang may kasalanan.. .kung umuwi lang sana ako ng gabing iyon…”
“Huwag mong sisihin ang sarili mo. Baka talagang hanggang doon na lang ang buhay ni Martha.”
Dalawang araw bago ang pagpaslang ay nagpaalam si Verna kay Martha na uuwi sa pamilya sa Pampanga. Maghahatid daw ito ng pera sa may sakit na magulang. Pinayagan naman ito ni Martha. Pagbalik nga ni Verna ay saka natuklasan ang pagpaslang sa karelasyon.
Iyon ang kuwentong isinalaysay ni Verna sa mga pumuntang pulis sa kanilang bahay.
Nang gabing iyon ay nagsidating ang mga kabataang miyembro ng choir sa kanilang parokya. Dalawang babae at tatlong lalaki na pagkatapos ng practice sa simbahan ay nagtuloy na roon upang makiramay. Si Martha ang nakakakilala sa mga ito dahil naging suki na nila sa tindahan.
“Buti wala pang gaanong tao,” sabi ng isa habang papasok ang lima.
Isang kapitbahay ang nagpatuloy sa kanila. Wala sa paligid si Verna nang mga sandaling iyon.
Sa mga nakahilerang silya malapit sa pinto ng bahay pumuwesto ang lima. Nagtabi-tabi ang tatlong lalaki na ka puna-puna ang waring pagkabalisa. Para bang init na init ang mga ito.
Dinulutan sila ng kukutin at inumin. Ang inumin ang agad kinuha ng tatlong lalaki. Kapuna-puna rin ang waring patagong tinginan nang makahulugan ng mga ito.
“Grabe’ng init!” komento ng isang lalaki. “Tara na kaya? Balik na lang tayo.”
“Guys ano ba kayo? Hindi pa nag-iinit ang puwit natin.. .nakakahiya ‘no?”
Nauna nang tumayo ang lalaki na agad sinundan ng dalawa pa.
“Mauuna na kaming tatlo kung ayaw n’yo pa. Ipagpaalam n’yo na lang kami ha.”
Walang nagawa ang dalawang babae nang walang lingon-likod na tumalilis na ang tatlong kaibigan. Ten minutes later ay nagpaalam na rin ang dalawa. Sa kanto na naabutan ng mga ito ang tatlong kaibigan.
“Ano ba’ng nangyari sa inyo ha? Usapan natin maglalamay tayo ngayon tapos bigla kayong umalis?”
“Kung alam n’yo lang….”
“AngAlin?”
“Kayo kaya ang makakita ng gano’n baka tumakbo pa kayo. Grabe! Para tuloy kaming sinilihan sa init kanina.”
Kunot-noong nagtinginan ang dalawang babae. Hindi pa rin nakakaunawa sa sinasabi ng tatlong kaibigan. Lingid sa kaalaman ng marami, may common denominator ang tatlong lalaki. Sila ay mga “seer” o may third eye.
“Hello? Puwede bang linawin n’yo ‘yang pinagsasabi…”
“Si Aling Martha… ‘andu’n sa may pinto nakatayo. Naliligo sa dugo at nakatarak pa sa dibdib ‘yung patalim. O, gets n’yo na?”
Nanlaki ang mga mata ng dalawang babae sa narinig. Nasa may gate pa lang ang tatlo ay nakita na nila iyon kung kaya bantulot silang tumuloy.
Sa bahay na kinabuburulan noon ni Martha, marami nang dumating na kapitbahay na makikiramay. Ngunit hindi mahagilap si Verna.
“Nasa n ba ng tomboy na ‘yon?”
“Pumasok sa kuwarto kanina pa.. .hanggang ngayon hindi pa lumalabas. Kinatok ko na kanina.. .ang sabi lalabas na daw siya.”
“Katukin mo ulit. Papadami na ang tao walang mag-eestima. Kailangan ko nang umuwi muna sa amin.”
Si Verna ay nasa loob nga ng kuwarto. Nakasiksik sa isang sulok at halos mangatog, hindi sa ginaw kundi sa takot. Ang nakita ng tatlong lalaking choir member ay nakita rin ni Verna.
Ang duguang live-in partner ay malinaw na nagpakita kay Verna. Si Verna na kay daling sinurot ng sariling kunsiyensiya. Dahil siya ang salarin!
Ang Waka!…
Saviour
January 30th, 2010
Si Nanay Rosa ay may tatlong taon na ring biyuda. Sa kasamaang palad ay hindi sila pinalad na magkaroon ng anak ng asawang si Mang Pedring.
Namatay si Mang Pedring sa sakit na asthma, sakit na nagpahirap rito sapul pagkabata pa lang. Ilang taon ding namasukan si Mang Pedring sa isang pabrika sa Malolos Bulacan. Pagawaan iyon ng papel.
Nang mamatay si Mang Pedring ay may nakuha namang monthly pension ang kanyang beneficiary na si Aling Rosa.
Minsa’y sinulatan ng bangko si Aling Rosa. Tinanong ito kung nais nito na padaanin sa ATM ang pension na kokolektahin kada buwan. Subalit dahil sa matanda na at hindi rin nakapag-aral ay hindi pumayag ang matanda Katwiran pa nito’y hindi rin naman siya marunong gumamit ng ATM machine.
Hanggang sa kasalukuyan ay over the counter sa bangko kung kumolekta ng pension si Aling Rosa. Sa petsa ng kamatayan ng asawa, buwan-buwan ay nagtutungo ng bangko si Aling Rosa.
Isang thrift bank na one ride lang mula sa tirahan ni Aling Rosa ang kinukuhanan nito ng pension. Siya mismo ang kumukuha ng pension dahil wala rin siyang maaaring mapagkatiwalaang mautusan.
Pilit na pinagkakasya ng matanda ang natatanggap na pension sa kanyang pansariling gastusin. Sa puntong iyo’y nakabuti na rin ang kawalan nito ng anak dahil sarili lang ang kailangan niyang itaguyod.
At muling dumating ang araw ng pagkolekta ni Aling Rosa ng pension. Maagang gumayak ang matanda upang tumungo sa bangko. Paglabas ng bahay ay saglit natigilan ang matanda.
“Ay pambihira! Naiwan ko ang aking libreta de banco. Naku kahirap talagang tumatanda.. .makakalimutin na.”
Muling binuksan ng matanda ang ipininid nang padlock ng pinto ng bahay. Nagbalik sa loob at kinuha ang libreta de banco.
Bitbit nitong muli ang maliit na bag na sa tuwina’y dala ng matanda saan man magpunta. Muling ipininid ang seradura ng pinto. Ngunit bago pa makalayo ay muling nahinto sa paghakbang ang matanda.
“Aba teka.. .ang salamin ko ba’y nadala ko?”
Binuksan nito ang dalang bag at siniyasat ang loob nito. Pagkuwa’y napatapik sa noo si Aling Rosa.
“Ano banamang buhay ito, oo!”
“Hay naku, Pedring! Ako yata’y nagiging ulyanin na. Lahat na lang nakakalimutan ko. Kaaga ko pa namang gumayak iyon pala’y tatanghaliin din ako sa pagparoon sa bangko.”
Walang nagawa ang matanda kundi muling magbalik sa loob ng bahay. Nang sakay na sa wakas ng tricycle si Aling Rosa, walang anu-ano’y nakarinig sila ng pagsabog.
“Ano’yon?”
“Naku, Inang, sumabog ang gulong ng tricycle ko. Pambihira!”
“Ha? Ay santisima ako ‘ata’y talagang minamalas sa araw na ire! Aba’y paano ngayon ito? Paano ako makararating sapupuntahan ko?”
“Pasensiya na ho. Maghintay na lang kayo ng darating na tricycle at lumipat kayo ro’n, ‘Nang.”
Wala nang nagawa pa si Aling Rosa. Ilang minuto pa ang hinintay niya bago may dumaang tricycle na walang sakay. Saka lang nakaalis ang matanda.
Pagdating sa bangko ay ibig mapapalatak ng matanda. Maraming tao at tiyak na matatagalan siya sa pagkuha ng pension.
Kilala na si Aling Rosa ng mga empleyado roon. Lalo na ang teller na laging kinukunan nito ng pension. Agad sumenyas ang teller kay Aling Rosa. Sinabing maghintay lang ito at sesenyasan na lang kapag puwede na.
Sa isang upuan doo’y naghintay si Aling Rosa kasama ng iba pa. Less than ten minutes nang pumasok doon si Aling Rosa ay pumasok ang apat na lalaki. Puro nakasuot ng pormal. Sa mga ito nga napatingin ang mga naroroong naghihintay.
Walang anu-ano’y may inilabas ang apat na lalaki.
“Holdup ‘to! Dapa!
Mabilis ang sumunod na pangyayari. Sa loob lang ng ilang segundo ay nakuha ng mga holdupper ang gusto. Nginig sa takot ang lahat habang pasubsob na nakadapa sa sahig.
Abut-abot ang dasal ni Aling Rosa habang pabaluktot na nakadapa sa sahig. Umiiyak ng paimpit ang matanda.
Lingid sa kaalaman ng lahat maging ng mga holdupper, isang kliyente na nakadapa sa isang sulok ang patagong kumuha ng video sa dala nitong digicam. Kinuhanan nito ng video ang pangyayari.
Makaraan ang ilang sandali ay mabilis na tumalilis ang apat na lalaki na sa mismong front door din dumaan. Pagkuwa’y pumailanlang ang dalawang magkasunod naputok ng baril. Na nasundan pang tatlong sunud-sunod. Noon nagtilian ang ilang kliyenteng babae. Naghisterya ang mga ito.
Sa labas ng bangko, nakabulagta ang dalawang guard. Paglabas ng mga holdupper ay tinangka ng mga itong paputukan ang apat na lalaki. Ngunit hindi tinamaan kung kaya sila ang binalikan ng putok. Sapol ang dalawang guard.
Ilang minuto pa ang lumipas bago nagdatingan ang pulisya. Nagsimulang magsiyasat ang mga ito.
Kay bilis na kumalat ang balita. Humugos ang mga tao sa lugar upang makiusyoso. Isa man sa mga tao sa loob ng bangko ay walang makapagsalita agad. Sa takot marahil sa katatapos na tagpo.
Noon napabulalas ng iyak si Aling Rosa.
“Diyos ko po.. .Diyos ko po, Pedring! Akala ko’y magkikita na tayo…Diyos ko po!”
Isang babae ang lumapit at pilit nagpakalma kay Aling Rosa. Ito ma’y luhaan na rin noon. Ang babae ring iyon ang nagmagandang-loob na maghatid kay Aling Rosa sa bahay ng matanda. Pagkaraan pa iyon ng mahigit isang oras dahil hindi pinayagan ng mga pulis na lumabas agad ang mga tao sa loob ng bangko.
Ang pension na kukunin ay hindi na naalala pa ng matanda dala marahil ng takot.
Sa tahanan ng lalaking palihim na kumuha ng video, ipinakita nito sa pamilya ang nakuhanang kaganapan.
“Ipakikita mo ba “yan sa mga pulis, Dad?”
“Ewanko.. .dapat “ata pero.. .hindi kaya manganib ang buhay ko? Kitang-kita rito ang itsura ng mga holdupper, e.”
“Kung hindi n’yo man ‘yan ipakita sa mga awtoridad.. .tiyak namang may camera ang bangko, ‘di ba?”
“Hindi tayo sigurado d’yan, Ate. Baka sa bangkong iyon ay wala.. .pipitsuging bangko lang naman iyon. Sa malalaking bangko lang “ata may camera, e.”
Pagkalipas pa ng ilang araw, nang muling panoorin ng lalaki at ng kanyang asawa ang nakuhang video, saka lang napansin ng lalaki ang isang bagay.
“Teka lang, “Ma…ibalik ko lang do”n sa…’eto. I-pause ko lang sa part na ‘to…”
Pinagmasdang mabuti ng lalaki ang naka-pause na eksena.
“Ito ‘yung matandang babae…oo nga. Siya iyong halos managhoy sa pag-iyak pagkatapos, e. Pero.. .tingnan mo, “Ma. Hindi ba parang may nakadagan sa kanya?”
Sinipat ng asawa nito ang ipinakita.
“Oo, matandang lalaki.. .naka-barong tagalog. Pero malabo…”
Matandang lalaki na nakasuot ng barong tagalog ang nakadagan sa matandang babae na walang iba kundi si Aling Rosa.
“Sa pagkakatanda ko… walang nakadagan kay lola. Teka… wala talaga, ‘Ma. Nakabaluktot nga sa pagkakadapa si lola habang umiiyak. Medyo malapit kasi siya sa puwesto ko. Pero…bakit dito may nakadagan sa kanya?”
Muling sinipat ng asawa nito ang video.
“Pa, parang malabo.. .parang ulap lang na…”
“Pero matandang lalaki at nakabarong.. .kitang-kita, o…”
Nagkatinginan ang mag-asawa.
“Baka multo?” sambot ng babae.
Hindi nga marahil paniniwalaan ng iba subalit nang mga sandaling nagaganap ang robbery, totoong may nagtakip sa katawan ni Aling Rosa. Dinaganan ito upang bigyang proteksyon. Upang iligtas sa nakaambang kapahamakan.
Sa videocam ay hindi nakaligtas ang anyong iyon. Hindi ito likha ng manipulasyon o imahinasyon. Kundi isang kaganapan ng kababalaghan.
Ang pagkabalam ng pagpunta sa bangko ni Aling Rosa ay isang babala. Babala na paraan ni Mang Pedring upang huwag tumuloy sa pagpunta sa bangko ang asawa.
May mga pangyayaring nakatakda marahil maganap. Kaya nawalan ng kontrol si Mang Pedring. Sa halip ay iniligtas na lamang ang asawa sa tanging paraang alam at kaya nitong gawin.
Ang pagmamahal kung minsan ay kayang gumawa ng ano mang imposibleng bagay maging ng kababalaghan.
Ang Wakas…