Ugnayan ng Kita, Pag-iimpok at Pagkonsumo
Ugnayan ng Kita, Pag-iimpok at Pagkonsumo
Mga Pamantayan sa Pagkatuto: Pagkatapos mapag-aralan ang modyul na ito, ang mag-aaral ay inaasahang:
1. Naipapahayag ang kaugnayan ng kita sa pagkonsumo at pag-iimpok – AP9MAK-IIIc- 6
2. Nasusuri ang katuturan ng consumption at savings sa pag-iimpok - AP9MAK-IIIc – 7
UGNAYAN NG KITA, PAG-IIMPOK, AT PAGKONSUMO
Nakahawak ka na ba ng malaking halaga ng pera? Sabihin na nating isang libong piso o higit pa. Paano mo iyon pinamahalaan? May mga tao na kapag nakakahawak ng pera ay nag-iisip kung papaano ito palalaguin. Mayroon namang impulsive buyer, basta may pera bili lang nang bili hanggang sa maubos ito. At kung wala nang pera, saka maaalala kung ano ang kaniyang pangangailangan. Alin ka sa mga halimbawang nabanggit kapag ikaw ay may hawak na pera? Ano para sa iyo ang pera at paano ito dapat gamitin? Ang pera, katulad ng ating mga pinagkukunang-yaman, ay maaaring maubos.
Ang pera ay ginagamit sa pagbili ng mga bagay na kinakailangan upang mapunan ang pangangailangan at kagustuhan ng mga tao. Ang pagkonsumo gamit ang salapi ay kinakailangan din ng matalinong pag-iisip at pagdedesisyon upang mapakinabangan nang husto at walang nasasayang.
Ang pinanggagalingan ng pera ng maraming tao ay ang kanyang kita. Ang kita ay halagang tinatanggap ng tao kapalit ng mga produkto o serbisyong kanilang ibinigay. Sa mga nagtatrabaho, ito ay suweldo na kanilang tinatanggap. Ang kita ay maaring gastusin sa mga pangangailangan at kagustuhan at iba pang mga bagay na kinukonsumo. Maliban sa paggasta ng pera, mayroong pang ibang bagay na maaring gawin dito. Maari itong itabi o itago bilang savings o ipon.
Sa “Macroeconomics” ni Roger E. A. Farmer (2002), sinabi niya na ang savings ay paraan ng pagpapaliban ng paggastos. Ayon naman kina Meek, Morton at Schug (2008), ang ipon o savings ay kitang hindi ginamit sa pagkonsumo, o hindi ginastos sa pangangailangan. Ang ipon na ginamit upang kumita ay tinatawag na investment. Ang economic investment ay paglalagak ng pera sa negosyo. Ang isang indibidwal ay maaari ring maglagay ng kanyang ipon sa mga financial assets katulad ng stocks, bonds, o mutual funds.
Bakit ba kailangan ng savings? Ano ba ang halaga nito? Ang pera na iyong naipon bilang savings ay maaaring ilagak sa mga Financial Intermediaries tulad ng mga bangko. Ang mga bangko at iba pang financial intermediaries ay nagsisilbing tagapamagitan sa nag-iipon ng pera at sa nais umutang o mag-loan. Ang umuutang o borrower ay maaaring gamitin ang nahiram na pera sa pagbili ng asset (pagmamay ari) na may ekonomikong halaga o bilang karagdagang puhunan. Ang pera na iyong inilagak sa mga institusyong ito ay maaaring kumita ng interes o dibidendo.
Kung itatago mo nang matagal na panahon sa alkansiya ang iyong pera, hindi ito kikita at maaari pang lumiit ang halaga dahil sa implasyon. Ang implasyon ay ang pagtaas ng pangkalahatang antas ng mga presyo ng mga kalakal (goods) at mga serbisyo sa isang ekonomiya. Bukod dito, dahil sa pagtatago mo at nang maraming tao ng pera sa alkansya, maaaring magdulot ng kakulangan sa supply ng salapi sa pamilihan. Makabubuti kung ilalagak ang salapi sa matatag na bangko o iba pang financial intermediaries upang muling bumalik sa pamilihan ang salaping inimpok.
Congratulations for completing the third lesson! Maaari ka nang ituring na Master!
I-click ang Master Badge upang makapag-RANK UP!!!