Para sa kritikong si Soledad S. Reyes, higit na mahalaga ang mga akdang Urbana at Feliza at Si Tandang Bacio Macunat kaysa Barlaan at Josaphat. Aniya, may halaga bilang dokumentong historikal ang mga protonobelang Urbana at Feliza at Si Tandang Bacio Macunat sapagkat matatagpuan sa mga ito ang proseso ng sekularisasyon, urbanisasyon, at intitusyunalissayon ng Katolisismo sa Pilipinas. Batay sa tradisyon ng nobelang epistolaryo (sulatan) na naging palasak sa Europa, pinagtagni-tagni ng paring si Modesto de Castro ang mga pangyayari sa buhay ng magkapatid na sina Urbana at Feliza. Dahil si Urbana ay estudyante sa Maynila at si Feliza ay nanatili sa bayan ng Paombong, napangatwiranan ng may-akda ang teknik ng pagsusulatan (Reyes 1982, p. 6). Samantalang ipinaloob ni Reyes ang pagsusuri sa Urbana at Feliza sa ilalim ng oryentasyong Didaktiko sa kanyang historisasyon ng nobelang Tagalog, para naman kay Resil Mojares, nagpakita ito ng realismo sa paggamit sa lokal na materyal, pagtalakay sa usaping panlipunan at hindi direktang pagsasalaysay sa buhay ng mga santo (Baquiran 2005, p. xiv). Ganito pa man, sa pagkakaiba ng pananaw ng dalawang kritiko, malinaw ang layunin nito--gabayan ang mga katutubo sa buhay-Kristiyano at buhay-urbanisado sa malinaw na mga panuntunan at gawi mula pagkabata hanggang sa kamatayan na itinuturo at ipinatatangkilik ng protonobela--- kabutihan, pag-iibigan, pagiging mabuting mamamayan, tamang paghihintay sa kamatayan, wastong kilos, at pagsasalita na dapat matutuhan ng katutubong nais na matanggap sa urbanisadong lipunan ideyal sa mga mananakop. Sa ganito, tukoy na malaki ang ipinagkaiba ng “naiwanan” na katutubo sa nakasimsim na ng urbanisasyong Europeo.
Sa pagsusulatan ni Urbana at Feliza, ipinakita nito, ayon pa kay Reyes, ang pagkabatay ng kaligayahan sa daigdig sa pagsunod sa norms at decorum na hango sa kulturang kanluranin. Sa maraming sitwasyong pinaksa sa sulatan nina Urbana at Feliza, lumitaw ang mga pangaral nitong gaya ng sumusunod: pagkontrol ng sarili (sa kabanatang tumatalakay sa kasamaan ng pagkagumon sa bisyo tulad ng sugal, alak, at babae at sa ligawan at buhay-may asawa); pagiging malinis, masunurin, at mapagkumbaba (Reyes 1982, p.6). Kung susuriin, pagtupad ito sa tatsulok ng tungkulin sa sarili, kapwa, at (tungo) sa Diyos. Sa ganitong direksyon, wari, higit pa ito sa mga tuntuning magbibigay ng pagkakataon sa pagsabay sa urbanisasyon, maaari ring tingnan ang Urbana at Feliza bilang isang akdang nagmamanman sa katutubong Kristiyano kung natutupad nito ang itinatakdang kolonyal na pamayanan. Sa pagsusuri ni Baquiran, itinulad niya ang pagmamanmang ito sa panopticon (hango kay Panoptes, isang tauhan mula sa mitong Griyego na maraming mata) ni Michel Foucault. Minamanmanan ng “bantay” (kolonyal na estado) ang bawat kilos ng nasasakupan. Sa pagkasanay sa pagmamanman at pagsasaloob ng asal na inaasahan sa nasasakupan, hindi na siya kailangang laging manmanan. May takdang guhit din ani Baquiran sa daigdig na binabantayan ng “Paring Panoptes” na hindi dapat lampasan. Mula sa pangangalaga sa katawan hanggang sa pagdulog sa mesa, nakagagawa ng kasalanan ang hindi tumulad sa mga Europeo. Sa bungad pa lamang ng liham ni Urbana kay Feliza, “Sa Piging”, aniya, Feliza: Kung ikaw at si Honesto ay maaanyayahan sa isang piging ay dagdagan ang ingat, at maraming lubha ang pagkakamalian.” Wari ay himig paalala ito ngunit kung hihimayin ang bawat bahagi, ito’y mga “dapat” at “huwag na huwag,” mga salitang malinaw na terminong “takdang-guhit ng Paring Panoptes”.
Inisa-isa ni Urbana sa kanyang liham sa unang bahagi ang mga “dapat” na gawin—bumati ng magandang gabi/araw sa may bahay at saka isunod ang mga kaharap; huwag pumasok sa kabahayan hanggang di inaanyayahan, bago luluklok (umupo) ay hintayin muna na pagsabihan at huwag pipili ng mahal na luklukan; ingatan ang kilos, tingin, at pangungusap at baka makitaan ng kagaspangan. Samantala ang mga sumunod na bahagi, sa pagitan ng pagtutulad sat ama at mali ay wari inilitanya ni Urbana ang mga “huwag na huwag” gagawin sa piging—sa lamesa, sabihan si Honesto huwag parisan ang batang idinudukot ang kamay, nakikikain gayong di inanyayahan sapagkat lahat iyon sabi ni Urbana ay masamang asal na ikasisira ng puri ng magulang. Ilagan ang pag-ubo, paglura, pagdahak, pagsinga at pagbahin at kung hindi maiwasan ay tumindig, lumingon pakabila o takpan ang bibig ng panyo. Iwasan ang gawing kahangalan sa pagkain—mula sa bibig, sa nagsisilbi ng pagkain, sa mismong pagsubo, sa paggamit ng baso, kutsara at kopa, sa pag-inom ng alak (tagayan at paghingi ng alak), sa pagsusukbit ng pagkain sa bulsa at sa agad-agad na pagtanggap sa alok na pagkain at hindi pagpapasalamat sa nagmagandang loob. May wasto ring pagdampot ng baso, paghawak ang baso. Mahalaga ring pansinin sa liham na ito na sa pag-alis sa dulang (hapag-kainan) iniuwi ito sa pasasalamat sa Diyos na dapat ay pamunuan ng may bahay subalit kung may saserdote, siyang dapat mamuno. Sa ganito, hayag ang pagtatangi ng akda sa prayle. Gayon din, malalagom ang dulong bahagi ng sulat ni Urbana kay Feliza sa pagtupad sa tatlong tatsulok sa katuparan ng tungkulin sa—sarili, kapwa, at sa Diyos, ayon nga kay Urbana, “ laking kaligayahan ang aking kakamtan kung si Honesto’y makita ko na marunong makipagkapwa-tao, at sa pakikiharap sa puno ng bayan, sa mga saserdote, matatanda, maginoo, at sa kapwa bata, at itinutunton sa guhit ng asal, kilos, at pangungusap…magiging kapurihan ng umaral na magulang at karangalan mo naman, O Feliza! Sapagkat katulong ka sa pagkakalinga.”