Isinilang ang Urbana at Feliza noong siglo 19, sa panahong patungo sa urbanisasyon ang lipunan. Pagkaraan ng tatlong daang taon ng pananakop at ebanghelisasyon na naiskatuparan ng reduccion, na naging mabisa sa pagkontrol sa katawan at kaluluwa ng katutubo, isinagawa ang proseso ng urbanisasyon sa Pilipinas. Ipinamalas ito sa pamamagitan ng paghahanda sa panlabas at panloob na daigdig ng katutubo. Ang arkitektura, plaza complex, at ang pagkalalatag ng mga kalye sa loob ng isang bayan ay bahagi ng isang aparatong sumasalamin sa pagsasabuhay ng aparatong kolonyal (Baquiran 2005, p. xiii). Ang katutubong iniwan ang bundok at nanirahan sa bayan ay pumaloob sa bisyon at praktis ng pamumuhay ng kolonyal na kulturang nauna nang nagpamalas ng kanyang kapangyarihan sa pagpapayakap sa katutubo ng bagong alpabeto at pagpapailalim ng kanilang pamumuhay sa simbahan (kung saan ang kampana ang nagsisilbing "tagapagmanman" ng kanilang pagsasapraktika). Modelo sa panahong ito ang taong marunong gumamit ng kutsara at tinidor, ng mantel sa kainan , at baston sa pamamasyal (Reyes 1982, p.7). Matutunton ito sa lunsod kung saan ipinagpapalagay na siyang naghugis ng urbanidad. Ang bagong kaligiran ng pamumuhay sa bayan ng mga katutubo ay nagdulot ng pagbabago ng dating gawi. Nagbunga rin ito ng higit na malapitang pakikitungo sa kapwa kung kaya naging matindi ang pangangailangang matutuhan ang pakikipagkapwa-tao, ayon sa sistema at pamantayan (ng asal at pagkilos) na itinakda ng mga prayle. Isang patunay ng dominasyon ng mananakop teritoryo at kultura. Subalit hindi ito naging ganap dahil ang mga prayle lamang ang nagpalaganap ng kulturang ito. May mga bahaging sumuko agadsa harap ng bagong dating na kultura, may nakisama, at may nanatili kung di man nagpatuloy sa pag-iral (Baquiran 2005, p.xiii). Kung kaya hindi rin naging pare-pareho ang naging asimilasyon ayon kay Baquiran. Ang mga lalawigan o mga lugar na malayo sa mga gawain ng kolonisasyon ay nanatiling hindi napasok. Samantalang mabilis ang pagtanggap ng urabanisasyon sa lunsod gaya ng Maynila. Nalikha ang panlipunang uring nakaaangat/panggitnang uri at edukado na matutuntong bunga ng naging pagsulong ng kalakalang galyon noong 1813. Sa bago nilang katayuan sa lipunan naghangad ang uring ito ng pribilehiyo at kapangyarihang pareho ng sa mga Kastila, ayon kay Reyes. Ang mga “naiwanan” ng lipunang yumakap sa sopistikasyon at hindi nakayakap sa Hispanisadong pamumuhay ang siyang uring hinihikayat na bumasa ng akdang Urbana at Feliza.