May direktang ugnayan ang paglikha ni Bonifacio sa kanyang paninindigang politikal. Bagaman sa iba ay hindi natatangi ang katangiang estetiko ng panitikang Bonifacio, hindi matatawaran ang halaga nito sa kasaysayan ng Katipunan at sa kontribusyon nito sa rebolusyon. May ganitong ipinapahiwatig na matinding impluwensiya at popularidad ang kanyang mga akda, ayon kay Almario noong panahon ng Amerikano ay may sulat-kamay na kopya ng tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” na biglang lumilitaw na nakasabit sa mga punongkahoy sa tabing lansangan—isang paraang hindi nalalayo sa operasyong “peryodikit” ng mga aktibista nang panahon ng diktadurang Marcos (Almario 1993, p.39). May mga pagkakataon pang bukambibig ng masa ang kanyang mga tula at sa rebolusyon sa EDSA, umalingawngaw muli ito (sa popular na pamagat na “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” na inawit ng Inang Laya) kasama ng iba pang awiting gaya ng “Magkaisa”. Tema ng tula ang pagmamahal sa bayan na puro o dalisay at dakila. Sa pamamagitan ng paglalarawan sa kagandahang taglay ng bayan at sa paghihirap na dinaranas nito, binibigyang katuturan ni Bonifacio ang pag-ibig sa bayan. Makikita sa himig ng tulang ito ang impluwensiya (at pagtatangi) ng makata kay Balagtas. Gaya ng makikita sa mga saknong na ito:
Saknong 2
Ulit-ulitin mang basahin ng isip
At isa-isahing talastasing pilit
Ang salita’t buhay na limbag at titik
Ng sangkatauhan ito’y namamasid.
Saknong 10
Ang nangakaraang panahon ng aliw,
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa Bayang saan tatanghalin?
Kung babalikan ang mga saknong ng “Pag-aalay kay Celia” ng Florante at Laura, humahawig-himig doon ang tula subalit ang pinakatampok na pagkakaiba ay laging iniuuwi ni Bonifacio ang kanyang alaala at pagtatangi sa Bayan. Mauunawaan ang ganoong direksyon sapagkat, idineklara ni Bonifacio sa unang saknong pa lamang ng tula na pag-ibig sa Bayan ang pinakamataas sa lahat ng pag-ibig.
Saknong 1
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala?
Kung pakasusuriin nga ang saknong na ito, madudukal dito ang pagtatakwil sa Espanya. Hindi ba’t ito ang nagturo ng pag-ibig sa Diyos na siyang pinakamataas sa lahat? Lumilitaw na hinawi na rito ni Bonifacio ang belo (relihiyon) na kinasangkapan ng kolonyalistang Kastila sa pang-aapi at pagpapahirap sa bayan. Sa kontekstong kinalalagyan, bilang isang tulang rebolusyunaryo matatagpuan dito ang subersibong diwa--sumasalungat sa dating bisa ng naghaharing karunungan na naghatid sa pagsampalataya sa “ningning” sa talinghaga ni Emilio Jacinto. Sinuwail ni Bonifacio ang Espanya at Simbahan lalo pa’t tinukoy niya ang “Banal na pag-ibig” na nagpapabago sa “imbi’t taong-gubat, maralita’t mangmang” at “nagiging dakila at iginagalang”. Ano ang banal na pag-ibig na ito? Nakikipagtunggali rin ang tula sa pag-uudyok ng pagwawari sa katunayan ng mga bagay at pagpapahalaga sa kalayaan. Tingnan ang saknong na ito:
Saknong 26
Kayong mga pusong kusang [niyuyurakan]
Ng daya at bagsik ng ganid na asal,
Ngayon ay magbango’t Baya’y itangkakal,
Agawin sa kuko ng mga sukaban.
Binanggit ng tula ang dinanas na pighati at paghihirap dahil sa pag-iral ng kasamaan ng mga banyagang mananakop sa mga talinghagang ginamit niya sa tula—“kayong natuyan na sa kapapasakit,” “kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak,” “kayong mga pusong kusang [niyurakan],” “kayong mga dukhang walang tanging [palad]”. Dito, makikita ang pagpapaunawa ni Bonifacio sa kalagayan ng bayan. Ano ang marapat na hangarin? Ano ang marapat na pangibabawin? Kailangang labanan ang dahilan ng pagdurusa, paglapastangan, at kamatayan. Tutungo ang tula sa pang-aakit sa pagkilos upang ani Almario, “lalansag sa sikil na kalagayan” ng Bayan. Sa salita ni Jacinto sa Liwanag at Dilim ay “Mapalad ang araw ng liwanag!” Ito ang pahiwatig sa kalayaan. Sa deklarasyon naman sa tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan”:
Saknong 17
Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?
Sa pakikipaglaban upang makamit ang kalayaan (deskolonisasyon), nilinaw ng tula ni Bonifacio na may malaking hinihingi ito sa mamamayan—ang pagbubuwis ng buhay. May pahiwatig ng madugong pakikipagdigma na siyang paraan sa pagkakamit sa kalayaan at pagtatakwil sa Espanya. Ito ang maglilinaw ng posisyong rebolusyunaryo ni Bonifacio. Anang makata:
Saknong 28
Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa may dugo’y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay [mapatid]
Ito’y kapalaran at tunay na langit.
Napakahalaga na ang deklarasyon ng hangarin ng deskolonisasyon ni Bonifacio sa tulang ito at sa iba pa niyang produksyong pampanitikan ay itinawid niya sa wikang Tagalog. Para kay Almario, nakabatay dito ang orihinalidad niya bilang manunulat at rebolusyunaryo. Dahil sa hangaring makausap ang bayan gumamit siya ng wikang malapit sa puso ng taumbayan na kaiba sa mga manunulat ng Kilusang Propaganda. Dagdag pa ng kritiko, napakahirap ng ginawang ito ni Bonifacio dahil nilitis niya ang kanstelasyong banyaga at binawi at pinaangking muli sa Tagalog, ang pagiging wika ng katotohanan at kalayaan ng tao (Almario 1997, p. 42).