Sa karanasan ni Rizal, ang pagiging sensitibo sa mapang-api at mapanupil na pamamahala ng mga Kastila ay umugat sa pagbitay sa tatlong paring martir sina Padre Gomez, Burgos, at Zamora noong 1872. Sa kanyang nobelang Noli Me Tangere (1887), umalingawngaw ang panawagan sa reporma sa kanyang inilantad na kalupitan at kasamaan ng kolonyalistang Kastila. Kabilang ang nobelang ito sa produksyon ng mga mga manunulat na pawang nag-adhika ng pagbabago. Isinulong ng intelligentsia ang Kilusang Propaganda (1872-1896) na nagbigay daan sa paglalatag ng mga usapin, pagtanggi sa pang-aabuso at kawalang-katarungan, at mga balaking aksyon. Subalit sa pagsasara ng ika-19 na siglo, naging malinaw nang hindi magtatagumpay ang kampanya sa reporma upang magkaroon ng pagbabago sa mga polisiya ng kolonyal na estado (Lumbera 1997, p. 44). Pagkaraan nito ay nasaksihan ang pambansang pagkilos na gumamit sa wikang Tagalog. Para kay Lumbera, naghudyat ito ng bagong “kinakausap”—ang masang Pilipino at nangahulugan din ng pagtalikod na sa reporma at pagsisimula ng panawagan sa rebolusyon. Isinilang ang Katipunan na gumamit sa wikang Tagalog na naging kakabit ng nasyonalismo at magiging siyang adhika ng panitikang isisilang sa panahong ito. Ito ang naging susi sa pag-oorganisa sa masa nina Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan at Emilio Jacinto na kapwa lumikha ng produksyong pampanitikang itinuring bilang panitikang rebolusyunaryo. Itinampok nito ang ideya ng paglihis sa repormistang adhikain at pagtatakwil sa Espanya. Mula sa manipesto ng Katipunan, “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” ni Bonifacio hanggang sa Liwanag at Dilim ni Jacinto pawang nagtawid ang mga ito ng panawagan sa pag-aalsang bayan. Pinalawak ang base ng kilusang rebolusyunaryo ng Katipunan ng palihim na paglilimbag ng diyaryong Kalayaan. Nalathala sa Kalayaan ang mga akda ni Bonifacio na gumamit ng sagisag-panulat na Agapito Bagum-Bayan at Dimas-Ilaw na ginamit naman ni Jacinto. “The language of the revolutionary paper and its vision of redemption after struggle and sacrifice had an irresistible appeal to its readers. Suddenly Easter Sunday had political implications.” (Mendez Ventura 2001, p.46). Humantong ang rebolusyon sa deklarasyon ng independensiya sa Kawit Cavite noong 1896. Bagaman, naging maikli ito dahil sa suliranin ng pagkakaisa sa liderato, natikman ng mga Pilipino kung ano ang pakiramdaman at ibig sabihin ng Kalayaan (Lumbera 1997, p.45)