Nang isinasalang-alang ang kontekstong historikal ng tulang May Bagyo Ma’t May Rilim, suriin natin ngayon ang tula. Gagabayan ang pagtalakay ng mga tanong na: a) Paano ito maituturing na tulang Tagalog? b) Ano ang paliwanag ng tula ukol sa bagong pananampalatayang ito? c) Ano ang tutunguhing kahulugan kung institusyunalisado na ang mga imahen/talinghaga?
May bagyo ma’t may rilim
ang ola’y, titiguisin,
aco’y magpipilit din:
aquing paglalacbayin
toloyin cong hanapin
Dios na ama namin
Cun di man magupiling
tocsong mabaomabaoin,
aco’y mangangahas din:
itong libro,y, basahin,
at dito co hahangoin
aquing sasandatahin
Cun dati mang nabulag
aco,y, pasasalamat,
na ito ang liuanag
Dios ang nagpahayag
sa Padreng nagsiualat
nitong mabuting sulat.
Nagiua ma,t, nabagbag
daloyong matataas,
aco’y magsusumicad
babagohin ang lacas;
dito rin hahaguilap
timbulang icaligtas.
Cun lompo ma,t, cun pilay
anong di icahacbang
naito ang aacay
magtuturo nang daan:
toncod ay inilaan
sucat pagcatibayan.
Ang pananampalatayang ito’y ipinaliwanag na nakasentro sa pagkatagpo sa Diyos na ama. Mapapansing itinampok ng tula ang personang may pagtitiwala na malalampasan ang lahat ng tukso sa kanyang pananampalataya. Naroon din ang kanyang tapang dahil ipinakita ang hindi niya pag-atras gamit ang liwanag (sa pagkabulag) mula sa libro (na Diyos ang nagpahayag) o ang liwanag ng Diyos. Marami pang pagsubok o tuksong pinagdaanan ang persona bilang isang mananamplataya subalit ipinamalas niya ang matinding hangarin na matagpuan ang Diyos. Pansinin ang mga pagsubok na ito—pagsuko sa tukso, pagkabulag, pagkabugbog ng katawan, pagkalumpo at pagkapilay. Sinasakop nito ang lahat ng uri ng panunukso upang bitiwan o sukuan ang pananampalataya. Pisikal at espiritwal. Kahit hindi pa ipapaloob ang tula sa adyenda ng mga prayle, sa sekular na karanasan, ganoon din sinusukuan ng tao ang kanyang pangarap o nais na matamo. Kung wala nang lakas para ipursige o kung mayroon mang lakas, wala na ang matinding hangarin (desire), ang pagsuko ng espiritu. Subalit, may “Dios ama” sa tula. Dahil dito, nilinaw na iikot dito ang buong pagsisikap ng persona. Magtatransporma na kung gayon ang salitang “paglalakbay” ng persona bilang paglalakbay espritwal (spiritual journey). Ang hinahangad na matagpuan ay Siya ring kanyang pinaghuhugutan ng lakas. Kung palalawigin pa ang pagpapakahulugan sa tula na nagtuturo sa Katolikong pananampalataya, ano kaya ang mahuhubog na kahulugan kung halimbawa’y itinuring nating isang mangingisdang nasa karagatan ang persona? Mangingisda siyang hindi literal kundi “mangingisda” rin ng iba pang mananampalataya. Paano ipinapaliwanag ng pananampalatayang Katoliko ang ganitong uri ng pananalig ng persona na laging nagpapanibago ng lakas? Ano ang ipinauunawa ng tula ukol sa landas na tatahakin upang makatagpo ang Dios ama? Ito—“Matinik ang landas tungo sa kaligtasan/kalangitan.” “Kailangang maging matibay dahil wari isang pakikidigma ang katapatan sa pananampalataya.” Sa ganitong direksyon ng pagbasa sa tula, mapapansin ang malaking papel ng oryentasyong Katoliko sa nahubog na kahulugan. Wari, nilagyan nito ng hangganan at tinakdaan ang kahulugan ng mga katutubong talinghaga. Sa lalo pang pag-unawa rito, magiging suwabe ang pagkakabit, pagpapakilala, at pagsimsim (pagpapatindi ng pagtanggap sa oryentasyon) sa mga naratibong Katoliko. Ito ang tinatawag na institusyunalisasyon ng imahen/talinghaga. Tingnan ang talahanayan sa ibaba:
Samantala, mahalagang pansinin ang mga salitang ginamit sa tula upang higit na matukoy ang panahong kinabibilingan nito at ang kamalayang ipinakikilala ng tula—mabuting sulat, libro, padre. Ito ang panahon ng tradisyong nakasulat. Samantala, sa anyo ng pagtulang ginamit ng makata, katutubong anyo ito. Ano ang mahahaka rito? Maganda itong pag-isipan sakaling nais pang payabungin ang pagpapakahulugan sa tula.