Sa pagdating ng mga kolonyalistang Kastila, nagkaroon ng mahalagang papel ang pagpalimot sa sinaunang alpabetong Baybayin at pagpapatanggap sa Romanong alpabeto at ang palimbagan upang ilipat ang katutubong bayan mula tradisyong pabigkas/oral patungo sa tradisyong pasulat. Inihudyat ng publikasyon ng Doctrina Christiana ang pagdating ng imprenta sa Pilipinas noong 1593. Sa loob ng unang dalawang dekada ng unang siglo, tatlo pang palimbagan ang naitayo. Ito ay ang palimbagan ng mga Agustino, Heswita, at mga Pransiskano. Pangunahing inimprenta ng mga ito ang tinawag ni Lumbera na functional materials upang matugunan ang layunin ng mga kolonisador. Mauunawaan kung bakit kailangan ang publikasyon ng mga aklat na gramatika at diksyunaryo—upang maunawaan ang wika ng katutubong bayan na pinagdaluyan ng kanilang itinakdang “mensahe” ng kolonisasyon. Kasama sa functional materials na ito ang mga tekstong relihiyoso gaya ng katekismo at mga manwal sa kumpisal na ginamit ng mga misyonero upang “hulihin” ang loob ng mga katutubo. Sa gitna ng panahong ito isinilang ang panulaang Tagalog na nakasulat. Ito ang maituturing na hudyat ng paglipat mula tradisyong pabigkas/oral patungo sa tradisyong pasulat. Nagkaroon ng suliranin ang dapat ay ganap na pagpapalaganap at pagsisikap sa edukasyon ng mga misyonero dahil sa panloob (ng mga Muslim sa Timog) at panlabas na digmaan (laban sa mga Dutch) sa Pilipinas na noo’y idineklara nang bagong kolonya ng Espanya. Ganito pa man, pinuri ng Heswitang si P. Francisco Colin ang kakayahan ng mga katutubo sa pagsulat sa alpabetong Romano at idinagdag pang maaari pa ngang maging opisyal ang mga ito. Pinatunayan nito ang unti-unti nang pagpasok ng elemento ng kulturang Europeo sa kulturang katutubo (Lumbera 1986, pp.23-24) . Sa mga katutubong naipaloob sa reduccion o sapilitang pagtipon sa mga katutubo sa mga bayan-bayan, ang kanilang pamumuhay ay pinangibabawan ng mga aktibidad o gawaing relihiyoso. Every day at dawn the church bell rings for all the children to come to church. Thence they go in procession through the town, chanting the catechism in their own native tongue…They return to the church, where they recite the principal points of Christian doctrine and answer questions on them. Then they hear Mass… (Lumbera 1986, p.24) Isang taktika rin ng pagkontrol ang “sensura” na ginawa ng mga misyonerong nakaaalam ng wikang katutubo, ang paglipat sa anyong nakasulat ng mga natirang tradisyong bigkas/oral na pinili sapagkat umaayon sa kanilang adhikain—upang hindi na bumalik sa paganismo ang katutubo. Ang ganitong adhikain ng mga misyonero na pagpapalaganap sa Katolisismo ang matatagpuan sa misyonerong makata (mga Kastilang pari na pinakinabangan ang pagiging maalam sa Tagalog). Sa panahong ito, naisilang ang unang halimbawa ng tulang Tagalog na May Bagyo Ma’t May Rilim (Though It Is Stormy and Dark) ng una tagala persona (anonymous poet) ayon sa ibinigay na deskripsyon ni Francisco de San Jose ang may-akda ng Memorial de la Vida Cristiana (Manila 1605). Kasabayan nitong lumabas ang popular na tulang ladino ni Fernando Bagongbanta na Salamat Nang Walang Hangga na lumabas din sa parehong aklat.