Nagsimula ang kuwento sa pagpapakilala sa ingay ng umandar na tren na nakikipagpaligsahan sa ingay ng mga nagtitinda at habilin ng mga pinagpapaalamanan sa mga aalis. Dito inilagay ng may-akda si Danding at ang kanyang Tia Juana na tutulak mulang Tutuban patungong Malawig upang makiramay sa pamilya ng namatay na si Tata Inong, pinsan ng tatay (na noo’y may karamdaman) ni Danding. Mahalagang bantayan ang simulang ito dahil isang pagpapaunawa ito ng metaporikong paglalakbay ni Danding sa kuwento. Noon lamang makikilala ni Danding ang kanyang mga kamag-anak sa Malawig na pinaglakhan ng kanyang Tatay. Habang nasa biyahe, hinubog ni Danding sa kanyang isip ang magandang larawan ng lugar at nadama niya ang pananabik. Nakarating sa Malawig sina Danding at nakita niya ang isang lugar na walang ipinagkaiba sa iba pang nayon sa Luzon. Lugar ito, ayon nga sa tagapagsalaysay na, “sa kabila ng manipis na hanay ng mga bahay ay ang mabibiyaya at mapagkandiling mga bukid… nakangiti at puno ng ningning ng umaga ang bughaw, maaliwalas at walang ulap na langit.” Pabiro namang sinabi ng kutsero ng karitelang sinasakyan nina Danding, “Walang maganda dito kundi ang langit.” Ano ang halaga ng mga detalyeng ito sa kuwento? Hindi ba’t itinatatag nito ang larawan ng rural na lugar na ang yaman ay naroon sa katiwasayang ipinahihiwatig ng mga talinghagang “ningning ng umaga”, “bughaw at walang ulap na langit”. Iyong “langit” na iyon ang kagandahan ng Malawig. Bukod dito, babanggitin din ng kuwento sa pagpapakilala sa Malawig ang detalyeng ito, “Sa mga nayong gaya nito isinilang at nagsilaki sina del Pilar at iba pang martir ng lahi, at sa ganyang mga bukid tumining ang kabayanihan ng Himagsikan.” (akin ang pagdidiin). Napakahalaga ng detalyeng ito lalo na’t batid na ang konteksto ng akda ay ang panahon ng Kolonyalismong Hapon. Kung isang pag-uusisa ang kuwento sa pagmamahal sa bansa, saan nga ba nagsisimula ang pag-uusisang ito? Sa kaso ni Danding, iyan ang piniling simula ni Reyes. Ngunit ginamit nga ni Reyes ang paglalakbay na ito ay paglalakbay ng sarili ni Danding. Pagkatapos ng wari ay bukana ng “paglalakbay” ni Danding sa pagkilala sa Malawig, sa wakas ay nakilala niya ang kanyang mga kamag-anak. Mga kamag-anak na malapit at malayo. “Ang lahat yata ng mga taong nasa bahay buhat sa puno ng hagdan hanggang sa loob ay pawang kamag-anak, ani Danding. “Nakarating” na si Danding sa kanyang nilakbay na Malawig. Talinghaga ang “pagdating” na ito sa Malawig sa metaporiko rin niyang “paglalakbay”. Ano ang kanyang natuklasan sa kinabuburulan ng patay, sa mga taong nakamasid at nakikiramay sa namatayan? Sabi ng tagapagsalaysay, “dumampi sa kanyang puso ang katahimikan ng kamatayan.” Pagkatapos nito, pumasok si Danding sa higit pang magpapalalim ng kanyang pagkakilala sa (ama) Malawig. Nakakuwentuhan niya si Lolo Tasyo at nang magawi ang usapan sa Tatay ni Danding, itinanong niya rito kung nasaksihan ni Lolo Tasyo ang kabataan ng kanyang Tatay. Sa tanong ni Danding, pansinin ang naging sagot ni Lolo Tasyo,
“Ako ang nagbaon ng inunan ng ama mo. Ako ang nagdadala sa kanya ng gatas tuwing umaga nang siya’y awatin. Ako ang gumawa ng una niyang laruan… “
Tumayong bigla si Lolo Tasyo at itunuro ng kampit ang hangganan ng bukid. Doon siya malimit magpalipad ng saranggola nang bata pa siyang munti. Sa kabilang bukid siya nahulog sa kalabaw; nang minsang sumama siya sa akin sa pag-aararo…”
Sa itaas ng punong ito ko pinaakyat at pinagtago ang ama mo isang hapon nang mabalitaang may mga huramentadong Kastila na patungo rito. At doon sa kinauupuan mo kangina, doon niya isinulat ang kauna-unahan niyang tula—isang maikling papuri sa kagandahan ng isa sa mga dalagang nakilala niya sa bayan…”
Ano ang kapansin-pansin sa mga tala ng alaala ukol sa Tatay ni Danding? Tama. Mula pagkasilang hanggang sa kanyang panliligaw, ang Malawig ang kumalinga sa kanya—sugat, ligaya, at pagsuong sa mga panganib. Ano ang ambag nito sa pag-unawa ni Danding sa sarili? Sa ama at relasyon niya rito?
Ipinauunawa rin nito ang konsepto ng pag-uugat sa bayan. Subalit hindi lamang hinubog ang Malawig ng niroromantisadong pagtatangi dito. Alalahanin na may namatay na kamag-anak na siyang dahilan ng pagpunta nina Danding sa Malawig. At sa paglilibingan, ayon sa tagapagsalaysay, “bakuran ito ng mga patay nahihimbing ang alabok ng kanyang mga ninuno, ang abang mga labi ng katipunan ng mga pag-asa, pag-ibig, lumbay at ligaya, ng palalong mga pangarap at ng mga pagkabigo na siyang pamana sa kanya ng kanyang angkan…”
Naramdaman ni Danding ang kalungkutan sa pagkakataong iyon. Subalit sa kapayapaan ng bukid, pagkaraan ay pumanatag. Sa lahat ng ito, ano sa iyong palagay, ang ibinigay ng Malawig sa emosyonal na paglalakbay ni Danding? Nagbunga ba ito ng panghihinayang? O ng higit na pagkaunawa sa sarili sa kaniyang pinag-uugatan? Mahihiwatigan din ang paglampas sa tuon ng pag-usisa sa sarili ng kuwento. Ang paglalakbay ng sariling ito ni Danding sa pamamagitan ng bayan ng kanyang Tatay, ang Malawig ay nagpalalim din ng pag-usisa niya sa kanyang ugnayan sa ama. Subalit, hindi maitatanggi ang mga bahagi ng kuwento na (wari ay sadya) inililipat ito sa metaporikong antas—itong paglalakbay, pag-usisa sa konsepto ng pagmamahal sa bayan. Ano ang ideyal na konsepto ng pagmamahal sa bayan?
Pansinin ang bahaging ito:
Sa sandaling iyon ay tila hawak ni Danding sa palad ang lihim ng tinatawag na pag-ibig sa lupang tinubuan. Naunawaan niya kung bakit ang mga nanawawalay na anak ay sasalunga sa bagyo at baha makauwi lamang sa inang bayan. Kung bakit walang atubiling naghain ng dugo sina Rizal at Bonifacio, kung anong apoy ang nagbigay-buhay sa Himagsikan (akin ang pagdidiin).
Ang pahayag na iyan ay maaaring ituring na artikulasyon ng posisyon o panig ni Narciso Reyes bilang isang manunulat sa kinapalooban niyang panahon. Subalit, natatangi ang kanyang matimping paraan o teknik (hindi maingay, hindi pesimistiko at hindi nagtotonong galit) sa pagbuhay muli o pagpapaalab sa nanlulupaypay na pakikipaglaban para sa bayan.
Pangiliti:
Tutuban (na tagpuan sa simula ng kuwento)- alam mo ba ang historikal na kaugnayan nito sa rebolusyon sa panahon ng kolonyalismong Kastila?