Ang Konteksto ng Teksto
Ang Konteksto ng Teksto
Sa ilalim ng panahon ng Hapon at pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dinanas at nasaksihan ng bansa ang matinding pagkalugmok ng ekonomiya. Sa ganoong kalagayan, malinaw ang pangangailangan ng tulong ng banyaga sa pag-ahon ng bansa. Subalit, higit pa sa ekonomikong suliranin, alalahanin ang kalagayang moral ng mga Pilipino na namuhay sa gitna ng lupit ng panahon ng digmaang ito. Naging usapin ang kolaborasyon ng ilang Pilipinong elit sa mga Hapon. Sa panahong iyon napabantog ang terminong ‘kolaboreytor’ na nangahulugan ding taksil sa bansa. Maaaring isiping ang pagkilos ng mga Pilipinong elit ay pasyang pulitikal dahil naniniwala sila sa imperyalistang ideolohiya ng mga Hapon na “Greater East Asia Co-Prosperity Sphere” o maaari rin namang isang pagsasalba ito ng kanilang mga sarili upang hindi danasain ang pagkagutom at kalupitan ng mga Hapon (Lumbera 1997, p. 179). Ang usapin ng pagiging kolaboreytor ay hindi naipursige sa ilalim ng kolonyalismong Amerika. Maging si Manuel A. Roxas, unang Presidente ng Republika ng 1946 ay nagdeklara ng amnestiya sa lahat ng inakusahang kolaboreytor. Pinangambahan ito ni Heneral Douglas McArthur dahil nakasalalay dito ang kredibilidad ng naghaharing elit na mga lider pulitiko rin nang panahong iyon. Subalit nakita rin ng Amerika na maasahan sila sa kapakinabangan o interes ng mga mananakop na Amerikano at kung umaayon din naman ito sa interes ng uring elit, hindi na kinailangang ipursige ang usapin (Lumbera 1997, p,179). Pinag-ingatan din ng Amerika ang alyansang ito sa mga Pilipinong elit upang hindi umusbong ang sentimiyento ng pagpapaalis sa kanila bilang katuwang na namamahala sa bansa. Naging dahilan din ng pangamba ng Amerika ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP), gerilyang binuo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ipinagkaloob ng Amerika ang independensiya mula na rin sa ipinangako ng Tydings-McDuffie Law (1934). Ang ipinanganak na Republika ng Pilipinas ay nagbunga ng mga kasunduang lalo pang nagpatindi sa ugnayang kolonyal--ng Amerika at ng Pilipinas. Naging paborable ito sa Amerika na makikita sa Bell Trade Act (at parity rights); paggamit ng 23 base sa ilalim ng Military Bases Agreement at ang Military Assistance Pact na nagbigay ng kapangyarihan ng kontrol sa puwersang militar ng Pilipinas. Ang panahon mula 1946-1960 ay panahon ng kontrol ng Amerika sa ekonomiya, pulitika at militar ng Pilipinas (Lumbera 1997, p.180).
Sa panitikan, naging malaki ang impluwensiya ng estetika ni Jose Garcia Villa. Maraming manunulat ang umagapay sa modelo ng mga Amerikano. Tinawag ito ni Efren Abueg (isa sa miyembro ng grupong Agos sa Disyerto) na pag-a-apprentice sa paghahabol sa pamantayang Amerikano. Naging katwiran ito upang lumayo sa tradisyunal na papel ng panitikang naglilingkod sa lipunan/bansa-- direksyong inilatag ng mga manunulat ng reporma (Kilusang Propaganda) at rebolusyon (KKK). Itong panitikang naghabol sa pamantayang Amerikano ay itinuring na panitikang “tiwalag sa lipunan”. Sa kolonisasyon ng Hapon, naudyok ang mga manunulat na bumalik sa bukid na gumamit sa kasanayan sa panitikang romantiko. Hinikayat ng kolonyalistang Hapon ang pagsulat sa Tagalog upang umano'y ibalik ang mga Pilipino sa pinag-uugatan (at burahin ang Amerikanisasyon sa sistema at katauhan ng mga Pilipino). Subalit, karugtong nito ay ang adyenda ng pagpapatangkilik sa mga Hapon. Umusbong din ang underground literature na nagpakilala kay Rey Centeno ngunit kulang ito sa malawak na pananaw sa kalagayan ng bansa. Ang pagkalathala sa ilalim ng isponsor ng mga Hapon ng 25 Pinakamabubuting Maikling Kuwento ng Taong 1943 ay nagpakilala sa talento ni Macario Pineda na ang mga akda’y nagtampok sa daigdig ng tagalalawigang naiipit ng tradisyon at kahingian ng urbanisasyon (Lumbera, 1997, p.186). Noong 1943 rin nanalo sa timpalak na itinaguyod ng Liwayway ang maikling kuwentong ”Lupang Tinubuan” ni Narciso G. Reyes, na itinuring na isang klasikong akda. Inusisa ng kuwentong ito ni Reyes ang konsepto ng ideyal na pagmamahal sa bayan. Noong dekada 50 binulahaw ng rebelyong Huk ang pagkahimlay ng mga Pilipino sa kabundatang bigay ng Amerika at nagluwal sa panitikang may kamalayang panlipunan ng mga katulad na manunulat na sina Amado V. Hernandez, Lazaro Francisco, at Brigido Batungbakal. Itinanghal ng kanilang panitikan ang sakit ng pamahalaan at lipunan.