Sa mga katutubong tula, ano ang makikitang pinahahalagahan ng mga ito?
Sa panahong katutubo, ang bugtong, salawikain, at maiikiling tula (pinakakilala ang Tanaga) sa mga tulang natagpuan sa Vocabulario de la lengua Tagala nina San Lucar at Noceda. Karaniwan dalawang taludtod ang bugtong at salawikain. Samantala, apat na taludtod naman ang maikling tulang Tagalog. Sa “mahigpit” na estruktura ng bugtong, nagiging panubok ito sa talas ng isip ng mambabasa. Subalit may susi kung papaanong makararating sa sagot, sa mga tulang katutubong ito, ipinakilala ang ikatlong sangkap ng katutubong pagtula—ang talinghaga. Ito ang kailangan, tingnan ang tula sa malikhain/matalinghagang paraan. Kung kaya’t sinasabing ang bugtong ay “mahigpit subalit maluwag”. Matutukoy ang sagot sa palaisipang inihahain ng bugtong. Dahil dito, naging daan ang bugtong upang maging pamilyar ang komunidad sa mga bagay na hindi pamilyar at higit na makilala ang organikong mundo/paligid. May epekto ito sa nakikinig. Ngunit hindi kailangang sa lahat ng nakikinig. Nakadepende ang bisa ng bugtong sa mismong nakikinig at sa konteksto ng bugtungan. Sa paliwanag ni Florentino Hornedo, sa bugtong (at salawikain) makikita rin ang konsepto ng inclusion at exclusion. Hindi lamang talas ng isip ang puhunan upang masagot ang palaisipang bugtong dapat may memorya rin. Ito ang mga memorya o gunitang nag-uugnay sa iyo sa komunidad, kung nasagot ang bugtong. Kung hindi naman nasagot, ibig sabihin, hindi mo ito memorya o gunita. Subalit inihahain din sa iyo ang gunita o memorya. Gayon din, nakita na rin ang pananaw ng iba o komunidad. Ganoon halimbawa ang matutunghayan sa bugtong na “Bumbong kung liwanag, sa gabi ay dagat.” May dalawang taludtod, anim na pantig, ang sukat ng tula. Bagaman maaaring isiping karanasan ng lahat ang liwanag at dagat, hindi madaling tumalon sa sagot o bagay na tinutukoy ng bugtong. Ikinabit kasi ang bagay na ito sa larawan ng “bumbong” kapag liwanag at “dagat” kapag gabi. Sa madaling sabi, kailangan ang karanasan/memorya ng karanasang ito upang maunawaan ang ganoong paggamit ng larawan bago matukoy ang sagot. Kung wala ito sa iyong memorya, (dahil hindi rin ito ang iyong konteksto) mahirap na matukoy ang sagot.
Kakikitaan din ang salawikain ng katangian ng sukat, tugma, at talinghaga subalit hindi gaya ng bugtong, ang talinghaga ng salawikain ay nakapako o nakatuon sa pahayag (statement) at hindi sa larawan o imahen. Layunin ng salawikain na itawid ang pangaral (didaktiko). Mauunawaan ang ganitong layunin dahil inadhika ng katutubong bayan ang pagbuo ng ideyal na komunidad. Sa gayon, mahalagang malay ang mamamayan sa mga kinakailangang taglaying katangian o pamantayan ng isang marangal at mabuting indibidwal. Maaaring isipin na ito ang nagtakda ng tinatanggap na norms ‘ika nga sa isang komunidad/lipunan. Marami sa sa salawikaing Tagalog ay positibo ang konstruksyon, ang iba naman deskripsyon subalit makikitang sapat na upang itulak ang partikular na pangaral sa indibidwal, gaya ng “May malaking halaghag, may munting di mabuhat.” Ano ang naiisip mong kahawig ng salawikaing ito na ang pahayag ay nakakabit sa balintuna na totoo namang nasasaksihan natin sa ating buhay –malaki na magaan; maliit/munti na mabigat”. Ano ang ipinapaalala nito sa atin? Ang iba naman, kakikitaan ng tradisyon ng masayahing pamumuna gaya ng “Nanati si tongki, lalong butas ang labi.” Muli, dahil nga pamumuna ito, ano ang pinupuna? Ano ang maiaambag nito sa itinataguyod na ideyal na komunidad?
Apat na taludtod/linya ang bumubuo sa itinuturing na maikling tulang Tagalog. Sa padron sa estruktura, sukat—pipituhing pantig, apat na taludturan. at sa sangkap na talinghaga nakikilala ang tanaga. Isang prayleng Kastila ang nagbigay naman ng ganitong depinisyon sa tanaga: “Poesia muy alta en tagalo, compuesta de siete silabas,y cuatro versos, llena de metaforas”. Itinuring pa nga nilang “misteryo” ito. Nahahawig ang tanaga sa salawikain dahil makatatagpo ng tanagang nangangaral. Subalit, hindi ito laging hinahanap o inaasahan sa tanaga. Maaaring nagpapaliwanag lamang din kasi ito ng karanasan. Gayon din, umiikot sa sentral na imahen ang pananalinghaga ng tanaga. Samantala ang salawikain, madalas na gumagamit ng oposisyunal na larawan sa pagtatawid ng pahayag. Mapapansing ang tulang ito katulad ng bugtong at salawikain ay nagsasaalang-alang sa komunidad.