Sa Vocabulario de la lengua Tagala nina Padre Juan Noceda at Pedro San Lucar na nalimbag noong 1754, pinatunayan nito na may ekstensibong koleksyon ng tulang Tagalog sa pagpasok ng tradisyong pasulat noong 1593. Naglalaman ito ng mga bugtong, salawikain, at maiikling tula. Batay sa layunin ng mga prayleng dumating at siyempre pa sa perspektiba ng mga mananakop, mahalagang maunawaan nila ang wika ng bayan sa mabilis na pagsasakatuparan ng kolonisasyon ng mga Espanyol. Sa aklat na Tagalog Poetry ni Bienvenido Lumbera, ipinaliwanag niyang ang mga ganitong produksyon ng mga prayle ay diksyunaryo rin dahil pagpapaunawa ito sa paggamit ng mga salitang Tagalog. Aniya, testimonya rin ito ng kasikatan ng mga unang tulang Tagalog noong ika-17 hanggang ika-18 na siglo. Sa mga bugtong, salawikain, at maiikling tula matatagpuan ang pagkilala sa mahigpit na estruktura ng katutubong pagtula sa pamamagitan ng sukat at tugma. Isang pagtugon sa praktikal na pangangailangan ang sukat at tugma upang ang tunog ay magkaroon ng kahulugan. Dahil sa padron ng estruktura, madali itong tandaan. Naiingatan at muling mababalikan ang gunita. Memorya kasi ang “storage system” ng mga tao sa panahon ng oralidad o bigkas. Halimbawa, kung may tiyak na alaala sa paglalakbay na gustong mapanatili, sa nalikhang panitikang “nakasuksok” sa tiyak na padron ng estruktura, madali itong ulit-ulitin at balik-balikan. May aliw -iw kasi sa bigkas dahil sa tiyak na bilang ng mga pantig sa bawat taludtod/linya at sa tugmaan sa dulong pantig ng huling salita ng bawat taludtod/linya na salik sa pagtanda/pagmemorya. Ang estrukturang iyon ang dahilan kung bakit may mga tula tayong kahit noong preschool pa na kahit hindi natin isinulat sa ating kuwaderno ay kaya pa rin nating bigkasin. Pansinin ang halimbawa:
Ang sugat ay cun tinanggap
di daramdamin ang antac
ang aayao,t, di mayag
galos lamang magnanacnac.
May mga tula ring ang mahigpit na pagkilala sa estruktura ay ipinamamalas ng repetisyon o pag-uulit. Muli, upang matandaan ang gunita habang itinataguyod ang katuturan o kahulugan ng tula. Sa gayon masasabing ang estetika o pamantayang pansining (sukat at tugma) ng katutubong tula noon ay inianak ng kanilang pangangailangan na maalala/maiimbak ang gunita. Ang panitikang bigkas kung ganoon ang tala ng gunita ng katutubong bayan. Pansinin ang tula sa ibaba:
Bangka ko si buwan
tungo kay Inday,
si bituin aking sagwan
tungo kay Dunday.