Isinulat ni Kim Clarenze V. Sorongon
Ipininta ni Mica Ellah Castillo
"Ayoko na mag-DSPC."
Para itong karayom na tumusok sa aking pagiging mamamahayag nang bigla kong sabihin sa sarili na hindi na ako lalahok sa mga patimpalak sa pamamahayag sa kampus o sa Division Schools Press Conference.
Matagal nang bahagi ng buhay ko ang DSPC, ngunit sumuko na ako sa pag-iisip kung kakayanin ko pa bang pagbalansehin ang aking pag-aaral at ang pag-abot sa aking pangarap... o ang pagpili sa pagiging isang mamamahayag na tila walang malinaw na kinabukasan para sa akin.
Sa aking pagtapak sa ikatlong taon ng sekondarya ngayong pagbubukas ng klase, tila ngayong bakasyon ko lang napagtanto na hindi ko na kaya, lalo na’t nahihirapan na rin akong magsulat.
Ayoko na mag-DSPC.
Sariwa pa sa aking alaala ang unang pagkakataon na humawak ako ng papel na may pangalan ko sa byline. Isang simpleng sanaysay lamang iyon, ngunit tila iyon ang simula ng isang pangarap na akala ko ay hinding-hindi maglalaho. Doon ko unang naramdaman na may halaga ang aking tinig.
Ngunit sa paglipas ng panahon, ang pagsusulat ay naging higit pa sa simpleng pagpapahayag. Naging isa na itong pakikipag-unahan sa oras, puntos, at pagpapakitang-gilas, kung saan tila bawat salita ay kailangang perpekto, at bawat ideya ay kailangang manalo.
Sa bawat paligsahan, hindi ko maiwasang ikumpara ang sarili ko sa iba—sa lalim ng kanilang gawa, sa kanilang istilo, at sa kanilang tiwala sa sarili. Unti-unti, ang dati kong tapang ay napalitan ng isang mapang-abalang tanong sa aking dibdib: Sapat ba ako?
Hindi ko na gustong sumali ng DSPC.
Hindi ko namamalayan na hindi lang pala ako napapagod, kundi nawawala na rin ang sarili ko. Pinipilit ko na lang ang aking sarili na magsulat; tila nauubusan na ng tinta ang aking panulat, at ang aking tinig para sa katotohanan ay unti-unti nang nawawalan ng lakas.
Sa gitna ng katahimikan at ng aking pagninilay, tinatanong ko ang sarili ko kung ang pagsasabi ng “ayoko na” ay isang ganap na pagsuko o pansamantalang pahinga lamang. Marahil ay hindi ko lang kayang harapin ang takot at duda sa ngayon.
Sa bawat pagbigkas ko ng “Ayoko nang mag-DSPC,” naroon ang pagod, ngunit may natitira pa ring pag-asa na huwag tuluyang sumuko. Hindi ko pa alam kung ano ang susunod na kabanata ng aking tadhana sa pamamahayag, ngunit pinipili kong pakinggan ang aking sarili at magpatuloy na lamang kung kaya ko pa itong panindigan.