POSTSCRIPT | Unlad
published July 30, 2026
uploaded August 8, 2026
Pinangangambahan ngayon ng ating mga kababayan ang pagtatayo ng isang artificial intelligence (AI) at semiconductor hub sa New Clark City sa Tarlac, ang Pax Silica, sa kasunduang pinasukan ng Pilipinas at Estados Unidos ng Amerika.
Ang tanong, kaya nga ba nito maibalanse ang pag-unlad ng trabaho at katayuan ng Pilipino, at ang ekonomiya’t kapaligirang maaaring maapektuhan nito?
Ayon sa pagtatantsa ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), kokonsumo ang naturang proyekto ng 65 milyon hanggang 90 milyong litro ng tubig kada araw, ngunit maaaring humantong ito sa mataas na bayarin, lalo na at malaking dagok ito ngayon sa kadalasang pagkawala ng suplay ng tubig sa San Jose del Monte.
Gayundin ang masasayang na lupaing pwedeng sakahan ng mga pagkain, lalo na at higit 1,600 ektarya ang sasakupin ng proyekto, na pwede sanang magamit upang makapagpakain ng maraming Pilipino mula sa pagsasaka.
Pinangangambahan din ang ingay na maidudulot ng nasabing hub, ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment, dahil malaki ang magiging sigalot nito sa mga hayop na nakatira malapit rito, na makabubulabog sa kanilang tirahan.
Isa ring nakapanlulumong epekto nito ang badyang pagkuha ng mga mineral sa mga minahan dito sa Pilipinas, na kakailanganin upang gumawa ng mga data chip sa nasabing hub, ngunit magiging kapalit nito ang maraming bundok na mapapatag sa pamamagitan ng ganitong aktibidad.
Sa kabila ng mga epektong ito, nakikitaan raw ito ng malaking oportunidad, ayon sa Pangulo at Chief Executive Officer ng BCDA na si Joshua Bingcang, na makatutulong para sa maraming trabaho na tinatayang aabot sa higit 100,000 mabubuo, at pagpapaunlad ng pananaliksik.
Marahil sa mga mata ng dalawang pinuno ng bansa, isa itong malaking pag-unlad, lalo na at layunin itong palakasin ang ekonomiya ng bansa, taliwas naman ito sa nakikita ng taumbayan sa magiging kahihinatnan nito.
Marami ang nakatayang buhay at hanapbuhay na mabubuwag ng proyektong ito, kahit nakikitaan ng kaunlaran sa hinaharap, nararapat lamang na isipin ang mawawalan sa kasalukuyan, bago ito isakatuparan.