Ang Silaw ni Gng. Liwanag
by Angelyn Shanly Ganipan (12C - STEM) | Araw ng Pagkakalathala: Setyembre 2021
by Angelyn Shanly Ganipan (12C - STEM) | Araw ng Pagkakalathala: Setyembre 2021
Mula sa kanyang kinauupuan, naririnig ni Isabel ang pagta-Tagalog ng mga kababayan niyang Pilipinong nakaupo sa kabilang pasilyo. Gaya niya, pauwi na rin ng Pilipinas ang mga ito. Unti-unting namuo ang isang ngiti sa kanyang labi habang iniisip na sa wakas, pagkatapos ng apat na taong pag-aaral ng kolehiyo sa ibang bansa, ay makakauwi na rin siya.
Pagkasilip niya sa bintana ng eroplano, naalala niya ang kanyang sarili na nag-iisa; sa bagong lugar at walang pamilya at kaibigang malalapitan. Maraming beses na niyang ninais na mag-impake’t umuwi, ngunit ang mga katagang isinasaad ng kanyang guro noong siya ay nasa sekondarya pa lamang ang lagi niyang naiisip, at ito ang nagpapalakas sa kanyang kalooban. Ilang taon na ang nakalipas, ngunit sariwa pa rin ito sa kanyang isipan na para bang kahapon lamang nangyari.
“Isay!” marahas na sigaw ng kanyang ina. Maingat na lumapit ang isang 15-anyos na batang babae. “Bakit po.. , nay?” mahinang tanong niya habang kinakalikot ang mga daliri. Natatakot sapagkat iniisip na mapapagalitan siya sapagkat pinatawag ang kanyang ina ng kanyang tagapayo noong umaga upang ipaalam na patuloy na bumababa ang kanyang mga marka.
“Hanggang kailan mo ba balak na maging ganyan?” tanong ng inay kay Isabel. Pagtulo lamang ng luha ang naisagot ni Isabel sa tanong.
Mahusay mag-aral si Isabel noong nabubuhay pa ang kanyang ama, ngunit gumuho ang kanyang mundo nang isang araw ay nabalitaang nasagasaan ang kanyang ama at tuluyan nang pumanaw. Mula noon, naghirap ang kanyang pamilya, nagsimulang bumaba ang kanyang marka. Nawalan na siya ng inspirasyon upang magpatuloy pa.
Kasabay ng pag-iyak, nakatingin na lamang si Isabel sa kawalan habang pinagagalitan siya ng kanyang ina saka ibinulong “Pa, bakit ka pa kasi nawala?”
Kinabukasan, namamaga ang mga mata nang pumasok si Isabel ng paaralan. Napansin ni Gng. Liwanag na maghapon itong tulala sa klase at nang tumunog ang kampana ay dali-dali itong lumabas ng silid. Nagtaka si Gng. Liwanag sa inaasta ng kanyang mag-aaral kaya sinundan niya ito hanggang sa matagpuan itong humahagulgol habang nakaupo sa sahig ng banyo.
“Anong problema ‘nak?” tanong ng guro habang hinahaplos ang likod ng bata. Ikinuwento ni Isabel kung paano na niya kinamumuhian ang pag-aaral dahil naaalala niya ang kanyang ama. "Napakahirap po ma'am" luhaang sabi ni Isabel. “Anak”, tawag ni Gng. Liwanag. "Nauunawaan ko na hindi madali ang pinagdadaanan mo, ngunit kung may isang bagay akong sigurado, iyon ay ipinagmamalaki ka ng iyong ama at hindi niya magugustuhan na makitang ganyan ang kanyang unica hija, mataas ang pangarap niya para sayo at alam kong nais niyang maabot mo ito." Malambing na saad ng guro habang niyayakap siya. Nakaramdam ng kaginhawaan si Isabel sa sinabi ng kanyang guro. Mula rito'y nagkaroon siya ng motibasyon at pag-asa. Tumayo si Gng. Liwanag at inaya si Isabel na umuwi. "Tandaan mo, mahal ka ng iyong ina, makikita niya rin ang bunga ng paghihirap niya. Kailanman hindi dahilan ang hirap upang sumuko, magtiwala ka sa sarili mo, kasi naniniwala ako sayo, sinusuportahan kita." Tila ba nagkaroon ng liwanag sa paligid dahil sa malawak na ngiti ni Isabel nang marinig ang mga katagang iyon.
Bago umuwi si Isabel ay binisita niya muna ang libingan ng kanyang itay. Inalis niya ang mga dahon na nahulog sa puntod at umupo sa may damuhan. “Itay, kumusta na po kayo diyan?” tumingin siya sa kahel na langit, inaalala ang mga sandaling nakakasama niya pa ang kanyang ama. “Miss na miss ko na po kayo, itay.” huminga nang malalim si Isabel bago nagpatuloy. “Alam niyo po itay, ang hirap po ng buhay simula noong nawala ka, nahirapan si inay at napabayaan ko po ang aking sarili at ang aking pag-aaral… pero kanina po iminulat sa akin ng aking guro na hindi mo po nanaising makitang ganito ang aking lagay, patawad po itay.” Nabasag ang boses ni Isabel at nanginginig ang kanyang labi sapagkat puno siya ng pagsisisi, “pero huwag po kayong mag-alala itay, dahil mula ngayon pagbubutihin ko po, aayusin ko po ang aking buhay at tutulungan si inay. Hindi ko po kayo bibiguin. Nawa’y gabayan niyo po ako, kami ni inay lagi. Mahal na mahal ko po kayo itay.” Tumayo si Isabel habang pinupunasan ang luha at nakangiting nagpaalam sa kanyang ama.
“... lubos na nagpapasalamat kami sa patuloy na pagsakay at pagtangkilik ninyo sa Cebu Pacific. Maligayang pagdating sa inyong lahat!” Naputol ang pagmumuni-muni ni Isabel nang marinig ang anunsyo ng istuwardes, hudyat na nakalapag na ang eroplano, “andito na pala,” saad ni Isabel sa kanyang isipan habang inaabot ang kanyang munting pulang maleta na nasa lalagyan sa ibabaw. Sa kanyang paglabas, nadama ni Isabel ang simoy ng hangin na umihip sa kanyang mukha at ang init na nadama niya sa kanyang balat, “Nakauwi na rin sa wakas,” mahinang saad nito.
“Taxi!”, tawag ni Isabel pagkalabas niya ng paliparan. “Manong, sa 123 Juan De Santos St., Tondo Manila po,” nakangiting sambit niya habang nilalagay ng drayber ang kanyang maleta sa likod ng sasakyan. Araw ng mga guro ngayon at inimbitahan siya ng kanyang dating paaralan na magpahayag ng mensaheng nagbibigay pagkilala sa isa sa mga pinakamatagal na guro sa paaralan.
Makalipas ang isang oras na biyahe, nakita ni Isabel ang kanyang sarili sa tapat ng dati niyang paaralan, nakangiti siyang naglalakad papasok at sinalubong agad siya ng kasalukuyang punong-guro. “Maligayang pagdating, Isabel!” ani nito habang nakikipag-kamayan. Sa hindi kalayuan, napansin niya ang mga batang naglalaro ng taya-tayaan. “Wala pa rin po palang masyadong nagbago rito mula nang magtapos ako” saad niya. Kitang-kita ang tuwa sa kanyang mga mata. Bukod sa pagbibigay ng mensahe, nais niya ring sorpresahin ang kanyang dating guro na siyang naging inspirasyon niya upang maabot ang kanyang mga pangarap.
“Magandang umaga sa inyong lahat!” panimula niya sa kanyang mensahe. “Ako si Isabel Garcia at isa akong alumna ng ating paaralan. Nagtapos ako noong taong 2010, at ngayon ay isa na akong ganap na inhinyero” Isinalaysay ni Isabel na hindi naging madali ang daang kanyang tinahak upang marating ang pinaroroonan niya ngayon. “Maaga akong naulila sa aking ama. Sa murang edad, nagkaroon ako ng matinding depresyon at poot sa aking puso, subalit sa kabila ng lahat ng mga iyon ay naging matatag ako dahil sa isang guro. Nariyan siya noong mga oras na nais ko ng iwan ang lahat at maglaho, ngunit, ipinaalala niya sa akin na hindi dahilan ang hirap para ako ay sumuko. Nararapat lang na ako’y magtiyaga, magsipag at pagkatiwalaan ang sarili, at sa huli’y maaabot ko rin ang aking mga pangarap. Para sa aking pangalawang ina na walang sawang nagtiwala at sumuporta sa akin, Gng. Theresa Liwanag, maraming salamat po sa mensahe at inspirasyong ipinagkaloob mo sa aking buhay” Umakyat ang isang matandang babaeng nakasuot ng mabulaklak na bestida, sinalubong ni Isabel ang kanyang dating guro. “Ma’am, nagawa ko na po, nakapagtapos na po ako,” bulong niya kay Gng. Liwanag habang yakap ito. “Masayang-masaya ako para sayo, anak,” sagot nito. Bumitiw na sila sa yakap nang marinig ang palakpakan ng madla. “Maligayang araw ng mga guro po, Gng. Liwanag!”