Sa Tahimik na Palahaw
ni Angelyn Shanly Ganipan (12C - STEM) | Araw ng Pagkakalathala: Nobyembre 2021
ni Angelyn Shanly Ganipan (12C - STEM) | Araw ng Pagkakalathala: Nobyembre 2021
Matamis na ngiti, abot hanggang tainga.
Maligayang tinig, nakikipagbiruan pa.
Animo’y abot-langit ang kaligayahan,
Ngunit nanlilinlang lamang itong katauhan.
Nananatili sa apat na sulok ng silid.
Sa malamig at malalim na gabi,
Subalit, nananatili gising
Binabagabag nang malupit ang isip.
Binabalot ng kumot na dilim.
Isip ay di mapakali sa pangamba,
Puno ng lungkot at pagkabalisa.
Nagsimula lang nitong pandemya,
Palahaw ay hiling na mapakinggan.
Hindi biro ang ganitong laban.
Higit ang hirap sa anumang pampalakasan.
Ngunit walang dahilan upang sukuan.
Dahil may matibay na pader,
Tiyak na ito’y masasandalan.
Pamilya't kaibigan nariyan sa tabi,
Sinakop man ng dilim ang daigdig.
Pakakawalan ka mula sa pagkakagapos,
Pahihilumin ang isip at puso.
Patuloy silang mananatili,
Hanggang sa kalagayan ay mapabuti.
Anak, kaibigan, mga kakampi.
Kalungkutan at paghihirap ay maipapawi.
Alalahaning laging may araw pagkatapos ng ulan.
Minsan pa nga’y bahaghari na bagong pag-asa.
Sarili’y hindi mahihirapan.
Mapoprotektahan, sariling kapayapaan.
Manalig sa buhay na muling magsisimula.
Sa unti-unti pagbalik sa kasiglahan.
Sarili’y sisimulang muling alagaan.
Binago man mapaminsalang kalaban,
Buuin muli ang pinira-pirasong buhay.
Lumiwanag sa pagngiting tunay.
Pakislapin ang ningning sa mga mata,
Sa mga pumaligid, labis na magpasalamat.
Noong mga panahong, tila naging mag-isa.
Ibaon sa limot at huwag nang balikan.
Sapagkat may darating at makikinig.
Tiwala at panahon lang ang makakapagsabi.