ANG SORPRESA
ni Julia May Ching (8B) | Araw ng Pagkakalathala: Disyembre 2021
Masigla akong bumangon at bumaba mula sa kama nang may malaking ngiti sa aking mukha. Tumakbo ako palabas ng kwarto at sinalubong ang yakap ni inay.
“Inay, anong petsa na po ngayon?”, ang masiglang tanong ko sa kanya.
“December 1 na, anak”, sagot niya.
Pumalakpak ako sa tuwa. Disyembre na pala! Ito ang aking paboritong buwan sapagkat tila’y may mahika na pumapalibot sa panahong ito. Napakasaya ng bawat araw at gabi, lalo na sa tuwing nagsisilabasan na ang mga makukulay na mga parol at kumukutikutitap ang liwanag dala ng mga christmas lights sa labas.
“May sorpresa ako sa’yo sa Pasko.” nasasabik na sabi ni inay.
Nanlaki ang aking mga mata at hindi ko napigilang tumili sa tuwa. Ayaw sabihin ng aking inay kung ano ang sorpresang kanyang inihanda. Ito’y ‘di mawala-wala sa aking isipan buong araw, habang ako ay nasa online class. Kinuwento ko pa ito sa aking mga kaibigan at guro. Sabay-sabay naming hinulaan kung ano marahil ang sorpresang paparating. Pagkatapos ng aking klase, dali-dali akong kumuha ng pulang marker at binilugan ang petsa ngayon sa kalendaryo. Araw-araw ko itong gagawin hanggang sa sumapit ang Pasko.
Madaling lumipas ang mga araw. Nagbakasyon na rin ang mga mag-aaral ng aming paaralan. Hindi pa rin sinasabi ni inay sa akin kung ano ang kanyang sorpresa. Puno na ng pulang bilog ang kalendaryo namin. Dalawang araw na lamang ay Pasko na!
Kinabukasan, hindi ko na maitago ang aking pananabik at kasiyahan. Sumilip akong muli sa ilalim ng aming Christmas tree at binilang ang mga regalong nakalaan para sa akin.
Siguro isa sa mga regalong ito ang sorpresa ni inay, sabi ko sa sarili.
DING! DONG!
Napahinto ako sa pag-iisip nang marinig ko ang tunog ng doorbell. Agad-agad akong tumayo upang buksan ang pinto at salubungin si inay na galing sa palengke. Laking gulat ko nang makita sina lolo at lola mula sa pinto.
“LOLOOOOO! LOLAAAAAA!” aking sigaw sabay yakap at halik sa kanila.
Hindi ko maipaliwanag ang sayang aking nadarama. Dalawang taon ko silang hindi nakasama at nayakap nang dahil sa pandemya. Miss na miss ko na sila. Kahit dumami na ang kanilang mga puting buhok, marikit pa rin si lola at gwapo pa rin si lolo. Niyakap nila ako nang mahigpit at nakita kong napaluha si lola sa tuwa.
Masaya kaming nagkwentuhan buong araw. Ito na ang pinakamagandang sorpresa para sa akin sa paskong ito. Wala na akong ibang mahihiling pa. Kumpleto na ang aking Pasko.