TAYO AT ANG KASAYSAYAN
ni G. Roberto P. Lim Jr. | Nailathala Agosto 2021
Sa bawat araw na dumaraan, parati tayong nagkukuwento, ito man ay patungkol sa mga magagandang karanasan, mga maliliit o malalaking tagumpay, maging ang mga hindi kanais-nais na sinasapit. Bagama’t madaling hanapan ng dahilan ang pagkuwento natin sa bawat mga nabanggit, hindi pa rin kasimpayak nito ang pagsagot sa tanong na "Bakit tayo nagkukuwento?"
Nag-uumpisa ang pagkilala sa kasaysayan kapag kinikilala rin kung saan nga ba nagmula ang lahat ng ating mga isinasalaysay.
Ang mga pangyayari na ating sinasapit ay may katotohanan, kahit pa ito ay pinagdududahan, at hindi kinikilala ng iba. Ang ating mga karanasan ay nagiging bahagi, hindi lamang ng ating pagkatao pati na rin ng ating mundong ginagalawan. Kahit na ang ating mga karanasan ay isang bahagi lamang ng kabuuang katotohanan, hindi pa rin ito dapat itinatanggi, at tayo mismo ay may tungkuling tandaan, bigyan ito ng pansin, at ilahad. Sa pagsasalaysay natin nakakamit ang mga ito. Tayo ay nagsasalaysay dahil tayo ay nakararanas at nabubuhay.
Sa ating mga pagkukuwento ay mayroon din tayong gustong ilahad. Nais natin na sana’y nauunawaan din tayo ng ating mga kausap at mambabasa. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nauunawaan at sumasang-ayon ang nasa kabilang dako, ngunit hindi rin tayo humihinto at sumusuko sa pagpapahayag ng ating ginugusto. Ipinakikita natin ang mga aspekto at anggulo ng ating mga isinasalaysay sa paraang mauunawaan nila kung saan tayo nagmumula. Kapag napapaunawa natin sa iba ang mismong perspektibong minsan nating kinatayuan, para na ring pinararanas natin sa kanila ang ating sinapit, naisip, at nadarama. Tayo ay nagsasalaysay dahil mayroon tayong nais ipaglaban at iparating.
Minsan na nating naisip na sana'y hindi na magwakas ang ating mga matatamis na sandali. Sabik na sabik tayo sa susunod na pagkakataong maranasang muli ang mga masasayang alaala. Ngunit kinatatakutan din natin na maaaring hindi na ito maulit, na wala nang katulad ang kasiyahang nadama sa mga panahong iyon. Dahil diyan, binabalik-balikan natin hindi lamang ang mga masasayang yugtong ito. Binabalikan din natin ang bersyon ng ating mga sarili tuwing tayo ay halos nasa alapaap na dala ng saya. Walang ibang iniinda, walang ibang pinoproblema. Sa pagsasalaysay natin ito nailalahad sa pinakamadamdaming paraan. Tayo ay nagsasalaysay dahil gusto nating manatili, hindi lamang manatiling masaya, manatili rin sa mga sandaling hindi na sana natatapos.
Kadalasan ay nakakasalamuha lamang natin ang kasaysayan sa mga pang-akademikong konteksto. Ngunit sa mga dahilang nailahad, tayo’y namumulat na sinusulat din natin ang ating sariling mga kasaysayan, binibigyang pansin ang ating mga karanasan, at tinutugunan ang mga mas malalalim na tanong ng ating buhay. Hindi sa lahat ng pagkakataon ang kasaysayan ay panlipunan at pambansa. Sa katunayan, mahalagang bahagi rin ng mas malaking naratibo ng kasaysayan ang personal na karanasan at pamumuhay. Kung wala ang mga lumilikha ng mga sariling kuwento at kasaysayan, saan pa ba magmumula ang mga mas mahahalagang kuwento na ating inaabangan, sa ating mga kaibigan o kamag-anak? Saan pa ba manggagaling ang mga talakayan na inaasahan tuwing papasok na sa silid-aralan ang ating guro sa kasaysayan?
Tunay na malaking bahagi ng ating buhay ang nakaraan na pinalilitaw ng kasaysayan. Dahil ito ang nagiging pundasyon natin sa kasalukuyan. Ang mga ito ang nagbibigay-linaw sa kung bakit tayo natuto at nagbago. Ang mga hindi kanais-nais na kahapon, ay binabawi natin sa magandang ngayon sapagkat layon natin ibahagi ang masaganang bukas.