PNoy sa mga Pinoy
ni Julia May Ching (8B) | Nailathala Agosto 2021
Noong panahong karaniwang normal pa ang nararanasan na kung saan ang lahat ay maaaring pang lumabas, palagi nating naririnig ang reklamo ng lahat tungkol sa trapiko. Saan mang bahagi ng mga lungsod, talagang nararanasan ito. Noon, mas lalong naiinis ang marami dahil makikita kung paano naging espesyal ang mga politiko sapagkat nabibigyan sila ng mga espesyal na daan. Maririnig ang ingay ng mga sirena, wang...wang...wang! Ngunit, nang mailuklok ang isang pangulo na nagpabawal nito, nahinto ang espesyal na trato.
“Kayo ang boss ko!” isang linyang totoong pamilyar sa marami dahil naging tatak ito matapos maluklok ang bagong pangulo ng Pilipinas noong 2010. Ang pangulo ng bansang tunay na maririnig ang ganda ng sariling wika sapagkat sa anumang talumpati, mas madalas itong ginagamit. Siya si dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III o kilala rin bilang PNoy, na sumakabilang buhay na noong Hunyo ngayong taon.
Habang ginugunita ang araw ng kabisera ng bansa noong Hunyo 24, 2021, nagulantang ang Pilipinas dahil sa mga balitang nagsilabasan na mayroon ding mga video footage tungkol sa pagkamatay ni PNoy. Kinumpirma ito ng mga kaanak, at sinabi na ang dahilan ay Renal Disease secondary to Diabetes, kaya lubusang nagluksa ang mga Pilipino.
Si PNoy ang pangatlong anak nina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Senador Benigno Aquino Jr. Siya ang ika-15 pangulo ng Pilipinas na namuno mula taong 2010 hanggang 2016.
Paano nga bang naging PNoy sa mga Pinoy si Pang. Noynoy Aquino? Narito ang ilan sa mga ito:
Lumago ang ekonomiya ng bansa na may average na 6.2% sa panunungkulan ni PNoy. Ayon sa istatistika, ito ay ang pinakamabilis na pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas mula sa taong 1970. Naipakilala rin sa lahat ang sikat na Republic Act (RA) No. 10533 o Enhanced Basic Education Act of na tinatawag ding K-12 Education Reform na naglalayong maging world class ang sistema ng edukasyon sa ating bansa upang makasabay tayo sa mundo. Dagdag pa rito, ang RA No. 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 na nagbibigay sa mga mamamayan ng maayos, ligtas, at kalidad na impormasyon at serbisyo para makontrol ang labis na panganganak. Ang iba pang mga kilalang batas ay ang RA No. 10361 o Batas Kasambahay kung saan binibigyan ang mga domestic workers ng minimum wage, RA No. 10351 o Sin Tax Reform Act kung saan binago ang tax ng tabako at alak, at ang RA No. 10868 o Centenarians Act of 2016 kung saan binibigyan ng pribilehiyo ang mga taong umabot ng isang daang taong gulang.
Sa kanyang panunungkulan, nakaranas siya ng matinding pagbatikos dahil sa mga malalaking isyu nangayri noon. Una, ang pagkabigo sa pagligtas ng mga banyagang hostage sa Quirino Grandstand noong taong 2010. Ikalawa, ang diumanong mabagal at hindi maayos na pag-aksyon at paggamit ng pondo at donasyon para sa bagyong Yolanda noong 2014. Sa huli, ang Mamasapano Clash kung saan nasawi ang 44 na miyembro ng Philippine National Police - Special Action Force (PNP-SAF) habang nasa serbisyo noong 2015.
Marahil sa administrasyong PNoy, may mga nabalitang problema at mga pangyayaring hindi nagustuhan ng mga Pilipino gaya ng mga nabanggit, ngunit hindi ito dahilan upang hindi siya kilalanin na bilang isang mahusay na lider ng bansa dahil sa naging ambag ng kanyang administrasyon sa ikaayos ng Pilipinas.
Hindi maipagkakaila na maraming nagawa si PNoy para sa bansa. Gayundin ang naging intensyon niyang paunlarin at magbigay-serbisyo sa mga Pilipino. Ang mga batas at programang kanyang ipinatupad ay itinutuloy hanggang ngayon at sa susunod pang mga administrasyon.
Kasama sa mga batayan ng isang mabuting pinuno ang ugali at pagkatao, ngunit mas natutupad niya ang tungkulin sa pamamagitan ng mga nagawa habang nanunungkulan na magsisilbing pamana para sa bayan. Napatunayan ito ni PNoy. Sa anim na taon niyang pinamunuan ang bansa, tiyak na tumatak na sa kasaysayan ng Pilipinas.
Mula sa mga Pinoy, maraming salamat po PNoy!