Pagsaludo sa mga Atletang Pilipino!
ni Renjiro Nathaniel Chavez (11A - ABM) | Nailathala Agosto 2021
Naging maingay ang usaping pampalakasan o isports sapagkat katatapos lamang ng Tokyo 2020 Olympic Games na isinakatuparan noong Hulyo 23 hanggang Agosto 8, 2021 sa Tokyo, Japan. Gawa ng lumalaganap na sakit ngayon sa buong mundo na CoViD-19, marami ang naging pagbabago sa sistema at mga alituntuning dapat sundin, ngunit ang espiritung makakamit ng medalya at mabigyang pagkilala ang bansa, hindi nabago ng pandemya.
Sa nagdaang olympics, kitang-kita ang patuloy na pakikipaglaban ng mga atleta sa buong mundo. Mula sa paghahanda hanggang sa maisalang na sila sa laban. Ito ang mga naging laman ng balitang lumaganap sa internet. Ang bawat atleta ay nagsakripisyo, nagsikap, at puspusang nagpalakas ng kanilang mga sarili upang makalahok sa mga laro. Sinimulan nila ang pag-eensayo sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang kalusugang pangkaisipan, at pokus sa masinsinang pagsasanay. Kasabay ng disiplina ay ang mga mahahabang oras at nakakapagod na mga araw, mahigpit na disiplina sa pagkain, at ang tuloy-tuloy na pag-eehersisyo. Ito ang mga naging paghahanda na tunay na nagpapakita na hindi hadlang ang kasalukuyang sitwasyon ng mundo upang sila ay lumaban.
At ang mga atletang Pilipino ay hindi nagpahuli.
Sa gitna ng pandemyang ito, lahat ay may limitasyon at hindi basta-basta makapag-ensayo, lalo na sa mga panahong tumataas ang mga kaso ng COVID-19 at nagkaroon tayo ng malawakang pagsara ng mga lungsod at lugar na pag-eensayuhan. Bagamat may mga balakid, ang mga Pilipinong atleta ay matatag at hindi nawalan ng pag-asa. Kung kaya’t sila, kasama ang kanilang mga tagapagsanay, ay patuloy na lumaban at hindi nawalan ng pag-asa.
Ang pag-asa at pangarap ng koponan ng Pilipinas na manalo sa olympics ay natupad nang dahil sa pagkawagi ni Hidilyn Diaz sa isports na weight lifting na kung saan nabingwit niya ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa kaysayan ng olympics. Siya ang unang nagwagi sa mga Pilipinong lumaban. (Basahin ang artikulo tungkol sa kanyang pagkawagi sa link na ito)
Muling nagbigay-ingay ang Pilipinas sapagkat sunod-sunod na pagbingwit ng medalya ang nabalita. Dito’y tunay na nakilala ang mga Pilipino sa larong boksing, nagsipagwagi ng pilak na medalya sina Nesthy Petecio (women’s feather) at Carlo Paalam (men’s flyweight) samantalang si Eumir Marcial (men’s middle) naman ay nagkamit ng tansong medalya.
Matapos makuha ang pinakamalaking bilang ng medalyang naiuwi sa kasaysayan ng bansa, na may kabuuang apat na medalya: isang ginto, dalawang pilak, at isang tanso, tinapos ng Pilipinas ang Tokyo Olympics bilang pinakamahusay na bansang kalahok sa Timog-Silangang Asya.
Ang mga atletang nagsipagwagi ay pawang pinatunayan na ang mga Pilipino ay may kakayahang makipagkompetensya sa mga pinakamagagaling na atleta sa buong mundo, sapagkat nakamit nila ang mga kamangha-manghang mga resulta sa Tokyo Olympics.
Ngayong taon, 19 na kinatawan ng Pilipinas ang lumahok sa naganap na Tokyo 2020 Olympic Games. Marami man ang hindi pinalad na makatanggap ng medalya, ang pagkakataong masali bilang kinatawan ng bansang Pilipinas sa ganitong kalaking paligsahan ay isang karangalan, lalo’t na ipinakita at ibinigay ang kahusayan sa anumang larangan ng kompetisyon.
Hindi sumusuko ang mga atletang Pilipino upang matupad ang mithiing makapagbigay-parangal sa minamahal na bansa. Isa sila sa mga dahilan kung bakit nakikilala ang Pilipinas sa buong mundo. Nararapat lamang na ipagkaloob sa kanila ang pagsaludo. Mabuhay ang mga atletang Pilipino!