HAPAG NG QUARANTINE
ni Jayden Garcia (12B - HUMSS) | Araw ng Pagkakalathala: October 2020
Sa paglaganap ng Coronavirus Disease (COVID-19), naranasan natin ang iba’t ibang quarantine. Dito’y isinabatas at patuloy na isinasabatas ang pananatili sa kanya-kanyang tahanan hangga’t hindi pa ganap na nasosolusyunan ang pandemyang lumalaganap. Sa pananatiling ito, hindi maiiwasang mainip at mabagot, kaya marami ang naghahanap ng paraan upang mas maging makabuluhan ang pananatili sa loob ng bahay, may mapaglilibangan, at kumita ng pera.
Sa ECQ, MECQ, at GCQ, nananaig ang mga magagandang katangian ng mga Pilipino, isa rito ang pagkamalikhain. Hindi na ito maikakaila, kaya maging sa mga pagkain, ito ay naipamalas. Nagkaroon ng mga pagkaing nabigyang kulay na talagang nagpasaya sa hapag ngayong panahon ng quarantine.
Ang isa sa mga sumikat ay ang Ube-Cheese Pandesal. Karaniwang kinakain ang pandesal tuwing almusal at meryenda, kasabay ng mainit na kape, subalit gawa ng pananatili sa bahay ng bawat isa, nagkaroon ito ng bagong timpla. Sa halip na ordinaryong pandesal na lamang, hinaluan ito ng ube sa mismong tinapay at keso bilang palaman. Sa paraang ito nabibigyan ng kakaibang sarap at lasa ang nakasanayang pandesal ng mga Pilipino.
Tila nahumaling din ang lahat sa pagkaing Hapon na binigyan ng bagong itsura, ito ay ang Baked Sushi. Ang pagkakaiba nito sa kumbensyonal na sushi, ay ang pagkakabeyk ng mga sangkap nito, tulad ng sushi rice, crab sticks, salmon, fish roe o tobiko. Syempre hindi mawawala ang kapares nitong nori o seaweed paper. Kung kayo ay isang maituturing na sushi lover, tiyak na mas masasarapan kayo rito! Kung hindi naman kayo nahihilig, mayroon naman iba pang mga pagkain na hinango sa baked sushi, tulad ng Beef Nacho Bake, na ang sangkap ay giniling na baka, keso at mga tortilla chip, at baked shawarma rice, na gawa sa kanin, karne ng baka o manok, mga gulay tulad ng pipino at kamatis at keso.
Bago pa man mangyari ang quarantine, kinahihiligan na ng mga Pilipino ang mga lutuing Koreano lalo na ang Samgyupsal, kaya naisipang gawin itong Do-It-Yourself o DIY Samgyupsal. Katulad ng mga Koreanong restawran, nakahanda na ang mga kinakailangang kasangkapan tulad ng tiyan ng baboy o pork belly, litsugas, kimchi, at iba pang mga sangkap, hindi na kailangang tumungo sa mga kainan, maaari na itong gawin sa loob ng bahay, sapagkat naging mabenta sa mundo ng online ang mga ihawan na ginagamit para rito.
Tunay na naging bahagi na nga ng hapag ng mga Pilipino ang pagkaing pang-Koreano, kaya naman pati ang kinahihiligang kape ng marami, naimpluwensiyahan na rin nito. Mangawit man ang braso, hindi iindahin para makabuo ng Dalgona Coffee. Tinawag itong Dalgona dahil kahawig nito ang tradisyonal na kendi ng Korea. Kailangan lamang ng mainit na tubig, asukal at kape upang makagawa nito. Batihin nang matagal gamit ng hand-mixer hanggang sa maging makapal at foamy ang pagkakayari. Kung yari na, ilagay sa ibabaw ng gatas na nasa baso.
Hindi rin magpapahuli ang Mango Sticky Rice. Ito ay kilala bilang isang Thai delicacy. Ginawan ito ng mga Pilipino ng sariling bersyon kahawig sa pinagsamang suman at mangga, gumamit naman sila ng mga sangkap na nilalagay sa mga panghimagas ng Pilipino, ito ay ang malagkit na kanin, gata o katas ng niyog, at ang pinakaimportanteng sangkap ay ang mangga. Dahil dito, bagong panghimagas ang natikman.
Ang mga pagkaing nailahad ay hindi lamang nakapapawi ng pananabik sa mga pagkain, ito rin ay nakapagbibigay-daan sa iba upang kumita ng pera sa panahon ng pandemya. Kahit pa man nakakaranas ng paghihirap ang mga Pilipino, hindi pa rin sila nawawalan ng kakayahang makaraos sa mga hadlang na inihandog ng panahong ito. Ang pagiging madiskarte at malikhain ang nagsisilbing sandata nila bilang panlaban sa hirap. Kagaya nga ng isang kasabihan, "Kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan".
Nasubukan niyo na ba ang mga nabanggit na pagkain? Hindi ba‘t nakakatakam ang mga ito? Huwag mangamba, ang mga ito ay bahagi na ng hapag kaya kung mabibigyan ng pagkakataon, ito ay tikman upang hindi mahuli sa mga sumikat na pagkain simula nang nag-umpisa ang quarantine sa bansa.