BANTA(S) NG PANDEMYA
ni G. Daryl B. Teves | Araw ng Pagkakalathala: April 2021
Isang taon na ang lumipas.
Maraming nagbago at patuloy na nagbabago.
Maraming nawala at patuloy na nawawala.
Maraming umasa at patuloy na umaasa.
Sa paglaganap ng pandemya, binabalot ng takot at pangamba ang lahat. Natatakot na magkasakit dulot na nakamamatay na CoVid-19. Natatakot na mawalan ng minamahal sa buhay. Nangambang paano kikita at baka maapektuhan ang pinagkakakitaan. Nangambang kumilos na gaya ng dati. Hindi matatawaran ang naging epekto nito sa mundo. Agam-agam ay bumabalot. Pag-iisip ng bawat isa ay tunay na nilalamon at pinadudugo yaring puso. Pinahihinto nito maging ang sansinukob.
Sa ganitong pangyayari, libo-libong boses ang naririnig. Naghati-hati ang mga sintemyento at naging repleksyon ang mga emosyon. Nabigyang-buhay maging mga bantas na taglay ang mensahe ng delubyo:
Nagpahiwatig ng tutuldok (:) at nagsanga ng tuldok-kuwit (;)
Balikan natin ang nakaraang taon, kitang-kita, na ito’y magbubunsod sa iba’t ibang pangyayari. Nagkaroon ng mga serye ang mga sitwasyong epekto ng paglaganap ng sakit na CoVid-19. Nagpapahiwatig ng mga sanga-sangang pahayag na nag-iisa-isa ng mga nangyari, nangyayari, at mga mangyayari.
Naging tuldok (.)
Hindi maikakaila na maraming winakasan ng buhay. Sa libong-libong tala, tiyak na mababahala. Marami rin ang huminto sa pagkayod dahil nawalan ng hanapbuhay. Mga namamalimos sa lansangan, tunay kang maaawa. Tumigil ang mga dating kinagawian. Nabigyan-daan ang diwa ng mga gawaing bagong normal na pilit mong isinasabuhay.
Nabigyan-daan ang kuwit (,)
Listahan ng mga pangalang nagkakasakit ay lalong humahaba gayundin naman ang mga gumagaling. Naiisa-isa ang mga suliraning kinahaharap ng sarili at ng bansa gayundin naman ang mga solusyong tumutugon.
Nagpabula ng tandang pananong (?) at tandang padamdam (!)
Marami ang naging tanong na lumitaw – Ano ang dapat gawin? Sino ang dahilan? Saan nagmula? Kailan matatapos? Bakit nangyayari? Paano nangyarI? Ito ang mga tanong na nagpaangat ng damdamin ng bawat indibiduwal – may mga nalungkot, natakot, nangamba, nagalit, mayroon din namang nagbigay-saya, ligaya, at pag-asa. Sa bawat tanong ay talagang natutumbasan ng emosyon.
Walang sinuman sa atin ang hindi naapektuhan ng pandemyang ito. Ngunit, itong pandemya ba ang tunay na magbibigay-tuldok? Ihihinto ba nito ang pag-asang patuloy na mabuhay? Totoong hindi biro ang mabuhay sa ganitong sitwasyon subalit huwag hayaang dito’y tumigil. Marahil pinahinto pero isiping may bagong mga pahayag na muling magbibigay ng mensahe sa iyong pagkatao at buhay. Minsan ay kailangan lamang ng kuwit upang huminto nang panandalian. Sa puntong ito’y nabibigyan ka ng pagkakataong huminga upang sa mga hindi kaaya-ayang pangyayari, masisilayan din ang liwanag na magbibigay ng bagong ikaw. Huminga nang malalim at magbugha ng hangin na may kasamang pag-asa. Sa ganitong pagkakataon, ang mga paglitaw ng tandang pananong ay kagyat na mabibigyang ng solusyong tutulong upang manaig ang mga magagandang emosyong magbibigay-lakas sa bawat tandang padamdam ng puso. Huwag hayaang mangibabaw pa ang seryeng gamit ang tutuldok ng hindi magagandang panyayari. Isang taon na ang lumipas, marahil litaw ang pagkalala ng pandemya, gumawa ng kilos at aksyong may pag-iingat upang makatutulong sa iyo. Isa-isahin ang mga ito sa bawat pagitan ng tuldok-kuwit ng buhay mo.
Hindi biro ang pinagdaraanan ng mundo. Totoong krisis ang hinaharap nito. May mga nagsisilitawang sistemang hindi lubos na mapamilyar kaya ipinamumulat na tayo ang tatayo para makasabay sa daloy ng agos ng buhay. Sarili ang susi sa paghulma ng diwa, mensahe, kaisipan, at kahulugan ng pagkatao.