MGA GURONG HINDI SUMUSUKO
MGA GURONG HINDI SUMUSUKO
ni Kaleah Dominique Sy (10A) | Araw ng Pagkakalathala: Setyembre 2020
Ilang buwang hindi makalabas
Para bagang mga paa’y nakakadena.
Malapreso ang pakiramdam
Na nais nang makawala.
Maging ang ikalawang tahanan,
Hindi mapuntahan dahil sa pangamba.
Subalit ang karunungang yaman,
Patuloy pa ring pinasisigla.
Ito’y sa tulong ng mga guro,
Mga gurong hindi sumusuko.
Ngayong may pandemya,
Pagkatuto’y walang hanggan.
Dahil sa iyong mga iniaalay,
Sa iyong paggagabay,
Bayaning patuloy na lumalaban.
Mga hamon ng bagong normal.
Hinarap mo,
Nilalabanan mo,
Upang kaming mga natututo,
Pagkabilanggo sa tahanan,
Mas maging makabuluhan.
Pasasalamat sa mga paghihirap,
Sa dugo’t pawis para sa aming mga pangarap.
Hindi man agad na nasusuklian,
Asahan niyo po,
Dadalhin ang mga ito sa pang-araw-araw,
Lalo na sa aming tagumpay.