Ang panitikan ay salamin ng kaluluwa ng sambayanan. Sa mga pahinang ito ng Sinupan sa Filipino, tampok ang mga klasikong akda, kontemporanyong literatura, at panitikang-bayan na nagpapahayag ng damdamin, karanasan, at kasaysayan ng mga Pilipino. Layunin nitong muling buhayin at pahalagahan ang yaman ng ating panitikan mula sa mga epiko ng ating ninuno hanggang sa makabagong tula at sanaysay ng kasalukuyan. Dito, binibigyang-puwang ang malikhaing paglikha, masusing pagsusuri, at pagbasa sa mga salitang bumuo sa ating pagkatao bilang isang bayan.
Ang panitikan ay nagsasabi o nagpapahayag ng mga kaisipan, mga damdamin, mga karanasan, hangarin at diwa ng mga tao at ito rin ang pinakapayak na paglalarawan lalo na sa pagsulat ng tuwiran o tuluyan at patula.
Ang salitang panitikan ay nanggaling sa salitang "pang-titik-an" na kung saan ang unlaping "pang" ay ginamit at hulaping "an" at sa salitang "titik" naman ay nangunguhulugang literatura (literature), na ang literatura ay galing sa Latin na litterana nangunguhulugang titik.
Nagsasalaysay din ito sa pamahalaan, lipunan at mga pananampatalaya at mga karanasang may kaugnay ng ibat ibang uri ng damdamin tulad ng pag-ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag-asa, pagkapoot, paghihiganti, pagkasuklam, sindak at pangamba.
Uri ng Panitikan
TULUYAN O PROSA
PATULA
Nagpapahayag ng damdamin. Ito'y isinusulat ng pasaknong.
Dahilan sa Pag-aaral ng Panitikang Pilipino
Upang makilala ang kalinangang Pilipino, malaman ang ating minanang yaman ng kaisipan at taglay na katalinuhan ng lahing ating pinagmulan.
Upang matalos natin na tayo'y may marangal at dakilang tradisyon na nagsilbing patnubay sa mga impluwensya ng ibang mga kabihasnang nanggaling sa iba't ibang mga bansa.
Upang mabatid natin ang mga kaisipan sa ating panitikan at makapagsanay upang maiwasto ang mga ito.
Upang malaman ang ating mga kagalingan sa pagsulat at mapagsikapang ito ay mapabuti at mapaunlad
Bilang mga Pilipinong mapagmahal at mapagmalasakit sa ating sariling kultura ay dapat nating pag-aralan ang ating panitikan. Tayo higit kanino man ang dapat magpahalaga sa sariling atin.
Mga Akdang Pampanitikan
(Akdang Tuluyan)
Isang uri ng panitikan na nagkukuwento tungkol sa mga pinagmulan ng mga bagay-bagay sa daigdig. Karaniwang nagsasalaysay ang mga ito ng mga pangyayari hinggil sa tunay na mga tao at pook, at mayroong pinagbatayan sa kasaysayan. Kaugnay ang alamat ng mga mito at kuwentong-bayan.
Halimbawa:
Alamat ng Bayabas
Isang uri ng akdang tuluyan na tumatalakay sa kakaiba o kakatwang pangyayaring na ganap sa buhay ng isang kilala, sikat o tanyag na tao. Ito ay may dalawang uri: kata-kata at hango sa totoong buhay. Ito rin ang mga ginagawa ng mga pagpapaliwanag sa mga ginagawa ng mga tao.
Halimbawa:
Ang Tsinelas ni Jose Rizal
Ang nobela ay isang mahabang kathang pampanitikan na karaniwang binubuo ng maraming kabanata. Ito ay naglalahad ng mga pangyayaring pinagkakabit-kabit sa pamamagitan ng isang mahusay na balangkas, kung saan ang pangunahing layunin ay maipakita ang hangarin ng mga tauhan bida man o kontrabida sa isang malikhaing pagsasalaysay ng magkakaugnay na mga pangyayari .
Halimbawa:
Bata, Bata Paano ka ginawa? ni Lualhati Bautista
Isang uri ng kathang-isip na panitikan kung saan mga hayop o kaya mga bagay na walang-buhay ang gumaganap na mga tauhan, katulad ng leon at daga, pagong at matsing, at lobo at kambing. May natatanging kaisipang mahahango mula sa mga pabula, sapagkat nagbibigay ng mga moral na aral para sa mga batang mambabasa. Tinatawag din itong kathang kuwentong nagbibigay-aral.
Halimbawa:
Ang Aso at ang Uwak
Isang maikling kuwentong may aral na kalimitang hinahango mula sa Bibliya. Isa itong maikling salaysay na maaaring nasa anyong patula o prosa na malimit nangangaral o nagpapayo hinggil sa isang pangyayari, na kadalasang isinasalarawan a ng isang moral o relihiyosong aral. Taliwas sa pabula, ang parabula ay walang inilalaho na tauhang hayop, halaman, bagay, at puwersa sa kalikasan na pawang kumikilos at nagsasalita gaya ng tao.
Halimbawa:
Ang Mabuting Samaritano
Ang maikling kuwento ay isang masining na anyo ng panitikan. Isa itong maikling salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Tulad ng nobela at dula, isa rin itong paggalugad ng realidad, ngunit ang kaibahan nito ay nakatuon lamang sa isang tiyak at madulang pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan. Si Edgar Allan Poe ang itinuturing na “Ama ng Maikling Kuwento.”
Halimbawa:
Pangarap
Isang anyo ng panitikan na inilalahad sa tanghalan o entablado. Ipinapakita nito ang mga kilos, damdamin, at paniniwala ng mga tauhan sa pamamagitan ng dayalogo at aksyon. Layunin nitong libangin, magturo ng aral, o pumukaw ng damdamin.
Isang akdang pampanitikan na naglalaman ng pananaw, kuro-kuro, o opinyon ng may-akda tungkol sa isang paksa. Maaring pormal o di-pormal, at layunin nitong magpabatid, magpaliwanag, o manghikayat.
Isang pagsasalaysay ng mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao. Maaaring ito ay talambuhay na paalala (isinulat ng ibang tao) o autobiyograpiya (isinulat ng mismong may-akda tungkol sa sarili niya). Binibigyang-diin dito ang mga tagumpay, suliranin, at kontribusyon ng isang indibidwal.
Ang kwentong bayan ay isang uri ng panitikang pasalindila na nagsasalaysay ng mga pangyayari hinggil sa mga tauhang likhang-isip ngunit hango sa mga karanasan, paniniwala, at kultura ng isang bayan o lahi. Karaniwan itong pinapasa mula sa matatanda patungo sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagsasalaysay.
Isang masining na pagpapahayag ng ideya o damdamin na binibigkas sa harap ng madla. Karaniwang may layuning manghikayat, magbigay-impormasyon, o magbigay-pugay sa isang okasyon o isyu.
Mga Akdang Pampanitikan
(Tulang Pasalaysay)
Isang mahabang tulang pasalaysay tungkol sa mga kabayanihan ng isang pangunahing tauhan na may pambihirang lakas at kapangyarihan. Kadalasang bahagi ito ng panitikang oral ng mga katutubo.
Halimbawa:
Biag ni Lam-ang (Iloko), Hudhud (Ifugao)
Ito ay mga idyomatikong pahayag o matatalinghagang salita na may di tuwirang kahulugan. Hindi literal ang kahulugan at kailangang unawain sa konteksto ng kulturang Pilipino.
Halimbawa:
Itaga mo sa bato – Tiyak na tiyak
May krus sa dibdib – May mabigat na dinadala o kasalanan
Mga kasabihan o araling-buhay na nagbibigay ng gabay sa tamang asal at pananaw sa buhay. Karaniwang may aral at ginagamit ng mga matatanda.
Halimbawa:
Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.
Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit.
Isang palaisipan sa anyong patula na may sukat at tugma. Layunin nitong subukin ang talino sa paghula ng tamang sagot.
Halimbawa:
Hindi tao, hindi hayop, nagsusuot ng sumbrero.
– (kabute)
Isang awit o himig na kadalasang nagpapahayag ng damdamin, kwento, o karanasan. Maaaring ito ay panlibangan, pampatulog (oyayi), pantrabaho (soliranin), o panrelihiyon.
Isang maikling tulang Pilipino na binubuo ng apat (4) na taludtod, bawat isa ay may pitong (7) pantig. Karaniwang may aral at ginagamit noon bilang anyo ng bugtong o salawikain.
Halimbawa ng Tanaga:
Kung di ukol, di bubukol,
Bawat kilos may timbangan,
Ang buti ay igaganti,
Sa sama ay may kabayaran.
Sa paglalakbay natin sa masalimuot ngunit makulay na daigdig ng panitikan, ating nasasaksihan kung paanong ang mga salita ay nagiging buhay, nagkakaroon ng tinig ang katahimikan, nabibigyang hugis ang damdaming matagal nang kinikimkim, at nasasalamin ang lipunang ating ginagalawan. Ang panitikan ay hindi lamang koleksiyon ng mga akdang isinulat ng mga dakilang manunulat; ito ay salamin ng ating kasaysayan, kultura, paniniwala, at pagkatao bilang isang lahi.
Mula sa mga kwentong bayan na pinanday ng bibig ng ating mga ninuno, hanggang sa mga makabagong akda sa panahong digital, nananatiling buhay at makapangyarihan ang panitikan sa pagpapanday ng kaisipan at kamalayan. Dito natin nauunawaan ang ating nakaraan, natutuklasan ang ating mga halaga, at nabubuo ang mga panibagong pananaw na maaaring maging gabay sa pagharap sa hinaharap.
Hindi panitikan ang panitikan kung wala tayong kakayahang makiramay, makiugnay, at tumugon sa mga mensaheng taglay nito. Kaya’t higit sa lahat, ang panitikan ay paanyaya, isang bukás na pintuan tungo sa mas malalim na pag-unawa sa sarili, sa kapwa, at sa bayan.
Sa bawat pahina ng tula, sanaysay, kwento, o dula, nawa'y matagpuan natin ang bahagi ng ating sarili, at mahikayat tayong lumikha rin ng sariling akdang maaaring maging tinig ng kinabukasan. Pagyamanin natin ang panitikan, hindi bilang simpleng asignatura sa paaralan, kundi bilang buhay na yaman ng ating lahi, isang pamana na dapat ipagmalaki, ingatan, at ipasa.