When government works
ENERO 28, 2026 10:00 AM PHT
Grace De Los Reyes
ENERO 28, 2026 10:00 AM PHT
Grace De Los Reyes
Kung kaya ng lokal na pamahalaan, dapat lamang na mas kayanin ng nasyonal na pamahalaan.
Kung nakatira ka sa Pilipinas, mapipilitan kang maging matatag at humangad nang walang tigil para lamang sa kahit na anong pagbabago sa sistemang tila hindi ka maiahon. Sa bawat anomalya, away, at sakim sa nasyonal na pamahalaan, lalong lumalayo ang gobyerno sa atin. Sa puntong ito, mahirap nang magtiwala sa pamahalaan. Kaya naman, nakakapagpasaya na may ilang lokal na pamahalaan—gaya ng Calamba—na taos-pusong inilalapit ang gobyerno sa mga mamamayan sa pamamagitan ng sari-saring libreng serbisyo para sa mga kababayan nating nasa laylayan sa ilalim ng Alagang Lazaro (AL) na inilunsad ng Vice Mayor ng Calamba, Angelito “Totie” Lazaro.
Sa totoo lang, ang AL ay isang programang hindi ko aakalahin na magmumula sa vice mayor. Kung iisipin, ang AL ay isang programang wala naman sa tradisyonal na saklaw ng posisyon ng isang vice mayor na ang sentro ay legislative na sangay. Mula sa mga libreng binyag at kumpil, kasal, gupit, legal service, at kabaong, hanggang sa mga iba’t ibang serbisyong medikal gaya ng ilulunsad sa Pebrero na eye care, dental care, at marami pang iba. Ang ironic na ang isang lokal na opisina—na hindi naman pangunahing itinalaga para sa ganitong uri ng serbisyo—ang mas maayos na nagagampanan ang trabahong hindi nagagawa ng estado.
Hindi ko sinasabing perpekto ang Alagang Lazaro kaya ito kahanga-hanga, kundi malinaw nitong ipinapakita kung gaano karaming batayang serbisyo ang matagal nang dapat inaabot ng estado—ngunit ngayon lamang nararamdaman sa pamamagitan ng isang lokal na inisyatiba.
Sa kasalukuyan, nananatiling konsistent ang Vice Mayor sa pagpapatupad at koordinasyon ng Alagang Lazaro. Sa ngayon, nakatakda na ang paglulunsad ng programa sa 10 barangay, katuwang ang mahigit 89 non-government organizations (NGOs), at marami pang nagnanais na makilahok at mag-apply bilang bahagi ng programa. Higit pa rito—at ito ang isang aspeto ng AL na tunay kong hinahangaan—isa sa mga rekisito para makasali ang isang NGO ay ang pagtatanim ng mga punong mula sa City Environment Office ng Calamba. Dahil sa iba’t ibang organisasyon dito, mas nasisiguro ng AL na lahat ng nangangailangan ng serbisyo ay mabibigyan—mayaman man o mahirap—nang walang hinihingi kundi barangay request letter lamang
Lahat ng ito ay nagpapakita na ang AL ay hindi lamang isang programa na basta-basta lamang, isa itong ehemplo ng kung anong klaseng gobyerno ang nararapat sa atin—maalaga at may kusa. Totoo, sari-sari rin ang serbisyong alay ng nasyonal na pamahalaan. Ngunit ang tanong ay hindi kung may programa, kundi kung naaabot ba talaga nito ang mga higit na nangangailangan, mas lalo na’t 59% ng populasyon ay nasa low-income group at mas lalo na’t talamak ang korapsyon sa bansa.
Karagdagan, ang pag-alalay ng mga serbisyo ay ang minimal na kailangang gawin ng isang estado lamang—at kailanmang hindi dapat tayo pumapayag na hanggang sa ganito lang ang ating natatanggap. Ang good governance ay ang nakararapat na standard na nakikita sa aksyon ng isang gobyerno, hindi ito panaginip lamang. Kung kaya ng lokal na pamahalaan na ibida ang maayos na pamamahala, dapat lamang na mas kayanin ito ng nasyonal na pamahalaan.
Sa huli, hindi ang tanong ay kung hanggang kailan tatagal ang Alagang Lazaro, kundi kung kailan muling matututong umabot ang estado sa mamamayan—nang sa wakas ay makasabay sa ehemplo na ipinapakita ng mga lokal na pamahalaan gaya ng Calamba at maramdaman na ng bawat Pilipino ang tunay na aruga at maayos na pamamahala. Kailangan ng nasyonal na pamahalaan ng hiya at katarungan upang makamit ito, at bilang mga Pilipino, hindi dapat tayo kailanmang tumigil sa paghangad nito.