Iangat ang EduKALIDAD
ENERO 26, 2026 10:00 PM PHT
Jenelle De Torres
ENERO 26, 2026 10:00 PM PHT
Jenelle De Torres
Sa gitna ng patuloy na pagbagsak ng academic proficiency ng mga mag-aaral, panahon na upang unahin ng LGU ang konkretong solusyon—mula sa pasilidad, learning materials, hanggang nutrisyon—upang matiyak na ang bawat Calambeño ay may tunay na pagkakataong matuto at umunlad.
Nakapanlulumo man kung iisipin ang tuluyang pagbagsak ng “proficiency rate” o kakayahang pang-akademiko ng mga mag-aaral sa bansa, kung tutuusin, bukas pa rin ang posibilidad na maresolba ang krisis na ito sa dibisyon lalo na kung ang lokal na pamahalaan ng Calamba ay pagmumulan mismo ng inisyatiba, sa halip na umasa lamang sa nasyonal na programa.
Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2),mula sa 30.52% 'proficiency rate' sa ikatlong baitang, dumausdos ito hanggang sa 0.47% sa Baitang 12. Nakalulungkot ang katotohanang sa paglaki ng mga Pilipinong mag-aaral, sa halip na madagdagan, ay nababawasan ang kanilang kakayahang sumabay sa mga araling angkop sa kanilang edad.
Bilang isang estudyante, masasabi ko na sadyang tunay na ang pagbaba ng kakayahang matuto ng mga kapwa ko mag-aaral ay hindi lamang nag-uugat mula sa personal na dahilan. Malaking aspeto rin ang pisikal, sosyal at mas lalong higit na sa mental na kaligiran ng mag-aaral. At dahil sa patong-patong na kurikulum at kulang-kulang na programa, lumalaki ang puwang sa kakayahan ng mga mag-aaral.
Kung kaya’t marapat simulan ng administrasyon ni Vice Mayor at Committee on Education Head na si Angelito “Totie” Lazaro ang pagtugon sa mga kakulangan pagdating sa mga paaralan, silid-aralan, at napapanahong aklat o learning materials lalo pa’t mayroon nang itinataguyond na Classroom-Building Acceleration Program ang senado sa tulong ni Congresswoman Charisse Hernandez. Tunay na damang-dama ng bawat estudyante kung gaano kahirap matuto sa tuwing hindi kumpleto ang mga pasilidad at kagamitan sa laboratoryo ng mga pampublikong paaralang aking pinapasukan, kaya isa ito sa mga dapat na ipriyoridad ng ating lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, hindi lamang ito problema para sa mga mag-aaral, ngunit gayundin sa kaguruan gayong sila ang minsang sumasalo sa gastusin at hirap ng pagtuturo nang walang sapat na materyales na panturo. Senyales na ito upang sumilip muli ang lokal na pamahalaan sa kalagayan ng bawat paaralan upang matugunan ang ganitong isyu.
Gayunpaman, higit na nagpapasalamat ako sapagkat nabigyan na ng pansin ang kalusugan ng ating mga guro sa pamamagitan ng pagpapadali ng pagkuha ng Health Maintenance Organization (HMO) card, ngunit tila nahuhuli pa rin ang alaga sa ating mga mag-aaral. Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 75% ng out-of-school-youth ay nanggagaling sa mga mahihirap na pamilya, kung kaya’t marami sa kanila ay pinipiling mag trabaho na lamang para lamang may makain ang pamilya. Kaugnay nito, ayon naman sa Global Hunger Index ng Pilipinas, 26.7% ng kabataan ay nakararanas ng malnutrition.
Kaya naman, sa ganitong konteksto, mayroon nang nagaganap na usapan sa senado tungkol sa pagpapatupad ng mga feeding programs sa mga paaralan. Ika nila ay sa pamamagitan ng mga ganitong programa ay mahihikayat natin ang pamilya ng bawat bata na papasukin ang kanilang mga anak upang matuto at makakuha ng sustansya. Pero, alam kong hindi pa naipatutupad ang ordinansang ito, mabuti pa ring pag-isipan ng ating lokal na pamahalaan ang pagpapatupad nito.
Samantala, ito na rin ang pagkakataon upang ang lokal na pamahalaan ay makipag-ugnayan sa ating mga magsasaka. Ang mga produktong gagamitin sa mga libreng pakain ay maaaring direktang bilihin mula sa ating mga mag-sasaka. Sa ganitong kaparaanan, hindi lamang masosolusyonan ang problema sa kalusugan, subalit masisigurado ring hindi rin mapupunta sa wala ang dugo’t pawis ng mga lokal na prodyuser.
Kahit na sabihin nating mayroon nang mga programang isinusulong ang ating nasyonal na pamahalaan upang mas ipabuti ang edukasyon, kagaya ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, at iba pang intervention programs, kailanma’y hindi ito magiging sapat kung hindi rin gagalaw ang lokal na pamahalaan. Dahil, kung titingnang mabuti, malaki ang problema na ikinakaharap ng ating bansa sa edukasyon, at ang isang tapat at mahusay na lokal na pamahalaan lamang ang makasisigurong ang mga programang itinataguyod ng nasyonal na pamahalaan ay mararanasan ng bawat Calambeño.
Sa kabuoan, bagaman malaki ang papel ng halaga ng pondong hawak ng pamahalaan, mas mabigat ang ginagampanan ng kaparaanan ng paggasta sa mga kayamanang ito. Kung tunay ngang ang kapakanan ng bawat Calambeño ang pangunahing priyoridad ng lokal na pamahalaan, maasahan natin mula sa kanila ang maagang pagkilos upang maagapan ang bumubulusok pababang antas ng kakayahan ng mga mag-aaral sa ating bayan.