AI-yusin ang sistema
ENERO 26, 2026 4:00 PM PHT
Sanggunian
ENERO 26, 2026 4:00 PM PHT
Sanggunian
Guhit ni: Lian Ballecer
Kulay ni: Grace De Los Reyes
Habang patuloy na humahina ang kalidad ng edukasyon sa bansa at nananatiling hamon ang ‘di tapat na pamamahala, sa halip na ituring ang AI bilang balakid, nararapat lamang itong gamitin bilang katuwang sa makabuluhang pagbabago.
Sa gitna ng kaliwa’t kanang krisis na kinakaharap ng bansa, panahon na upang tingnan ang AI hindi bilang distraksiyon, kundi bilang katuwang upang itaas ang lumalagapak na lagay ng edukasyon sa bansa at labanan ang dilim na dala ng korapsiyon. Sa ganitong konteksto, isang tagumpay para sa mga Calambeños ang pag-usbong ng inisyatibang Accelerating Governance and Adaptive Pedagogy through Artificial Intelligence (AGAP.AI)—lalo’t nagmula mismo kay Angelito “Totie” Lazaro, ang Vice Mayor ng lungsod at kasalukuyang pinuno ng Committee on Education, na mayroong sapat na pondo upang suportahan ang programa.
Nakatutuwang makita ang kahandaang ito, hindi lamang sa aspetong pinansiyal, ngunit lalo na sa pagkakaroon ng tapat na layuning gamitin ang teknolohiya sa paglikha ng makabuluhang pagbabago sa Calamba.
Sa ilalim ng proyektong AGAP.AI mula sa Department of Education (DepEd), maihahanda at matututo, hindi lamang ang mga mag-aaral, kundi lahat ng Pilipino, kung papaano gamitin ang mga makabagong teknolohiya’t imbensiyon sa paaralan at sa komunidad. Magkakaroon ng pambansang pagsasanay na inaasahang makakaabot sa hanggang 1.5 milyong kalahok, kabilang ang 1.05 milyong mag-aaral, 300,000 guro, at 150,000 magulang. Sa tamang paggamit ng pondong inilaan para dito, tiyak na mababawasan ang pangamba sa paggamit ng AI at mas mapapalawak ang mga benepisyong maibibigay nito sa pang-araw-araw na buhay.
Hindi mapipigilan ang pag–usbong ng mga makabagong teknolohiya sa 21st century. Sa katunayan, ayon sa The Digital Report 2026 na inilabas ng mga kompanyang Meltwater at We Are Social, 42 porsiyento ng mga Pilipino sa internet ang gumamit ng ChatGPT sa nakaraang buwan. Bukod pa rito ang mga mamamayang hindi man gumagamit, subalit regular na nakasasalamuha ng AI-generated contents mula sa ChatGPT, Quillbot, Gemini, Canva AI at iba pang mga aplikasyon—malinaw na nagpapakita kung paano ang teknolohiya ay naging integral na bahagi ng pakikipag-ugnayan at paggawa ng mga tao.
Sa kabilang banda, tunay namang hindi lahat ng mag-aaral at kaguruan ay mayroong kakayahan upang makabili ng gadgets. Hindi rin maisasawalang bahala ang takot na baka ang AGAP.AI ang maging rason ng pagkawala ng trabaho ng kaguruan at iba pang opisyales sa pamahalaan, siyang mag-uugat sa pangambang dedepende na lamang ang mga Pilipino sa AI. Bagaman mayroon ngang tsansang lumala ang mga balakid na ito, mayroon ding pagkakataon upang bumaling pa sa pangmalawakang digitalisasyon kung kaya’t mas nangingibabaw pa rin ang gamit ng AI bilang suporta sa trabaho’t pagkatuto, at hindi bilang isang pamalit.
Kaugnay nito, maraming nagsasabing ang tuluyang pag-asa sa AI ay siya ring magpapalabo sa direksiyon ng edukasyon sa Pilipinas. Kasabay ng pag-usbong ng iba’t ibang AI tools ay ang paglobo ng bilang ng mga “functionally illiterates” sa bansa na tumuntong na sa 24 milyon, ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2). Ngunit kung pagtutuunan ng pansin ang limitasyon ng integrasyon ng AI sa edukasyon, tiyak na mas magiging episyente ang pagkatuto ng mga mag-aaral mula sa pinakasimple hanggang sa mga komplikadong aralin—siya ring makapagpapagaan ng mga trabaho ng kaguruan.
Sa madaling salita, sa halip na labanan ang puwersa ng AI, mas makabubuti kung sasabayan ang lawak ng impluwensiya nito, at lubos itong mapakikinabangan kung ang dibisyon ay handa—sa kagamitan at pondo—na harapin ito. Bukod sa solusyong dala nito sa depektibong sistema ng edukasyon, napapanatili rin ang interes ng mga tao, partikular na ng mga bagong henerasyong Gen Z at Gen Alpha—bagay na naayon din sa makabatang pamamahalang pinaiiral sa Calamba.
Karagdagan pa, maliban sa episyente at responsableng paggamit ng AI, matututo rin ang mga Pilipinong suriin ang kanilang nababasa’t nakikita; hindi lamang mawawakasan ang paglaganap ng ‘fake news,’ subalit madadagdagan pa ang mga taong marunong magsuri ng tunay mula sa peke.
Samantala, kung pag-uusapan ang “transparency” sa pamumuno na siyang makikita sa administrasyon ni Vice Mayor Lazaro, higit na makatutulong ang AI sa pagsasapubliko ng mahahalagang impormasyon gayong magiging sistematiko ang pagtatala ng mga detalye, mawawalan ng lugar para sa manipulasyon ng datos at higit sa lahat, matutuldukan ang korapsiyon.
Kung susumahin, matagal nang itinuturing ang paggamit ng AI bilang isang “distraksiyon” o kaya nama’y “katamaran” lalo na sa usapang edukasyon. Subalit sa panahon ngayon kung saan matagal nang naglaho ang tiwala ng mga mamamayan sa mga namamahala at sa mga inisyatibang walang kakayahang iresolba ang depektibong sistema, marahil oras na upang bumaling sa integrasyon ng mas pinaigting na AI sa pag-aaral, pagtuturo, at pamumuhay lalo na’t abot-kamay na ang mga kasangkapan sa maayos na paglulunsad ng programa.
Sa huli, kung mayroon nang pondo, marapat paghandaan naman ang angkop na implementasyon sa Calamba nang lumawak pa ang maiimpluwensiyahan ng mga benepisyong dala ng AGAP.AI—at mas nararapat na gamitin ito nang tama. Sa gitna ng bagsak na antas ng edukasyon sa bansa at ang anino ng katiwalian sa gobyerno, ang angkop na integrasyon ng AI ang nagsisilbing ilaw dito. Kung lalawakan ang perspektiba mula sa edukasyon, pamumuno, ekonomiya, at iba pa, ang AI ay hindi magiging balakid o pamalit, ngunit isang katuwang sa pag-aalaga ng angking husay ng mga mag-aaral at pag-aangat ng antas ng pamumuhay ng bawat Calambeño.