Welcome to the ABLCS Google Site!
Welcome to the ABLCS Google Site!
Maligayang pagbisita sa websayt ng Batsilyer ng Artes sa Araling Pampanitikan at Pangkultura ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas!
Gabay ng Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon Utos Memorandum Bilang 21, Serye ng 2017, o ang mga Polisiya, Alituntunin, at Pamantayan para sa Batsilyer ng Artes sa Araling Pampanitikan at Pangkultura (CHED Memorandum Order 21, Series of 2017, or the Policies, Standards, and Gudelines for the Bachelor of Arts in Literary and Cultural Studies Program), layunin ng programa na makapag-ambag sa lalo pang ikatatatag at ikatitingkad ng pag-aaral sa mga sining at kultura ng Pilipinas at ng iba pang bahagi ng mundo. Mula nang maitatag nuong 2018, patuloy na sinisikap ng pamunuan, mga akademiko kawani, sa pakikipagtulungan sa mga mag-aaral at alumnay ng programa na mapanatili at lalo pang payabungin ang tradisyon ng kahusayan – na tatak na ng Sintang Paaralan, hindi lamang sa loob ng silid-aralan, kung hind sa mga mahahalagang gawaing pangkultura at pampanitikan sa loob at labas ng bansa.
Hatid ng mga gurong may mataas na kasanayan sa araling panitikan at kultura, na kinikilala ng iba’t ibang mga organisasyon kagaya ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, at iba pa, ang Batsilyer ng Artes sa Araling Pampanitikan at Pangkultura ng PUP na binubuo ng 146 na yunit ng mga kursong pangkalahatang edukasyon or general education courses, at mga core, major, at elektib. Sa ikatlong taon ng programa, pumipili ang mga mag-aaral sa pagitan ng dalawang tracks – ang Track A Pag-aaral Pampanitikan at Pangkultura at Track B Panitikan sa Iba’t Ibang Propesyon.
Sa aming pagtahak sa unang antas ng akreditasyon ng AACCUP, pagpupunyagian ng Batsilyer ng Artes sa Araling Pampanitikan at Pangkultura na maitampok ang mga mahuhusay at makabuluhang mga paniniliksik, ekstensiyon at mga gawaing pangkomunidad, gawaing akademiko at ektrakurikular ng mga guro at mag-aaral, kurikulum, ugnayan sa mga pamantasan at mga organisasyong pangkultura sa loob at labas ng bansa, at iba pang mahahalagang detalye na binabalangkas ng websayt na ito.
Ang lahat ng ito at higit pa ay masusing ginagawa upang matiyak ang tagumpay ng mga mag-aaral ng Batsilyer ng Artes sa Araling Pampanitikan at Pangkultura, hindi lamang sa kanilang mga gawaing akademiko, kundi sa lalo pang mahalagang buhay sa labas ng pamantasan.
Halina na at inyong kilalanin ang Batsilyer ng Artes sa Araling Pampanitikan at Pangkultura ng PUP, ang ating Sintang Paaralan.
Prof. Rafael Michael O. Paz, Ph.D.
Dean, College of Arts and Letters
Ang Departamento ng Ingles, Banyagang Wika at Linggwistika ay malugod na bumabati sa ating mga kagalang galang na taga suri mula sa AACUP. Ang ABLCS ay isang binhhi na umusbong at patuloy na nililinang ng departamento upang magsilbing mayamang sibol ng literatura at kultura na magpapatibay sa ugat at magyayabong pa sa mga darating na panahon. Ang binhing ito ng kahusayan ay naglalayon na magbunga pa at maghandog sa bayan ng mga iskolar na magsisilbing karagdagang tanglaw ng Sintang Paaralan. Ang aming mga guro, mag-aaral, at kawani ay nakatuon sa pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Ginagabayan ng mga simulain ng Mula Sayo, Para sa bayan, ang ABLCS ay isang tanglaw ng inspirasyon, na nagbibigay liwanag sa daan para sa mga kabataang isipan na balang araw ay mamumuno at magbibigay inspirasyon sa iba, na tinitiyak na mananatili ang pamana ng Iskolar ng Bayan.
Asst. Prof. Ma. Cecilia S. Angeles, MAELT
Chairperson, Department of English, Foreign Languages, and Linguistics
Polytechnic University of the Philippines