Batang nangangayayat sa gutom. Mga matang nakatingin sa kawalan. Kapaligiran na nilalangaw na sa karumihan. Ilan lang ýan sa mga nakakaantig na imahe na kumukurot sa puso ng sinumang makakakita o makakapanood nito. Ito ay ilan lamang sa makapangyarihang kaparaanan upang makapaghudyat ng aksyon o pagkilos sa mga tao. Binigyang pangalan ang konsepto na ito at tinawag itong poverty porn. Sa artikulong “What is poverty porn and why does it matter for development?”, binigyang kahulugan ang poverty porn bilang anumang uri ng media, nasusulat man, litrato o naka-video, na nananamantala sa kalagayan ng mahihirap sa layuning makakalap ng pondo o donasyon( Collin, 2009).
Sa makabagong panahon ngayon, laganap na rin ang poverty porn maging sa social media. Katunayan, ang mga litrato o video ng mga mahihirap, naghihikahos, at kaawa-awa ang siyang humahakot ng libu-libong "likes" at nakakapag-engganyo ng "following" sa sinumang nag-post ng mga ito. Sa telebisyon naman, instrumento ang poverty porn sa mga patalastas at sa mga programang pangbalitaan upang makalikom ng pondo o para mapataas ang "ratings."
Sa Pilipinas kung saan mahigit dalawampu ang mga bagyo na dumaraan kada taon at kung saan tila normal na ang mga kalamidad dahil sa dami ng aktibong mga bulkan, madalas na ginagamit ng gobyerno at ng pribadong sektor ang imahe ng mga biktima na nasa evacuation center o ang mga "bakwit" para makalikom ng salapi. Isa sa mga paraan ang mga telethon o ang pagbubukas ng linya ng telepono sa mga manonood na nais magkaloob ng donasyon habang ipinapakita ang anyo ng paghihirap na kadalasan ay mahirap na nga, naging biktima pa ng kalamidad.