Ang Paaralang Elmentarya ng Mabaldog ay matatagpuan sa kabundukan ng Sierra Madre. Ito ay nasa Sitio Mabaldog na sakop ng Barangay Ligaya, Munisipalidad ng Gabaldon, Lalawigan ng Nueva Ecija. Nararating ito sa pamamagitan ng paglalakad ng tatlong oras mula Barangay Ligaya hanggang sa paaralan o maaari ding sumakay sa tinatawag nilang Hubad o 6 X 6 Truck. Bago makarating sa Paaralan ng Sitio Mabaldog, kailangang tawirin ang tatlumpu’t dalawang ilog na may layong labingwalong kilometro mula sa Munisipyo ng Gabaldon. Mayroon itong populasyon na humigit kumulang dalawandaan at may mga kabahayang may bilang na walumpu’t lima. Karamihan ng naninirahan dito ay mga Katutubong Dumagat.
Ang Paaralang Elementarya ng Mabaldog ay may kabuuang sukat na tatlong libong metro kwadrado. Ang pangunahing ikinabubuhay ng mga magulang ng mag-aaral ay pagtatanim ng palay, kamote, luya, gabi, saging at mais. Nangunguha din sila nga bukawe, yantok, buho, bayog at kawayan. Nanghuhuli rin sila ng isda sa ilog at nangangaso.
Taong 2001, nagkaroon ng paaralan ang Mabaldog sa tulong ng Pambansang Komisyon ng Katutubo at tinawag nila itong Paaralang Primarya ng Mabaldog na ang naging guro ay si Ginoong Eymard Yenson at ang Punong Guro ay si Ginang Avelina S. Duatin. Makalipas ang limang taon ay napalitan si Ginoong Eymard Yenson ni Ginoong Arnold B. Padama. Taong 2008, napalitan ang Ulong Guro na si Ginang Avelina S. Duatin ni Ginoong Gary Zaldy Flores. Makalipas ang dalawang taon, naging Ulong Guro naman si Ginoong Avelino B. Talania. Taong 2013, nadagdagan ng guro ang Paaralan ng Mabaldog at ito ay si Ginoong Rodel T. Costales. Noong Hunyo 10, 2016, napalitang muli ang Ulong Guro na si Ginoong Avelino B. Talania ni Ginoong Avelino M. Facundo at siya ay kasalukuyan paring Ulong Guro ng paaralan. Ang mga guro na sina Ginoong Arnold B. Padama at Ginoong Rodel T. Costales ay nadagdagan ng kasamahan noong Hulyo 16, 2015 at ito ay si Ginoong Ramil T. Gagala. Taong 2016, nalipat ng paaralan si Ginoong Arnold B. Padama at noong Hunyo 5, 2017 nadagdag naman bilang guro si Ginoong Lawrence Leo F. Gabriel. Agosto 10, 2018 ay muling naidagdag si Ginoong Lyndon M. Dumayas.
Sa kasalukuyan mayroong apat na guro ang Paaralang Elementarya ng Mabaldog. Si Ginoong Lyndon M. Dumayas ang nagtuturo ng Kindergarten, Si Ginoong Rodel T. Costales ay nagtuturo ng Una at Ikalawang Baitang, Si Ginoong Ramil T. Gagala ang humahawak sa Ikatlo at Ika-apat na Baitang, samantalang si Ginoong Lawrence Leo F. Gabriel ang guro ng Ika-lima at Ika-anim na Baitang, na may kabuuang tatlumpu’t pitong mag-aaral. Sila ay pinangangasiwaan parin ng kanilang Ulong Guro na si Ginoong Avelino M. Facundo.