ARAL AT TURO NG BIBLIA
By: Sis Tita P. Alapide
Ako at ang Ama ay Iisa”. Ito ang sinasabi ng bibliya, ngunit saan at paano?
Iisang Dios na may manipistasyon ng tatlong persona o Tatlong persona na nagkakaisa?
Ayon sa paniniwala ng iilang kristiyano ang Ama , Anak at ang Espiritu Santo ay iisa, may pantay na kapangyarihan, kaalaman at kadakilaan. Ang katuruang ito ay tinatawag na Trinity kung saan hinango ang Tri-unity o tatlong persona na nagkakaisa.
Ngunit ano ang tunay na siyang turo ng Bibliya? Juan 5:39, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito ay siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.”
Ayon sa turo at aral ng Trinity concept, ang Tatlo ( Ama, Anak at Espiritu Santo) ay iisang persona, ang Ama na si Jehovah Yahweh, ay siya ring Jesus Christ na Anak at nagkatawang tao, at sila pa rin ang Espiritu Santo, kaya Sila ay pantay sa aspeto ng kapangyarihan, kaalaman at kadakilaan.
Mababasa sa aklat ng Mateo 28: 18-19, “At lumapit si Jesus sa kanila at sila ay kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo”.
Kung bibigyang linaw ang diwa ng talatang 18, “Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa ay naibigay na sa akin” kung saan ang Panginoong HesuKristo ang siyang nagsalita, nakasaad na sa Kaniya ibinigay ang kapamahalaan ng langit at sa ibabaw ng lupa, ang nagbigay ay nakatataas sa Kaniya dito tinutukoy si Yahweh Jehovah na siyang pinakamakapangyarihan sa lahat at may likha ng langit at lupa. Malinaw na inihahayag ang dalawang persona ang Ama at ang Anak. Sadyang nakagugulo ng pag iisip kung ito'y hindi pagbubulaybulayan ng mabuti, ayon sa salitang ingles, Trinity is a belief about the Person or Godhead or the Deity of Christ that there is One God manifested in three persons, and these three are One, Equal in Power, in Greatness and in Knowledge and they are Not Separated persons because they are One.
Kung babasahin sa bibliya, sa aklat I Juan 5:8. “Sapagka’t may tatlong nagpapatotoo, ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo: at ang tatlo ay nagkakaisa” (in unity).
Sa aklat ng Juan 10:30 sinasabi “Ako at ang Ama ay Iisa”.
Sa pag aaral ng Bibliya, mayroon tayong tinatawag na Hermeneutics, it is a systematic method of interpreting the Bible by a human or by itself upang maunawaan ang kontekstong ito, hayaan ang bibliya ang magpaliwanag.
Sa aklat ng Juan sa kabanata 17, talatang 11, “ At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako’y paririyan sa iyo Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging ISA, na gaya naman natin. Ang tinutukoy ni Jesus na “ingatan mo sila” ay pumapatungkol sa kaniyang labing dalawang apostol. “Upang sila’y maging isa na gaya naman natin”, nagkakaisa ang Ama at ang Anak sa isang dakilang gawain (Great Commission) at maging ang labing dalawang apostol ay nagkakaisa din, na pasahanggang ngayon ay ipinagpapatuloy ng mga kristiyano.
Sa Lucas 3:21-22 mababasa, “Nangyari nga ng mabautismuhan ang buong bayan, na si Jesus ay binautismuhan naman, at nang nananalangin ay nabuksan ang langit, at bumaba sa kaniya ang Espiritu Santo na may anyong katawan, tulad sa isang kalapati, at nanggaling ang isang tinig sa langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak; sa iyo ako lubos na nalulugod”. Sa talatang ito ay maliwanag na may tatlong persona, ang Ama na siyang nagsalita, ang Anak nasa ilog Jordan na binabautismuhan at ang Espiritu Santo na bumaba mula sa langit sa anyong kalapati. Ang aklat ng Juan ang nagpapatotoo tungkol sa pagka-Dios ni Jesus, Siya ang Bugtong na Anak ng Dios, kung babasahin sa kabanata 1 bersikulo 1, “Nang pasimula, siya ay Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.” nakasaad dito na Siya ay anak ng Dios na nagkatawang tao, siya rin ay Dios, nguni’t HINDI siya ang Dios na Makapangyarihan. Si Hesus yaong tinawag na Emmanuel na hula sa aklat ng Isaiah 7:14, “Kaya’t ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda: narito, isang dalaga ang maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel (Ang Dios ay sumasaatin). At ito'y mababasa din sa Isaiah 9:6, “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat; at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan”. Ang mga talatang ito ay nagsasabi na hindi pantay sa Kapangyarihan ang Ama at ang Anak, ang Anak ay tinawag na Makapangyarihang Dios (Mighty God) at hindi makapangyarihan sa lahat, dahil nagtagumpay Siya na tubusin ang buong sanglibutan ng Kaniyang banal na dugo, binigyan Siya ng kapamahalaan sa langit at sa lupa na ngayon ay nagmana ng karilagan mula sa Ama (Hebreo 1: 1-14). Ang Dios na tinutukoy na Makapangyarihan sa Lahat ay walang iba kundi ang Dios Ama (Yahweh Jehovah) na Siyang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng mga bagay sa kalangitan at sa sangkalupaan, the God Almighty (Genesis 1: 1-31).
Maging sa kaalaman ay hindi nagkakapantay, ito'y mababasa sa aklat ng Mateo 24:36, “Ngunit tungkol sa araw at oras na yaon, walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang”. May mga bagay na hindi ipinapaalam ng Ama sa Anak, maging ang mga anghel sa langit, ay hindi alam ang araw at oras na itinakda ng Ama para sa mga huling araw na mga darating pang pagtutuos ng dalawang kaharian, ang kaharian ng Dios at kaharian ng kadiliman, ang Diyablo. Sa aklat ng Juan 14:28 sinasabi ni Jesus, “Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako’y inyong iniibig, kayo’y mangagagalak, dahil sa ako’y pasasa Ama: sapagka’t ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.” Ang Panginoong HesuKristo ang nagsabi na mas dakila ang Ama sa kaniya sapagkat maging siya ay susuko rin sa paanan ng Dios Ama upang sa katapustapusan ang siyang Dios na Makapangyarihan sa Lahat ang sasaibabaw sa lahat (I Corinto 15:24-28).
Ito'y mga simpleng paliwanag, at marami pang talata sa Bibliya ang nagsasaad at nagpapatunay ng tatlong magkakaibang persona, kapangyarihan, kaalaman at kadakilaan ngunit may iisang layunin. Ang bibliya ang nagpapatunay na ang tatlong panig ay HINDI IISA kundi nagkakaisa upang ang sanglibutan ay maligtas sa tiyak na kapahamakan.
Patungkol naman sa ng Espiritu Santo, Holy Ghost o Espiritu ng Dios na tinatawag din na Banal na Espiritu, mula sa aklat ng Genesis hanggang sa aklat ni Jude ay walang mababasa na nagsasaad ng tiyak na bilang nito. Kung tunay nga na ang bawa’t mananampalataya ay mananaliksik ng Banal na Kasulatan, disin sana’y walang madadaya na marami sa buong mundo hinggil sa katotohanan ng mga sinasampalatayanan. Kaya naman si Apostol Juan ay hindi mapatay patay ng mga sundalong Romano, sapagkat mayroon pa siyang isusulat na mga pahayag ng ating Panginoong Hesus (aklat ng Apocalipsis), kaya tinawag sa English na Book of Revelation, dahil marami pang ibinunyag si Jesus sa pamamagitan ng kanyang minamahal na alagad (John the Beloved).
Ang New Testament ay natapos pagkaraan ng isang daan taon pagkamatay ng ating Panginoong Hesukristo ganun pa man ito ang siyang may pinakamaraming kopya ang inilimbag upang maipamudmod sa buong mundo upang matuklasan ang buong katotohanan sa tunay na kaligtasan ng kaluluwa. At sa huling aklat na Book of Revelation mababasa ang bilang ng Espiritu Santo.
Ilan ba sila? Pag sinabing SILA, ito ay pumapatungkol sa marami, plural ika nga sa English Grammar kung ang Ama ay Isa lang, si Jesus ay Isa lang din, ang Espiritu Santo ay HINDI ISA, kundi Pito (7).
Rev. 1:4 “Si Juan sa pitong iglesia na nasa Asia, Biyaya ang sumainyo nawa, at kapayapaang mula doon sa kaniya na ngayon, at ng nakaraan at darating: at mula sa pitong Espiritu na nasa harapan ng kaniyang luklukan”
Revelation 4:5, “At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog, at may pitong ilawang apoy na nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang pitong Espiritu ng Dios; “
Revelation 5:6, “At nakita ko sa luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Kordero na nakatayo, na wari’y pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios na sinugo sa buong lupa”.
Hindi ba ito nababasa ng mga mangangaral ng Bibliya? Bakit hanggang sa panahong kasalukuyan ay hindi ipinangangaral ang tunay na katotohanan tungkol sa Espiritu Santo? Ang madalas na marinig sa simbahan ay si Jesus, si Jesus na tinawag ng marami na Papa Jesus, kasi siya rin ang God the Father, na siyang itinuturo ng karamihang mga kristiyano. Sadya nga bang bulag o tuluyan ng nasakluban ang pag iisip na ituro ang tunay na bilang ng Espiritu Santo? Ano ang kanilang kalikasan at gawain? Higit sa lahat ano ang kanilang naitutulong sa isang mananampalataya ni Krsito?
Mga minamahal na mambabasa, panahon na upang saliksikin natin ang Banal na Kasulatan sapagkat kung ating babalikan ang sinabi ni Jesus, Juan 5:39, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin”.
Ang lahat ng mananampalataya ay nararapat na alamin kung tama ba lahat ng aral patungkol kay Kristo. Ituwid ang pananampalataya, kung ito ay iba sa aral ng Bibliya, nasusulat sa aklat ng I Cor. 6:9-10, “Hindi ka magmamana ng Kaharian ni Kristo.”
Ang Tri-Unity Concept ay nagtuturo ng tatlong panig, na kung saan ang Ama , Anak at 7 Espiritu Santo ay nagkakaisa sa layuning maligtas ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Banal na Dugo ni Jesus, dahil si Jesus ang nagtubos sa ating lahat, sinasabi ng Juan 3:16, “ Sapagka’t gayon na lamang ang pagibig ng Dios sa Buong sanglibutan na ibinigay Niya ang kanyang Bugtong na Anak, (Jesus) na ang sinumang sa kanya ay sumampalataya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan.” Ang Anak ang napako sa Krus, siya ang Kordero ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ng sanglibutan.” At ang Anak ay nagtagumpay na daigin ang Kamatayan at Siya’y umakyat sa langit kung saan siya nanggaling, sinugo Niya ang Espiritu Santo dito sa lupa noong araw ng Pentecostes upang sangkapan ng kapangyarihan ang mga alagad ni Jesus na iniwan niya sa lupa upang ganapin ang Dakilang Gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoong Jesus (Gawa 1:8). Pakatandaan na ang Dios na Makapangyarihan sa Lahat ay ang Dios Ama, si Yahweh Jehovah, at ang Panginoong HesuKristo ang The Only Begotten Son of God, habang ang 7 Espiritu Santo ng Dios na galing sa harapan ng Kaniyang Trono sa Kalangitan ay kasama ng mga tunay na mananampalataya ni Jesus Christ. Hindi Sila pantay sa kapangyarihan, sa kaalaman at sa Kadakilaan, Sila ay hiwa-hiwalay na mga persona, maging ang 7 Espiritu ng Dios ay mga sinugo dito sa lupa ganoon din ang Anak ng Dios ay sinugo ng Dios Ama (Juan 20:21). Nguni’t Silang lahat ay NAGKAKAISA, NAGMAMAHALAN AT NAGTUTULUNGAN, kaya tayong mga mananampalataya ay dapat na NAGKAKAISA, NAGMAMAHALAN AT NAGTUTULUNGAN AT LALONG NAG UUNAWAAN SA ISA’T ISA. PURIHIN ANG DIOS AMA SA KALANGITAN, PURIHIN ANG KORDERO NG DIOS AT SALAMAT SA 7 ESPIRITU SANTO NA PATULOY GUMAGABAY SA MINISTERYO NIYA RITO SA LUPA, ANG HULING BIYAYA NG DAHIL SA MGA TAPAT. AMEN, HALLELUJAH!!!