Mahal ko ang Diyos
Masasabi ko sa aking sarili na mahal ko ang Diyos kaya ako ay naglilingkod sa kanya, mahal ko ang Diyos kaya ako ay misyonero at mahal ko ang Diyos kaya ko iaalay ang aking buhay sa kanya, pero sa panahon na nakilala ko siya ng lubusan, doon ko lang naunawaan na mali lahat ang akala ko, dahil ang totoo kaya naganap ang bagay na ito ay dahil sa kanyang kagagawan. "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya." (1 Jn. 4:10). OO, ang lahat ng mga bagay sa buhay ko ay nagbago dahil sa kanyang PAG-IBIG.
Ako si Arnel Camba Galicia, 22 taong gulang, isang misyonero at Postulant ng Community na ito, mahigit 2 taon na rin ang nakalilipas at hindi ko pa rin lubhang maisip na tatawagin ako sa ganitong uri ng pamumuhay.
Paano nga ba nagsimula ang lahat? Taong 2012 nang dumating sa aming parokya ang mga misyonero. May 4 na misyonerong madre at 2 full time missionary na nakatuloy sa aming parokya, magmimisyon daw sila sa loob ng 1 taon sa aming parokya, hindi ko alam kung ano bang misyon nila kaya akong pakialam kung ano man ang gagawin nila, kasi may mga bagay akong kailangan gawin at unahin. Isa akong altar server at gayundin isang parish worker, taga-paglinis ng kumbento, simbahan, opisina ng pari at kanya ring utusan. Ang lahat ng bagay na ito ay ginagawa ko para makapag-aral sa kolehiyo, wala kasing pampaaral ang mga magulang ko sa akin, pero masipag sila kaya nga ako nakatapos ng high school. Dumaan ang mga panahon na kumilos ang mga misyonero, kakaiba ito sa lahat ng gawain ng simbahan... nariyan ang kanilang pagbabahay-bahay na karaniwang ginagawa ng mga protestante, pagrorosaryo na may pagninilay at kung saan-saan nila ito ginagawa, gayundin ang pagbibigay ng pag-aaral ng Bibliya. Sa mga nakito kong ito, ako rin ay nahikayat na maging isa sa mga kabataan na mag-aral ng Bibliya.
Habang dumadaan ang panahon at ako ay patuloy na nakikinig ng Salita ng Diyos, dito ko nakilala ng lubusan ang Diyos at ang kanyang nag-uumapaw na pag-ibig sa akin, walang araw na hindi ko hinangad na madama ang ganitong pakiramdam, ang mga Salita rin ng Diyos ang naging kalakasan ko, madalas rin akong mapagalitan at masabihan ng masakit na salita ni Father at dagdag pa dyan ang mga problema ko sa paaralan, sabi naman ng marami sa amin kailangan daw unawain si Father, kasi may sakit siya, kaya madalas ganoon ang ginagawa ko, lahat naman ng tao ay may kahinaan. Salamat sa mga Salita ng Diyos at laging gumagaan ang pakiramdam ko sa ganitong mga sitwasyon, pero dumating ang mga panahon na hindi na ako pinayagang dumalo ng aming pari sa bible study, hindi sa ayaw niya pero dahil sa marami pa daw akong trabahong kailangan tapusin sa kumbento o sa simbahan, may mga pagkakataon rin na tumatakas ako para makapagpatuloy sa bible study pero hindi rin naman naging magandang solusyon. Dumaan ang panahon na napuno ng kalungkutan ang aking puso dahil sa hindi ko na magawang makadalo, ang mga salitang pumupuno sa akin ay hindi ko na magawang mapakinggan.
Minsan inimbitahan kaming mga misyonero sa isang Vocational Retreat, iyon ay sa loob ng tatlong araw, ito ay upang maunawaan namin ang aming bokasyon, tumanggi akong sumama kahit gustong-gusto ko, dahil alam kong hindi rin naman ako papayagan. Matapos ang retreat na iyon, napag-alaman kong papasok na sa formation ang dalawa naming kasamahan sa Bible Study, nang mga panahon na nalaman ko iyo, talagang nanghina ako at gayundin ang nasabi ko sa sarili ko, ang tapang nila, ang lakas-lakas nila, samantalang ako isang duwag at mahina para tumugon sa kanya.
Ang mga bagay na ito ay lubhang gumugulo sa akin, gabi-gabi ay hindi ako makatulog, sa pag-iisip na kung bakit hindi ko magawang maipaglaban ang Diyos sa buhay ko? Dagdag pa nito napapadalalas na ang pagiging magagalitin ni Father, mas lalo na kasing lumalala ang high-blood n'ya, dumating rin ang panahon na nagawa na rin niyang pagbuhatan ako ng kamay, sa mga panahon ding iyon, napakarami ring problema sa eskwelahan, hindi ko alam kung sino ang malalapitan ko noon, gayong wala rin naman ako sa bahay, kaya ang lahat ng ito ang nagtulak sa akin para humantong sa isang desisyon. Ang umalis...
Lumayas ako sa kumbento at maging sa mga magulang ko hindi ako nagpaalam, pumunta ako sa ate ko at doon nanatili ng isang linggo, ang sabi ko sa sarili ko, gusto kong huminga, gusto kong maging malaya at gusto kong makapag-isip, sa totoo lang matapos ang linggong iyon, wala naman nangyari, mas lalo lamang bumigat ang dibdib ko. Kaya't matapos ang lahat bumalik ako samin upang harapin ang mga pagsubok.
Umuwi ako sa amin at hinarap ko ang mga magulang ko, at wala akong nasabi sa mga sandaling iyon kundi umiyak, matapos noon pumunta ako kay father upang huminge ng kapatawaran at ilahad ang paghahangad kong maging misyonero, laking gulat ko ng mga sandaling iyon (sa) naging impresiyon niya, nakangiti; sa sandali ring iyon, humingi siya ng kapatawaran, hindi ko alam ang mararamdaman ko pero, napakagaan ng puso ko ng mga sandaling iyon.
Dumaang muli ang sumunod na Vocational Retreat at dito tuluyan na akong nakadalo, matapos nito, ako ay sumang-ayon sa tawag ng Diyos. Sa totoo lamang , mahirap pa rin, pero sa pagkakataong ito, kailangan kong maging matapat. Sa gabi bago ako pumunta sa formation house, kinausap ko ang nanay ko. Mahirap para sa kanya na matanggap, sa totoo lang, ang mga magulang ko ang naging dahilan ko noon para tumanggi sa tawag ng Diyos. Gusto kong makatapos para sa kanila, pero hindi na mangyayari iyon... Ngunit ng gabing iyon, isang tanong lamang ang nagpakalma sa kanya, "Anak diyan ka ba talaga magiging masaya?" Tumango lamang ako sa kanya at matapos noon, kinbukasan, ay masaya akong pumasok sa formation house.
Sabi nga ni San Juan, "Ang Diyos ay pag-big" (1 Jn 4:8), at ito lang ang laging dahilan kung bakit ako ay patuloy na maglilingkod, maging isang misyonero at mag-alay ng aking buhay sa kanya. Salamat sa pag-ibig at habag ng Diyos at nangyari ang lahat ng bagay na ito.