Sulat ni Carlos
Obra ni Ron Jewell Triumfo
Nagsimula ang taong nangangapa, na umaasa sa magandang takbo,
Hinahanda ang sariling harapin ang mga nagbabadyang tagpo.
Iniisip pa ang kulay sa ipinipintang larawan—
‘Di man napag-aralan ang pagguhit, pero ito’y natutunan na sa tahanan.
Kung ang leon ay kilalang matapang, ano pa ako,
Na ilang taon nang lumalaban?
Iba’t ibang hamon at pagsubok ang tumantsa sa aking pagiging matapang.
Kung manghina’y iginapang, hindi inisip ang sumuko.
Aking pinilit na ilaban ang matuto;
Mali ko ang sa akin ay nagturo.
Panahon ang naging gabay kung saan man ako tumungo.
Hindi man matanaw ang bukas kung paano umpisahan,
Ang pagiging tapat naman ay lunas sa aking susunding daan.
Kung mapagod man ay magpapahinga; kung malungkot man ay luluha.
‘Di susuko, dahil ang pangarap ay pipilitin na makuha.
Ako pa rin ay magtitiwala, kahit ang hinaharap ay di matukoy.
Taon lang ang lumilipas, ngunit ako’y magpapatuloy.