Mr. Witness
Mr. Witness
Written by Luna
Layout by Sentido Palito
Ilang linggo na mula nang lumabas ang balita tungkol sa kung paano magtanong ang isang babaeng abogado sa gitna ng isang kontrobersyal na pagdinig. Naging mabilis ang pagkalat nito sa iba't ibang plataporma ng social media—nagkaroon ng mga bersyon na ginawang meme, dubbing, at katatawanan. Ngunit sa likod ng mga katatawanang ito, mabilis na lumitaw ang mga malisyosong paratang. Ani ng marami, tila "nilalandi" o "sinusuyo" raw ng abogado ang testigo gamit ang kanyang tono at pananalita. Ang tanong na paulit-ulit na ipinapukol ng madla: “Mr. Witness, totoo po ba ang lahat ng paratang nila?”
Sa gitna ng ingay at mga meme sa internet, may mas malalim at mas madilim na usaping lumilitaw: ang talamak na double standard at misogyny sa propesyon ng batas.
Kapag Lalaki ang Nagsasalita: Kung ang isang lalaking abogado ang gumamit ng madamdamin, theatrical, o maawtoridad na tono sa pag-interogasyon, madalas itong itinuturing na "brilliant courtroom performance," "masterclass in cross-examination," o isang patunay ng kanyang matalas na diskarte at tapang.
Kapag Babae ang Nagsasalita: Ngunit kung ang isang babaeng abogado ang gumawa nito, agad itong binabansagan ng malisya. Ang kanyang pagiging awtoridad ay binabawasan ng propesyonalismo, ang kanyang tono ay ginagawang sexualized o pahiwatig ng panlalandi, at ang kanyang buong pagkatao ay ginagawang katatawanan.
Hindi na lang ito simpleng usapin ng isang viral video; salamin ito ng isang kultura kung saan ang mga kababaihan sa mataas at pampublikong posisyon ay patuloy na nililitis hindi batay sa kanilang argumento, kundi sa kanilang kasarian. Sa halip na suriin ang substansya ng mga tanong, ang legal na estratehiya, o ang nilalaman ng testimonya ng testigo, ang pokus ng madla ay napapatuon sa kanyang itsura, tono ng boses, at mga pahiwatig ng kalandian.
Sa sosyolohiya at gender studies, tinatawag itong "benevolent and hostile sexism,” kung saan ang kapangyarihan at awtoridad ng isang babae ay binabawasan sa pamamagitan ng pagtingin sa kanya bilang isang sexual object o sa pagpapalagay na ang kanyang kakayahan sa trabaho ay nanggagaling sa panlalandi at hindi sa kanyang talino at pinag-aralan.
Ang pagtatanong sa korte o sa anumang pagdinig ay isang sining at estratehiya— isang paraan upang makuha ang katotohanan at mailantad ang mga kontradiksyon. Subalit, hangga't patuloy na tinitingnan ng lipunan ang mga kababaihan sa pamamagitan ng misogynist na lente, ang husay ng isang babaeng abogado ay laging sasalain sa usapin ng kanyang pagkababae, sa halip na kilalanin ang kanyang kakayahan bilang isang dalubhasa sa batas.