Lunurin Nawa
Lunurin Nawa
Sulat ni Anon
Obra ni Linxxy
Ngayong tag-ulan, nawa’y hindi mawala at umusbong muli ang galit natin sa mga taong sangkot sa isyu ng flood control. Dahil sa kanilang kataksilan sa tungkulin, maraming kinabukasan ang nabura. Pumutol ng mga pangarap, binawi ang mga pinaghirapan, at higit sa lahat, kumitil ng buhay. Hindi tubig ang pumapatay kundi ang kawalang-hiyaan ng nangungurakot.
Nawa ang tubig-baha ng galit ng mamamayan ay umabot sa kanilang mga toreng garing. Lunurin nawa sila ng kanilang konsensya kung mayroon man sila nito. Hindi gaya ng mga namatay, nawa’y hindi maubos ang kanilang hininga sa pagkanta sa isa’t isa. Nawa’y lalo silang pigain ng batas at mapuno sila ng paghihinagpis sa kanilang pagkukulang. At higit sa lahat, maibalik nawa ang nanakaw nang may kakumpletuhan, at hindi dapat matapos lang sa pagkakakulong. Sa kasamaang palad, kahit makamit na natin ang hustisya, hindi pa rin ito sapat sa buhay na nawala.
Huwag kayong makalimot sa poot na nararamdaman ninyo. Sumpain niyo sila nang may sukdulang pagkasuklam. Galit na nakakaiyak, nagkakasipon, at nakapaninikip ng dibdib. Lahat ito ay dahil tayo ay nanakawan harap-harapan at kailanman hindi nila alam ang pakiramdam ng nalulunod.