Gulugod ng Masa
Gulugod ng Masa
Sulat Nathalie Shyr Malinao
Kuha ni Gabriel Romero
Mula sa likod ng kamera, sa harap ng mikropono, at sa pagitan ng mga pahina—may mga taong patuloy na nagbabantay sa katotohanan.
Tungkulin nila ang magbigay ng boses sa mga taong pinagkaitang magsalita, at magsindi ng liwanag sa mga kuwentong madalas ay nakakubli. Hinahalungkat ang mga nakabaong sikreto, hinihimay ang mga anomalya, at ipinaglalaban ang karapatan ng bawat mamamayan sa pagpapatibay ng kanilang kalayaang maging maalam.
Sila ang mga mamamahayag.
Isa sa kanila ay si Titser Inee Jugado, guro sa elementarya, at nagsisilbi rin bilang school paper adviser. Sa kaniyang pagganap, madalas siyang imbitahan bilang hurado, at panauhing tagapagsalita sa larangan ng campus journalism. Nakikibahagi siya sa mga gawain ng campus journalism hindi lamang sa Marikina, kundi maging sa iba’t ibang paaralan, at institusyon sa labas ng lungsod, mula sa mga pampaaralang aktibidad hanggang sa mga panrehiyong kompetisyon, at pagsasanay.
Sa bawat imbitasyon, naibabahagi niya ang kaniyang kaalaman at karanasan sa mga batang mamamahayag, habang patuloy na nagsisilbing gabay at inspirasyon sa kanilang paghubog ng kasanayan, at pagpapahalaga sa pamamahayag.
“Katulad ng karamihan sa atin, nagsimula naman din talaga ang love for campus journalism noong elementarya. Nag-start ako noong Grade 4. Actually, parang accident lang din na nakasali ako doon sa campus journalism program nung elementary ako, which is dito rin sa San Roque Elementary School. Dito rin ako nag-graduate nung elementary, and dito rin ako nag-start bilang campus journalist,” aniya.
Mula sa isang pagkakataong tila aksidente lamang noong ikaapat na baitang, unti-unting naging bahagi ng buhay ni Titser Inee ang campus journalism. Ang dating simpleng pagsali sa isang programa sa elementarya ay humantong sa mas malalim niyang paghubog bilang mamamahayag, guro, at tagapagsanay ng mga batang sumusubok ding hanapin ang kanilang tinig. Ang pamamahayag, higit lalo sa buhay ng mga mag-aaral, ay maaaring sumibol mula sa maliit nilang interes hanggang sa lumago ito bilang mahalagang bahagi ng kanilang pagkatao. Gayunpaman, kasabay ng kaniyang paglalakbay sa pamamahayag ay ang patuloy na pag-unlad ng teknolohiya.
Sa gitna ng lahat ng kaniyang pagpupunyagi Kaakibat nito ang unti-unting pagbabago sa paraan ng pagtanggap ng impormasyon ng mga tao. Kung dati ay kailangang manood ng telebisyon, makinig sa radyo, o magbasa ng pahayagan upang makasagap ng balita, isang click at maikling scroll na lamang sa social media ang kailangan ngayon upang malaman ang mga kaganapan sa bansa at maging sa buong mundo.
Sa pagdami ng mga platapormang pinagkukunan ng impormasyon bilang mga pangunahing pinagmumulan ng impormasyon, unti-unting nahaharap sa hamon ang tiwala ng publiko sa pamamahayag. Sa dami ng naglipanang vloggers, content creators, at impormasyong nabubuo gamit ang artificial intelligence o AI, mas nagiging mahirap para sa mga tao na matukoy kung alin ang mapagkakatiwalaang balita, at alin ang naglalaman ng maling impormasyon.
Ayon kay Titser Inee, napakahalaga ng papel ng mga mamamahayag sa lipunan sapagkat sila ang nagsisilbing tagapaghatid ng tama, napapanahon, at mapagkakatiwalaang impormasyon sa publiko.
Bagaman lahat ng tao ay may kalayaang pumili at may karapatan sa kani-kanilang pananaw, ang pamamahayag ang nagsisilbing tulay upang magkaroon ang publiko ng sapat, mapanuri, at beripikadong impormasyon sa pagbuo ng kanilang pananaw.
“Pero bilang journalist, kahit na meron tayong pinaniniwalaan, lalo na pagdating sa mga usaping politika at social, hindi natin siya basta-basta puwedeng ilagay na bilang tayo o bilang tao. Iba ‘yung pagiging journalist, iba rin ‘yung pagkakaroon natin ng personal na opinion sa mga bagay-bagay,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, bagaman parehong nakatutulong ang mga content creator at mga journalist sa masa, may malinaw namang kaibahan ang dalawang ito. Ang mga vlogger ay karaniwang naglalabas ng mga content na sa tingin nila ay makakukuha ng maraming views. Sa kabilang banda, ang mga journalist ay humaharap sa responsibilidad na higit pa sa bilang ng mga manonood. Bawat impormasyong kaniyang inilalabas ay kailangang salain, beripikahin, at patunayan bago tuluyang ihain sa publiko.
Mula sa likod ng katotohanan, sa harap ng mga gulo, at sa pagitan ng takot at kamalian, ay naroon sila. Sapagkat ang bawat salitang isinusulat ay binhing lalago sa isip ng mambabasa. Kaya hangga’t may pangyayaring kailangang ihayag, at kuwentong kailangang pakinggan, mananatiling mahalaga ang mamamahayag bilang gulugod ng isang lipunang naghahanap, nagtatanong, at naninindigan para sa katotohanan.